Mga Pagbasa – Lunes, Abril 25, 2016

April 25, 2016

in Tagalog Mass Readings


Play

Kapistahan ni San Maros, manunulat ng Mabuting Balita

1 Pedro 5, 5b-14
Salmo 88, 2-3. 6-7. 16-17

Pag-ibig mong walang maliw ay lagi kong sasambitin.

Marcos 16, 15-20

Mga Pagbasa – Lunes, Abril 25, 2016
Kapistahan ni San Marcos, Manunulat ng Mabuting Balita

UNANG PAGBASA
1 Pedro 5, 5b-14

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pedro

Mga pinakamamahal, magpakababa kayong lahat at maglingkod sa isa’t-isa, ayon sa nasusulat. “Kinamumuhian ng Diyos ang palalo, at kinalulugdan niya ang mababang-loob.” Kaya nga, pasakop kayo sa kapangyarihan ng Diyos at dadakilain niya kayo pagdating ng takdang panahon. Ipagkatiwala ninyo sa kanya ang inyong kabalisahan sapagkat siya ang kumukupkop sa inyo.

Humanda kayo at magbantay. Ang diyablo na kaaway ninyo ay parang leong umaatungal at aali-aligid na humahanap ng masisilo. Labanan ninyo siya at magpakatatag kayo sa inyong pananalig sa Diyos. Tulad ng alam ninyo, hindi lamang kayo ang nagtitiis ng ganitong kahirapan, kundi pati ang inyong mga kapatid sa buong daigdig. Pagkatapos ninyong magtiis ng maikling panahon, ang Diyos na bukal ng lahat ng pagpapala, ang siyang magbibigay sa inyo ng kaganapan, katatagan, at isang saligang matibay at si matitinag. Siya rin ang humirang sa inyo upang makihati kayo sa kanyang walang hanggang kaluwalhatian, kasama ni Kristo. Sa kanya ang kapangyarihan magpakailanman! Amen.

Sinulatan ko kayo sa tulong ni Silvano, isa nating kapatid na lubos kong pinagtitiwalaan. Sa pamamagitan ng maikling sulat na ito ay nais kong palakasin ang inyong loob at patunayan sa inyo na ito nga ang tunay na kaloob ng Diyos. Manatili kayo sa biyayang ito.

Kinukumusta kayo ng mga kapatid na nasa Babilonia, mga hirang na paris ninyo; kinukumusta rin kayo ni Marcos, ang mahal kong anak sa pananampalataya. Buong giliw kayong magbatian bilang magkakapatid kay Kristo.

Ang kapayapaan ay sumainyong lahat, mga tagasunod ni Kristo.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 88, 2-3. 6-7. 16-17

Tugon: Pag-ibig mong walang maliw ay lagi kong sasambitin.

Pag-ibig mo, Poon, na di magmamaliw
ang sa tuwi-t’wina’y aking aawitin;
ang katapatan mo’y laging sasambitin,
yaong pag-ibig mo’y walang katapusan,
sintatag ng langit ang ‘yong katapatan.

Tugon: Pag-ibig mong walang maliw ay lagi kong sasambitin.

Umawit silang nilikha sa langit,
ang iyong ginawa’y siyang dinadalit
ang katapatan mo, Poon, ay inaawit.
Sino’ng kaparis mo doon sa itaas?
walang ibang diyos na iyong katulad.

Tugon: Pag-ibig mong walang maliw ay lagi kong sasambitin.

Mapalad ang taong sa ‘yo’y sumasamba,
sa pagsamba nila’y inaawitan ka
at sa pag-ibig mo’y namumuhay sila.
Sa buong maghapon, ika’y pinupuri,
ang katarungan mo’y siyang sinasabi.

Tugon: Pag-ibig mong walang maliw ay lagi kong sasambitin.

ALELUYA
1 Corinto 1, 23a-24b

Aleluya! Aleluya!
Ang ipinakong Mesiyas
ay karunungan at lakas
ng D’yos na Tagapagligtas
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 16, 15-20

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon: Nagpakita si Hesus sa Labing-isa alagad at sinabi sa kanila, “Humayo kayo sa buong sanlibutan at ipangaral ninyo sa lahat ang Mabuting Balita. Ang sumasampalataya at magpabinyag ay maliligtas, ngunit ang hindi sumampalataya ay parurusahan. Ang mga sumampalataya ay magtataglay ng ganitong tanda ng kapangyarihan: sa pangalan ko’y magpapalayas sila ng mga demonyo at magsasalita sila ng mga demonyo at magsasalita ng ibang wika; sila’y hindi maaano dumampot man ng ahas o uminom ng lason; at gagaling ang mga maysakit na mapatungan ng kanilang kamay.”

Pagkatapos magsalita sa kanila, ang Panginoong Hesus ay iniakyat sa langit at lumuklok sa kanan ng Diyos. Humayo nga ang mga alagad at nangaral sa lahat ng dako. Tinulungan sila ng Panginoon sa gawaing ito. Pinatotohanan niya ang Salitang kanilang ipinangangaral sa pamamagitan ng kapangyarihang gumawa ng himala, na ipinagkaloob niya sa kanila.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

MAGNILAY TAYO!

Pagnilayan natin ang Salita ng Diyos, ang salitang nagbibigay buhay! Mahalaga ang ang pagbabahagi ng pagninilay upang mas maunawan pa natin ang mensahe ng ating Diyos para sa bawat isa sa atin.

Leave a Comment



Previous post:

Next post: