Sabado, Mayo 16, 2020

May 16, 2020

in Tagalog Mass Readings

Play

Sabado sa Ika-5 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Mga Gawa 16, 1-10
Salmo 99, 2. 3. 5

Purihin ng lahat ang D’yos, parangalan s’yang malugod.

Juan 15, 18-21

Help us reach more people! If you find our content useful, we request that you credit and link back to our website or social media pages. © Tagalog Mass Readings - www.awitatpapuri.com

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 16, 1-10

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Noong mga araw na iyon, nagpunta si Pablo sa Derbe at Listra. At may isang alagad doon na ang pangala’y Timoteo, anak ng isang mananampalatayang Judia, at ng isang Griego. Pinatunayan ng mga kapatid sa Listra at sa Iconio na mabuting tao si Timoteo. Ibig isama ni Pablo si Timoteo, kaya’t tinuli niya ito sapagkat alam ng lahat ng Judio sa lungsod na iyon na Griego ang kanyang ama. Sa bawat lungsod na kanilang dinalaw ay ipinaalam nila sa mga kapatid ang pasiya ng mga apostol at matatanda sa Jerusalem, at iniutos na sundin iyon. Kaya’t tumibay sa pananampalataya ang mga kaanib ng bawat simbahan at dumarami ang bilang ng mga alagad araw-araw.

Naglakbay sina Pablo sa lupain ng Frigia at Galacia, sapagkat sinansala sila ng Espiritu Santo na mangaral sa Asia. Pagdating sa hangganan ng Misia, ibig sana nilang pumasok sa Bitinia, subalit hindi sila pinahintulutan ng Espiritu ni Hesus. Kaya’t bumagtas sila ng Misia at nagtungo sa Troas. Kinagabihan, nagkaroon si Pablo ng isang pangitain: may isang lalaking taga-Macedonia, nakatayo at namamanhik sa kanya, “Tumawid po kayo rito sa Macedonia at tulungan ninyo kami.” Pagkatapos ng pangitaing ito, gumayak kami agad sapagkat natanto naming kami’y tinatawag ng Diyos upang ipangaral sa Macedonia ang Mabuting Balita.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 99, 2. 3. 5

Tugon: Purihin ng lahat ang D’yos, parangalan s’yang malugod.

Umawit sa kagalakan ang lahat ng mga bansa!
Panginoo’y papurihan, paglingkuran siyang kusa;
lumapit sa harap niya at umawit na may tuwa!

Tugon: Purihin ng lahat ang D’yos, parangalan s’yang malugod.

Ang Panginoo’y ating Diyos! Ito’y dapat malaman,
tayo’y kanya, kanyang lahat, tayong lahat na nilalang;
lahat tayo’y bayan niya, kabilang sa kanyang kawan.

Tugon: Purihin ng lahat ang D’yos, parangalan s’yang malugod.

Mabuti ang Panginoon, pag-ibig niya’y walang hanggan,
Siya’y Diyos na mabuti’t laging tapat kailanman.

Tugon: Purihin ng lahat ang D’yos, parangalan s’yang malugod.

ALELUYA
Colosas 3, 1

Aleluya! Aleluya!
Kayong kay Kristo nabuhay
ay sa langit nakalaan
upang kay Kristo pumisan.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 15, 18-21

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kung napopoot sa inyo ang sanlibutan, dapat ninyong malamang napoot na ito sa akin bago sa inyo. Kung kayo nga’y sa sanlibutan, iibigin kayo nito ilang kanya. Ngunit yamang hindi kayo sa sanlibutan, kundi pinili ko kayo mula rito, ito’y napopoot sa inyo. Alalahanin ninyo ang sinabi ko sa inyo: walang aliping higit kaysa kanyang panginoon. Kung ako’y inusig nila, uusigin din nila kayo; kung tinupad nila ang aking salita, tutuparin din nila ang salita ninyo. Ngunit ang lahat ng ito’y gagawin nila sa inyo dahil sa akin, sapagkat hindi nila nakikilala ang nagsugo sa akin.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

{ 6 comments… read them below or add one }

Mark Jefferson Magno April 18, 2020 at 8:46 am

Ngayon ay Sabado sa ikalimang linggo ng pagkabuhay ni Jesus!
Salamat sa Diyos at pinupuri ka namin, Panginoong Hesukristo.

Reply

Reynald Perez May 15, 2020 at 3:58 pm

Pagninilay: Ang ating katapatan kay Kristo ay parang may kapalit na pag-uusig mula sa taong kumakalaban sa kanya. Si Hesus sa Ebanghelyo ay una nang ipinaalala sa bantang ito. Kung tayo nga’y napopootan ng iilang tao, siya na nga ang unang napootan ng kanyang mga kaaway. Kaya pala maraming beses nang binanta ang buhay ng ating Panginoon, lalung-lalo na ng mga Pariseo, eskriba, at iba pang pinuno ng Judaismo. At sa huling pagkakataon ay nais nilang pigilin ang Panginoon, kaya malakas ang paggamit nila sa isang Apostol na tumalikod at nagpakanulo kay Hesus upang mangyari ang kanilang balak na ipagpatay siya. Ngunit ang pangako ni Kristo sa atin ay hindi niya tayo pababayaan. Anupamang pang-uusig, pangungutya, pag-iinsulto, at paglalaspatangan sa Banal na Maykapal na ating marinig o matanggap, dapat alam natin na palaging kasama natin si Kristo. At kasama niya tayo sa mga oras na paghihirap na iyon upang mas maging matatag ang ating pananampalataya sa kanya. Ganito ang nangyari sa mga Santo, lalung-lalo na sa Martir ng ating Simbahan, nang ialay nila ang kanilang buhay para sa mga patuloy na paglago ng pananampalataya at pagpapahayag ng Mabuting Balita. At ito ay kanilang ginawa alang-alang sa ating Panginoon na nag-alay ng kanyang buhay upang tayo’y iligtas, at muling nabuhay upang tayo ay magkaroon ng bagong pagkakataon na maging mga saksi niya. Nawa’y tayo ay patuloy na maging matatag sa ating pananampalataya sa Panginoon at pagsunod sa kanyang mga utos.

Reply

FRANCISCO AZUPARDO May 16, 2020 at 8:19 am

Salamat sa Diyos! Amen! Aleluya!

Reply

Rachel Dela Cruz May 16, 2020 at 7:17 pm

Pinupuri ka namin,Panginoong HesuKristo

Reply

Dong May 16, 2020 at 9:48 pm

Pinupuri ka namin panginoong hesukristo nazareno

Reply

Celine loveko May 17, 2020 at 11:40 pm

PINUPURI KA NAMIN PANGINOON JESUS KRISTO ALLELUIA!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: