Mga Pagbasa – Miyerkules, Nobyembre 04, 2015

November 4, 2015

in Tagalog Mass Readings

Play

Paggunita kay San Carlos Borromeo, Obispo
Miyerkules ng Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

Roma 13, 8-10
Salmo 111, 1-2. 4-5. 9

Ang taong tunay na mat’wid ay mahabagi’t mabait.

Lucas 14, 25-33

Mga Pagbasa – Miyerkules, Nobyembre 04, 2015
Paggunita kay San Carlos Borromeo, Obispo
Miyerkules ng Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

UNANG PAGBASA
Roma 13, 8-10

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma

Mga kapatid, huwag kayong magkaroon ng sagutin kaninuman, liban sa sauting tayo’y mag-ibigan; sapagkat ang umiibig sa kapwa ay nakatutupad sa kautusan. Ang mga utos, gaya ng, “Huwag kang mangangalunya, Huwag kang papatay, Huwag kang magnanakaw, Huwag kang mag-iimbot,” at ang alinmang utos na tulad ng mga ito ay nabubuo sa ganitong pangungusap, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” Ang umiibig ay hindi gumagawa ng masama kaninuman, kaya’t ang pag-ibig ang kabuuan ng kautusan.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 111, 1-2. 4-5. 9

Tugon: Ang taong tunay na mat’wid ay mahabagi’t mabait.

Mapalad ang tao na may takot sa Diyos,
siyang sumusunod nang buong alindog.
Ang kanyang lipi’y magiging dakila,
pati mga angkan ay pinagpapala.

Tugon: Ang taong tunay na mat’wid ay mahabagi’t mabait.

Ang taong matuwid, may bait at habag,
kahit sa madilim taglay ay liwanag.
Ang mapagpautang nagiging mapalad,
kung sa hanapbuhay siya’y laging tapat.

Tugon: Ang taong tunay na mat’wid ay mahabagi’t mabait.

Mabait na lubha, lalo sa mahirap,
ang pagiging mat’wid ay di nagwawakas.
Buong karangalan siyang itataas.

Tugon: Ang taong tunay na mat’wid ay mahabagi’t mabait.

MABUTING BALITA
Lucas 14, 25-33

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, sumama kay Hesus ang napakaraming tao; humarap siya sa kanila at kanyang sinabi, “Hindi maaaring maging alagad ko ang sinumang umiibig sa kanyang ama at ina, asawa at mga anak, mga kapatid, at maging sa sarili niyang buhay nang higit sa akin. Ang sinumang hindi magpasan ng sariling krus at sumunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko. Kung ang isa sa inyo’y nagbabalak magtayo ng tore, hindi ba uupo muna siya at tatayahin ang magugugol para malaman kung, may sapat siyang salaping maipagpapatapos niyon? Baka mailagay ang mga pundasyon ngunit hindi naman maipatapos – siya’y kukutyain ng lahat ng makakakita nito. Sasabihin nila: ‘Nagsimulang magtayo ang taong ito pero hindi naipatapos.’ O sinong hari na makikipagdigma sa kapwa hari ang hindi muna uupo at pag-aaralang mabuti kung ang sampunlibo niyang kawal ay maisasagupa sa kalaban na may dalawampunlibong tauhan? At kung hindi niya kaya, malayo pa ang kalaban ay magsusugo na siya ng mga kinatawan upang makipagkasundo. Gayun din naman, hindi maaaring maging alagad ko ang sinuman, kung hindi niya tatalikdan ang lahat sa kanyang buhay.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

MAGNILAY TAYO!

Pagnilayan natin ang Salita ng Diyos, ang salitang nagbibigay buhay! Mahalaga ang ang pagbabahagi ng pagninilay upang mas maunawan pa natin ang mensahe ng ating Diyos para sa bawat isa sa atin.

Leave a Comment



Previous post:

Next post: