Mga Pagbasa – Lunes, Nobyembre 2, 2015

November 2, 2015

in Tagalog Mass Readings

Play

Paggunita sa Lahat ng mga Pumanaw na Kristiyano

2 Macabeo 12, 43-46
Salmo 103, 8 at 10. 13-14. 15-16. 17-18.

Panginoo’y nagmamahal at maawain sa tanan.

Roma 8, 31b-35. 37-39
Juan 14, 1-6

Mga Pagbasa – Lunes, Nobyembre 2, 2015
Paggunita sa Lahat ng mga Pumanaw na Kristiyano

UNANG PAGBASA
2 Macabeo 12, 43-46

Pagbasa mula sa ikalawang aklat ng Macabeo

Noong mga araw na iyon, nagpalikom si Judas, ang pinuno ng Israel, ng mga kaloob na umabot sa halagang apat na librang pilak at ipinadala sa Jerusalem upang ihandog na pantubos sa kasalanan. Ginawa ito ni Judas sapagkat naniniwala siya sa muling pagkabuhay ng mga patay. Kung hindi’y magiging kahangalan lamang ang ipanalangin pa ang mga namatay na. Dahil buo ang kanyang paniniwala na ang lahat ng namamatay na nanatiling sapat ay tatanggap ng dakilang gantimpala, ginawa niya ang paghahandog na iyon upang ang pagkakasala ng mga namatay na ito ay patawarin.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 103, 8 at 10. 13-14. 15-16. 17-18.

Tugon: Panginoo’y nagmamahal at maawain sa tanan.

Kay ganda ng kalooban, mahabagin itong Diyos,
kung magalit ay banayad, kung umibig nama’y lubos.
Kung siya ay magparusa, di katumbas ng pagsuway;
di na tayo sinisingil sa nagawang kasalanan.

Tugon: Panginoo’y nagmamahal at maawain sa tanan.

Kung paano nahahabag ang ama sa anak niya
gayun siya nahahabag sa may takot sa kaniya.
Alam niya na alabok, yaong ating pinagmulan,
alam niyang babalik din sa alabok kung mamatay.

Tugon: Panginoo’y nagmamahal at maawain sa tanan.

Ang buhay ng mga tao’y parang dami ang katulad,
sa parang ay lumalago na animo ay bulaklak;
kapag ito’y nahanginan, nawawala’t nalalagtas,
nawawala mandin ito at hindi na namamalas.

Tugon: Panginoo’y nagmamahal at maawain sa tanan.

Ngunit ang pag-ibig ng Diyos ay tunay na walang hanggan,
sa sinuman sa kanya’y may takot at pagmamahal;
ang matuwid niyang gawa ay wala ring katapusan.
Yaong magtatamo nito’y ang tapat sa kanyang tipan,
at tapat na sumusunod sa bigay na kautusan.

Tugon: Panginoo’y nagmamahal at maawain sa tanan.

IKALAWANG PAGBASA
Roma 8, 31b-35. 37-39

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma

Mga kapatid:
Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang laban sa atin? Hindi niya ipinagkait ang sarili niyang Anak kundi ibinigay para sa ating lahat. Kung naipagkaloob niya sa atin ang kanyang Anak, hindi ba niya ipagkakaloob sa atin ang lahat ng bagay, kasama ng kanyang Anak? Sino ang maghaharap ng sakdal laban sa mga hinihirang ng Diyos, gayong ang Diyos ang nagpapawalang-sala sa kanila? Sino nga ang hahatol ng kaparusahan? Si Kristo Hesus bang nasa kanan ng Diyos? Siya pa nga ang namatay at muling binuhay, at ngayo’y namamagitan para sa atin. Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pagmamahal ni Kristo? Ang paghihirap ba, ang kapighatian, ang pag-uusig, ang gutom, ang kahubaran, ang panganib, o ang tabak? Hindi! Ang lahat ng ito’y kayang-kaya nating pagtagumpayan sa pamamagitan niya na nagmamahal sa atin. Sapagkat natitiyak kong ang kamatayan, ang buhay, ang mga anghel, ang mga pamunuan, ang mga bagay sa kasalukuyan, ang mga bagay na darating, ang mga kapangyarihan, ang kataasan, ang kalaliman, o ang alinmang nilalang ay hindi magkapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos – pag-ibig na ipinadama niya sa atin sa pamamagitan ni Kristo Hesus na ating Panginoon.

Ang Salita ng Diyos.

MABUTING BALITA
Juan 14, 1-6

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Huwag kayong mabalisa; manalig kayo sa Diyos at manalig din kayo sa akin. Sa bahay ng aking Ama ay maraming silid; kung hindi gayun, sinabi ko na sana sa inyo. At paroroon ako upang ipaghanda ko kayo ng matitirhan. Kapag naroroon na ako at naipaghanda na kayo ng matitirhan, babalik ako at isasama kayo sa kinaroroonan ko. At alam na ninyo ang daan patungo sa pupuntahan ko.” Sinabi sa kanya ni Tomas, “Panginoon, hindi po namin alam kung saan kayo pupunta, paano naming malalaman ang daan?” Sumagot si Hesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

MAGNILAY TAYO!

Pagnilayan natin ang Salita ng Diyos, ang salitang nagbibigay buhay! Mahalaga ang ang pagbabahagi ng pagninilay upang mas maunawan pa natin ang mensahe ng ating Diyos para sa bawat isa sa atin.

Leave a Comment



Previous post:

Next post: