Mga Pagbasa – Miyerkules, Nobyembre 25, 2015

November 25, 2015

in Tagalog Mass Readings

Play

Miyerkules ng Ika-34 o Huling Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

Daniel 5, 1-6. 13-14. 16-17. 23-28
Daniel 3, 62. 63. 64. 65. 66. 67

Dakilai’t papurihan ang Poon magpakailanman.

Lucas 21, 12-19

Mga Pagbasa – Miyerkules, Nobyembre 25, 2015
Miyerkules ng Ika-34 o Huling Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

UNANG PAGBASA
Daniel 5, 1-6. 13-14. 16-17. 23-28

Pagbasa mulas sa aklat ni propeta Daniel

Noong mga araw na iyon, si Haring Belsasar ay nagdaos ng malaking piging para sa sanlibong tagapamahala niya. Nang kasalukuyan silang nag-iinuman, ipinakuha ni Haring Belsasar ang mga kagamitang ginto at pilak na sinamsam ng ama niyang si Nabucodnosor sa templo ng Jerusalem. Ipinakuha niya ang mga ito upang inuman nila – ng mga maharlika ng kaharian, mga tunay na asaw at mga aliping asawa. Ang mga kagamitang ginto at pilak na sinamsam sa templo ng Diyos ay dinala nga sa bulwagang pinagdarausan ng piging. Habang sila’y nag-iinuman, sinasamba naman nila ang kanilang diyus-diyusang ginto, pilak, tanso, bakal, kahoy at bato.

Walang anu-ano, lumitaw ang isang kamay at kitang-kita ni Haring Belsasar na ito’y sumulat sa pader ng palasyo, sa tapat ng kadelero. Dahil dito, nangalisag ang kanyang mga balahibo at namutla siya sa matinding takot.

At ipinatawag si Daniel at iniharap sa hari. Sinabi nito kay Daniel, “Ikaw ba ang Daniel na kasama sa mga binihag ng aking ama mula sa Juda? Nabalitaan kong sumasaiyo ang espiritu ng mga banal na diyos. May pambihirang talino ka raw at kaalaman. Nabalitaan ko na marunong kang magpaliwanag ng mga bagay na tulad nito at mahusay kang lumutas ng mga palaisipan. Ngayon, kung mababasa mo at maipapaliwanag ang sulat na ito, pararamtan kita ng purpura, kukuwintasan ng ginto at gagawing pangatlong tao sa kaharian.”

Sanabi ni Daniel sa hari, “Mahal na hari, huwag na po ninyo akong bigyan ng anuman; ibigay na ninyo sa iba ang sinasabi ninyong gantimpala. Babasahin ko na po lamang at ipaliliwanag ang sulat.

“Nagpakataas kayo sa harapan ng Panginoon. Ipinakuha ninyo ang mga kagamitan sa kanyang templo at ginamit sa inuman. Bukod doon, sumamba kayo sa mga diyos ninyong yari sa ginto, pilak, tanso, bakal, kahoy at bato, mga diyos na hindi nakakikita ni nakaririnig. At ang Diyos na nagbibigay sa inyo ng buhay ay hindi ninyo pinarangalan. Kaya, ipinadala ang kamay na yaon at pinasulat sa dingding ng inyong palasyo.

“Ito ang sulat: Mene, mene, tekel, parsin. Ito naman ang ibig sabihin: Mene, nabibilang na ang araw ng iyong kaharian pagkat wawasakin na ito ng Diyos. Tekel, ikaw ay tinimbang at napatunayang nagkukulang. Parson, ang kaharian mo at mahahati at ibibigay sa Media at Persia.”

Ang Salita ng Diyos

SALMONG TUGUNAN
Daniel 3, 62. 63. 64. 65. 66. 67

Tugon: Dakilai’t papurihan ang Poon magpakailanman.

Purihin ninyo ang Panginoon, araw at buwan;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.

Tugon: Dakilai’t papurihan ang Poon magpakailanman.

Purihin ninyo ang Panginoon, mga bituin sa langit;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.

Tugon: Dakilai’t papurihan ang Poon magpakailanman.

Purihin ninyo ang Panginoon, mga ulan at hamog;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.

Tugon: Dakilai’t papurihan ang Poon magpakailanman.

Purihin ninyo ang Panginoon, lahat ng hanging umiihip sa sandaigdigan;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.

Tugon: Dakilai’t papurihan ang Poon magpakailanman.

Purihin ninyo ang Panginoon, apoy at init;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.

Tugon: Dakilai’t papurihan ang Poon magpakailanman.

Purihin ninyo ang Panginoon,
nakapapasong init at matinding lamigl
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.

Tugon: Dakilai’t papurihan ang Poon magpakailanman.

MABUTING BALITA
Lucas 21, 12-19

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Darakpin kayo’t uusigin. Kayo’y dadalhin sa mga sinagoga upang litisin at ipabilanggo. At dahil sa akin ay ihaharap kayo sa mga hari at mga gobernador. Ito ang pagkakataon ninyo upang magpatotoo tungkol sa akin. Ipanatag ninyo ang inyong kalooban, huwag kayong mababalisa tungkol sa pagtatanggol sa inyong sarili; sapagkat bibigyan ko kayo ng katalinuhan at ng pananalitang hindi kayang tutulan o pabulaanan ng sinuman sa inyong mga kaaway. Ipagkakanulo kayo ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak, at mga kaibigan. At ipapapatay ang ilan sa inyo. Kapopootan kayo ng lahat dahil sa akin, ngunit hindi mawawala ni isang hibla ng inyong buhok. Sa inyong pagtitiis ay tatamuhin ninyo ang buhay na walang hanggan.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

MAGNILAY TAYO!

Pagnilayan natin ang Salita ng Diyos, ang salitang nagbibigay buhay! Mahalaga ang ang pagbabahagi ng pagninilay upang mas maunawan pa natin ang mensahe ng ating Diyos para sa bawat isa sa atin.

Leave a Comment



Previous post:

Next post: