Mga Pagbasa – Martes, Oktubre 27, 2015

October 27, 2015

in Tagalog Mass Readings

Play

Martes ng Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

Roma 8, 18-25
Salmo 125, 1-2ab. 2kd-3. 4-5. 6

Gawa ng D’yos ay dakila kaya tayo’y natutuwa.

Lucas 13, 18-21

Mga Pagbasa – Martes, Oktubre 27, 2015
Martes ng Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

UNANG PAGBASA
Roma 8, 18-25

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma

Mga kapatid, sa ganang akin, ang mga pagtitiis sa kasalukuyan ay hindi maihahambing sa ihahayag ng kaluwalhatiang sasaatin. Nananabik ang sangnilikha na ihayag ng Diyos ang kanyang mga anak. Nabigo ang sangnilikha, hindi sa kagustuhan nito, kundi dahil sa ito ang niloob ng Diyos. Gayunman, may pag-asa pa, sapagkat ang sangnilikha ay palalayain sa pagkaalipin nito sa kabulukan, at makakahati sa maluwalhating kalagayan ng mga anak ng Diyos. Alam natin na hanggang ngayon ang sangnilikha ay dumaraing sa paghihirap. Hindi lamang sila! Tayo mang tumganggap ng Espiritu bilang unang kaloob ng Diyos ay napapahimutok samantalang hinihintay natin ang pag-ampon sa atin ng Diyos, ang pagpapalaya sa atung mga katawan. Ligtas na tayo at inaasahan natin ang kaganapan nito. Ngunit ang pag-asa ay hindi pag-asa kapag nakikita na ang inaasahan. Sapagkat sino ang aasa sa nakikita na? Ngunit kung umaasa tayo sa hindi natin nakikita, ito’y hihintayin natin nang buong tiyaga.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 125, 1-2ab. 2kd-3. 4-5. 6

Tugon: Gawa ng D’yos ay dakila kaya tayo’y natutuwa.

Nang lingapin tayo ng Diyos at sa Sion ay ibalik,
ang nangyari’y kasaysaya’y parang isang panaginip.
Lahat tayo ay natuwa, masasayang nagsiawit.

Tugon: Gawa ng D’yos ay dakila kaya tayo’y natutuwa.

Ang sabi ng mga bansang nagmamasid sa paligid,
“Ang ginawa ng Diyos nila ay dakila, anong rikit!”
Dakila ngang masasabi, pambihira ang ginawa,
kaya naman kami ngayon, kagalaka’y di kawasa!

Tugon: Gawa ng D’yos ay dakila kaya tayo’y natutuwa.

Kung paanong inuulan yaong mga tuyong batis,
sa sariling bayan namin, kami, Poon, ay ibalik.
Silang mga nagbubukid na nagtanim na may luha,
bayaan mo na mag-aning masasaya’t natutuwa.

Tugon: Gawa ng D’yos ay dakila kaya tayo’y natutuwa.

Yaong mga nagsihayong dala’y binhi’t nananangis,
ay aawit na may galak, dala’y ani pagbalik!

Tugon: Gawa ng D’yos ay dakila kaya tayo’y natutuwa.

MABUTING BALITA
Lucas 13, 18-21

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus, “Ano ang katulad ng paghahari ng Diyos? Saan ko ihahambing ito? Katulad ito ng isang butil ng mustasa na itinanim ng isang tao sa kanyang halamanan. Ito’y lumaki hanggang sa mgaing punongkahoy at namugad ang mga ibon sa mga sanga nito.”

Sinabi pa ni Hesus, “Saan ko itutulad ang paghahari ng Diyos? Katulad ito ng lebadurang inihalo ng isang babae sa tatlong takal na harina, anupat umalsa ang buong masa.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

MAGNILAY TAYO!

Pagnilayan natin ang Salita ng Diyos, ang salitang nagbibigay buhay! Mahalaga ang ang pagbabahagi ng pagninilay upang mas maunawan pa natin ang mensahe ng ating Diyos para sa bawat isa sa atin.

Leave a Comment



Previous post:

Next post: