Mga Pagbasa – Huwebes, Abril 28, 2016

April 28, 2016

in Tagalog Mass Readings

Huwebes sa Ika-5 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Mga Gawa 15, 7-21
Salmo 95, 1-2a. 2b-3. 10

Sa lahat ay pinahayag gawa ng Poong nagligtas.

Juan 15, 9-11

Mga Pagbasa – Huwebes, Abril 28, 2016
Huwebes sa Ika-5 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 15, 7-21

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Noong mga araw na iyon, pagkatapos ng mahabang pagtatalo, tumindig si Pedro at sinabi sa mga apostol at sa matatanda: Mga kapatid, nalalaman ninyo na noong nakaraang mga araw, hinirang ako ng Diyos upang iparangal sa mga Hentil ang Mabuting Balita, at sila nama’y sumampalataya. At ang Diyos na nakasasaliksik ng puso ang nagpatotoo na, tulad natin, sila’y tinatanggap niya nang pagkalooban sila ng Espiritu Santo. Iisa ang tingin ng Diyos sa kanila’t sa atin; nilinis din niya ang kanilang puso sapagkat nanalig sila kay Hesukristo. Bakit ba marunong pa kayo sa Diyos? Ba’t ninyo ipinapapasan sa mga alagad ang isang dalahing mabigat na hindi natin napasan, ni ng ating mga magulang? Sumampalataya tayo at naligtas sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Panginoong Hesus, gayun din naman sila.”

Tumahimik ang buong kapulungan. Nakinig sila kina Bernabe at Pablo habang isinasalaysay nila ang kababalaghang ginawa ng Diyos sa mga Hentil sa pamamagitan nila. Pagkatapos, si Santiago naman ang nagsalita, “Mga kapatid, pakinggan ninyo ako. Katatapos pa lamang isalaysay ni Simon ang unang pagkatawag ng Diyos sa mga Hentil upang sila rin ay maging bayan niya, ayon sa hula ng mga propeta:

‘Pagkatapos nito ay babalik ako,
at muli kong itatayo ang bumagsak na tahanan ni David.
Muli kong ibabangon mula sa kanyang pagkaguho,
upang ang Panginoo’y hanapin ang ibang tao,
ng lahat ng bansang tinawag ko upang maging akin.
Gayun ang sabi ng Panginoon na nagpahayag ng mga bagay na ito mula pa noong una.’

“Kaya’t ang pasiya ko’y huwag nating ligaligin ang mga Hentil na lumalapit sa Diyos. Sa halip, sulatan natin sila na huwag kakain ng anumang inihandog sa diyus-diyusan; huwag makikiapid; huwag kakain ng hayop ng binigti, at ng dugo. Sapagkat mula pa nang unang panahon, ang Kautusan ni Moises ay binabasa sa mga sinagoga tuwing Araw ng Pamamahinga, at ipinangangaral ang kanyang salita sa bawat bayan.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 95, 1-2a. 2b-3. 10

Tugon: Sa lahat ay pinahayag, gawa ng Poong nagligtas.

Purihin ang Panginoon, awitan ng bagong awit;
Panginoo’y papurihan nitong lahat sa daigdig!

Tugon: Sa lahat ay pinahayag, gawa ng Poong nagligtas.

Awitan ang Panginoon, ngalan niya ay purihin;
araw-araw ang ginawang pagliligtas ay banggitin.
Kahit saa’y ipahayag na ang Poon ay dakila,
sa madla ay ipahayag ang dakila niyang gawa.

Tugon: Sa lahat ay pinahayag, gawa ng Poong nagligtas.

“Panginoo’y siyang hari,” sa daigdig ay sabihin,
“sanlibuta’y matatag na, kahit ito ay ugain;
sa paghatol sa nilikha, lahat ay pantay sa paningin.”

Tugon: Sa lahat ay pinahayag, gawa ng Poong nagligtas.

ALELUYA
Juan 10, 27

Aleluya! Aleluya!
Ang tinig ko’y pakikinggan
ng kabilang sa ‘king kawan,
ako’y kanilang susundan.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 15, 9-11

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kung paanong iniibig ako ng Ama, gayun din naman, iniibig ko kayo; manatili kayo sa aking pag-ibig. Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa aking pag-ibig; tulad ko, tinutupad ko ang mga utos ng aking Ama at ako’y nananatili sa kanyang pag-ibig.

“Sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang makahati kayo sa kagalakan ko at malubos ang inyong kagalakan.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

MAGNILAY TAYO!

Pagnilayan natin ang Salita ng Diyos, ang salitang nagbibigay buhay! Mahalaga ang ang pagbabahagi ng pagninilay upang mas maunawan pa natin ang mensahe ng ating Diyos para sa bawat isa sa atin.

{ 1 comment… read it below or add one }

Mahal April 28, 2016 at 8:35 pm

Ang sarap pakingan ang salin sa tagalog at namnamin ang mga salita ng Diyos.
Ngayon ko lang nabuksan ito, at sa pakiwari ko malaking Tulong ito sa araw-araw kong pagbabasa ng English Version. Salamat sa inyong araw araw na paglilingkod. Patnubayan nawa tayo ng katahimikan sa ating puso,isip at diwa, lalong lalo na ang magmahalan sa isa’t isa. Maraming salamat pro at pagpalain mayo ng poong maykapal.

BLESSING,
Mahal

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: