Linggo, Mayo 24, 2020

May 24, 2020

in Tagalog Mass Readings

Play

Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat (A)

Mga Gawa 1, 1-11
Salmo 46, 2-3. 6-7. 8-9

Habang umaakyat ang D’yos, ang tambuli’y tumutunog.

Efeso 1, 17-23
Mateo 28, 16-20

Help us reach more people! If you find our content useful, we request that you credit and link back to our website or social media pages. © Tagalog Mass Readings - www.awitatpapuri.com

The Ascension of the Lord (Cycle A)

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 1, 1-11

Pagbasa mula sa mga Gawa ng mga Apostol

Mahal na Teofilo:

Isinalaysay ko sa aking unang aklat ang lahat ng ginawa at itinuro ni Hesus buhat sa pasimula hanggang sa araw na siya’y umakyat sa langit. Bago siya umakyat, tinagubilinan niya sa pamamagitan ng Espiritu Santo ang mga apostol na kayong hinirang. Pagkatapos ng kanyang pagbabata, maraming ulit siyang napakita sa kanila. Sa gayon, napatunayang siya’y buhay. Napakita sya sa kanila sa loob ng apatnapung araw at nagturo tungkol sa paghahari ng Diyos. At samantalang siya’y kasama-sama pa nila, kanyang tinagubilinan sila: “Huwag muna kayong aalis sa Jerusalem. Hintayin ninyo roon ang ipinangako ng Ama na sinabi ko na sa inyo. Nagbinyag nga sa tubig si Juan, ngunit di na magtatagal at bibinyagan kayo sa Espiritu Santo.”

Kaya’t nang magkasama-sama si Hesus at ang mga alagad, nagtanong ang mga ito, “Panginoon, itatatag na ba ninyong muli ang kaharian ng Israel?” Sumagot siya, “Ang mga panahon at sandali ay itinakda ng Ama sa kanyang sariling kapangyarihan, at hindi na kailangan pang malaman ninyo kung kailan iyon. Ngunit bibigyan kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo, at kayo’y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa dulo ng daigdig.” Pagkasabi nito, siya’y iniakyat sa langit samantalang nakatingin sila sa kanya; at natakpan siya ng ulap.

Habang sila’y nakatitig sa langit, dalawang lalaking nakaputi ang biglang tumayo sa tabi nila. “Mga taga-Galilea,” sabi nila, “Bakit kayo narito’t nakatingala sa langit? Itong si Hesus na umakyat sa langit ay magbabalik tulad ng nakita ninyong pag-akyat niya.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 46, 2-3. 6-7. 8-9

Tugon: Habang umaakyat ang D’yos, ang tambuli’y tumutunog.

Magdiwang ang lahat ng mga nilikha,
pumalakpak kayong may awit at tuwa,
bilang pagpupuri sa Diyos na Dakila!
Ang Diyos na Poon, Kataas-taasan,
ay dakilang haring dapat katakutan,
Siya’y naghahari sa sangkatauhan.

Tugon: Habang umaakyat ang D’yos, ang tambuli’y tumutunog.

Umakyat sa trono ang Panginoong Diyos,
hatid ng tambuling malakas ang tunog;
masayang sigawan ang ipinansuob.
Purihin ang Diyos, siya ay awitan,
awitan ang hari, siya’y papurihan!

Tugon: Habang umaakyat ang D’yos, ang tambuli’y tumutunog.

Ang Diyos, siyang hari ng lahat ng bansa,
awita’t purihin ng mga nilikha!
Maghahari siya sa lahat ng bansa,
magmula sa tronong banal at dakila.

Tugon: Habang umaakyat ang D’yos, ang tambuli’y tumutunog.

IKALAWANG PAGBASA
Efeso 1, 17-23

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso

Mga kapatid:
Hinihiling ko sa Diyos na ating Panginoong Hesukristo, ang dakilang Ama, na pagkalooban niya kayo ng espiritu ng karunungan at ng tunay na pagkakilala sa kanya. Nawa’y liwanagan ng Diyos ang inyong mga isip upang malaman ninyo ang ating inaasahan sa kanyang pagkatawag sa atin. Ito’y ang kaluwalhatiang inilaan niya sa kanyang mga hinirang, at ang walang hanggang kapangyarihan niya sa atin na mga nananalig sa kanya. Ang kapangyarihan ding iyon ang muling bumuhay kay Kristo at nagluklok sa kanya sa kalangitan, sa kanan ng Diyos. Kaya’t nasa ilalim ng kapangyarihan ni Kristo ang lahat ng paghahari, kapamahalaan, kapangyarihan, at pamunuan. Higit ang kanyang pangalan kaysa lahat ng pangalan, hindi lamang sa panahong ito kundi pati sa darating. Ipinailalim ng Diyos sa kapangyarihan ni Kristo ang lahat ng bagay, at siya ang ginawang ulo ng Simbahan. Ito ang katawan ni Kristo, ang kapuspusan niya na pumuspuspos sa lahat-lahat.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Mateo 28. 19a. 20b

Aleluya! Aleluya!
Humayo’t magturo kayo
palaging kasama ako
hanggang sa wakas ng mundo.

MABUTING BALITA
Mateo 28, 16-20

Ang wakas ng Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon: Ang Labing-isang alagad ay nagpunta sa Galilea, sa bundok na itinuro sa kanila ni Hesus. Nang makita nila si Hesus, siya’y sinamba nila, bagamat may ilang nag-alinlangan. Lumapit si Hesus at sinabi sa kanila, “Ibinigay na sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa Lupa. Kaya, humayo kayo at gawin ninyong alagad ko ang lahat ng bansa. Binyagan ninyo sila sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, at turuang sumunod sa lahat ng ipinag-utos ko sa inyo. Tandaan ninyo: ako’y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng sanlibutan.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

{ 9 comments… read them below or add one }

Mark Jefferson Magno March 30, 2020 at 10:01 pm

Ngayon ay ang dakilang kapistahan ng pag–akyat sa Panginoon!
Salamat sa Diyos at pinupuri ka namin, Panginoong Hesukristo.

Reply

Reynald Perez May 10, 2020 at 3:37 pm

Pagninilay: Ipinagdiriwang natin ngayong Linggo ang Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat sa Langit ng Panginoon. Ang itinuturing na Ika-2 Misteryo ng Luwalhati sa Santo Rosaryo ay naganap 40 araw matapos ang Muling Pagkabuhay ng Panginoon. Makikita natin sa panunulat ni San Lucas sa Unang Pagbasa na matapos muling mabuhay si Hesus at magpakita sa kanyang mga alagad ay nagpakilala siya at gumawa ng mga iilang kababalaghan sa loob ng 40 araw. Makikita natin dito na kahit patapos na ang kanyang misyon sa lupa, patuloy pa rin ang misyong ito upang ipalaganap sa buong mundo. Kaya ito ang pagkakataong isusugo niya ang mga Apostol upang ipahayag ang Mabuting Balita sa lahat ng mga bansa mula Jerusalem hanggang sa Palestina at Israel. At aabot din ang mensahe ng Diyos hanggang sa pinakahuling dako ng mundo. Ang salaysay ni San Mateo ay ang pagsusugo sa mga Apostol na humayo at maging mga alagad sa lahat ng bansa. Ito yung magiging misyon nila na patuloy ang pag-iiral ng pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang sambayanang ibinukod, ang Simbahan na kanyang kinalulugdan.
Ngayong Kapistahan ng Pag-akyat ay tinatawag ding Pandaigdigang Araw ng mga Komunikasyon. Ipinapanalangin ng Simbahan na ang bawat larangan ng media ay maging tapat sa pamamahayag ng totoong balita, at hindi magkalat ng “fake news” upang manira ng kapwa tao. Sa kabila ng mga balita ng kaguluhan, karahasan, kalungkutan, at hidwaan, patuloy pa rin ang pagpapalaganap ng Mabuting Balita. At kahit anumang mangyari sa ating buhay, magiging totoo ang pangako ni Hesus na sasamahan niya tayo hanggang sa katapusan ng panahon. Kaya ang kanyang maluwalhating pag-akyat ay tanda na gaya ng pagpunta ng Ulo patungo sa kanyang Kaharian, ang Katawang kumatawan sa atin ay susunod sa kanya upang makamtan ang lugar na pinaghandaan niya sa atin. Kaya nawa’y magkaroon tayo ng pag-asa na makakamit natin balang araw ang buhay na walang hanggan sa patuloy na pagiging saksi ng Mabuting Balita tungkol sa Paghahari ng Diyos sa ating pang-araw-araw na pamumuhay.

Reply

M.U. Francisco May 23, 2020 at 9:10 pm

Sharing from the Sunday Readings Matthew 28:
“Go!” Mula pagkabata hanggang sa ating pagtanda babalik at babalik tayo sa salitang go o humayo na nasa ating mga pagbasa (1st reading and Gospel). Isang salita ng ating Panginoong Jesus nang pagtitiwala na kaya nating humakbang at maglakad ng malaya tulad nang tayo’y nagsisimula pa lamang sa paglalakad. Go Lang anak! Kaya mo Yan! Mga salitang naglalaro sa aking isipan habang malayo sa aking mga mahal na Magulang. Sa paglipas ng maraming taon ako naman ang magsasabi nito, sige humayo ka na ng mapayapa. May kirot at lungkot ang bawat paglisan pero isang simula Ito ng bagong paglalakbay at ipagpatuloy ang sinimulan ng ating Panginoong Jesus at kanyang mga unang alagad. Sa gitna nang Pandemya, tayo’y magpatuloy at magtiwala sa Panginoon na may bagong bukas para sa ating lahat. Gawin natin nang may galak ang paggawa nang kabutihan sa pagtulong sa mga nangangailangan na Kapatid sa loob at labas ng ating pananampalataya sa ngalan ng Ama, Anak, at Ispiritu Santo. Amen

Reply

Jeric May 25, 2020 at 6:38 am

Maraming salamat po sa inyong pagbabahagi. Sigurado akong nakatulong ito sa mga nagninilay sa Salita ng Diyos. God bless!

Reply

Liberty C.Baligod May 24, 2020 at 6:32 am

Salamat sa Diyos!

Pinupuri ka namin, Panginoong HesuKristo!

Reply

Celine loveko May 24, 2020 at 4:31 pm

PINUPURI KA NAMIN PANGINOON JESUS KRISTO ALLELUIA!

Reply

Francisco Del Rosario Azupardo May 24, 2020 at 6:19 pm

Salamat sa Diyos! Amen! Aleluya!

Reply

Dong May 24, 2020 at 9:37 pm

Pinupuri ka namin panginoong hesukristo nazareno

Reply

Jerry May 24, 2020 at 10:31 pm

Salamat sa Diyos.Pinupuri ka namin Panginoong Hesucristo.Amen

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: