Mga Pagbasa – Linggo, Hunyo 9, 2019

by Jeric on June 9, 2019 · 7 comments

in Tagalog Mass Readings

Linggo ng Pentekostes (K)

Mga Gawa 2, 1-11
Salmo 103, 1ab at 24ak. 29bk-30. 31 at 34

Espiritu mo’y suguin, Poon, tana’y ‘yong baguhin.

1 Corinto 12, 3b-7. 12-13
Juan 20, 19-23

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 2, 1-11

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Nang sumapit ang araw ng Pentekostes, nagkatipon silang lahat sa isang lugar. At biglang narinig ang isang ugong mula sa langit, animo’y hagunot ng malakas na hangin, at napuno nito ang bahay na kinaroroonan nila. May nakita silang wari’y mga dilang apoy na lumapag sa bawat isa sa kanila. At silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at nagsalita ng iba’t ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu. May mga Judiong buhat sa iba’t-ibang bansa, na naninirahan noon sa Jerusalem, mga taong palasamba sa Diyos. Nang marinig ang ugong na ito, nagdatingan ang maraming tao. Namangha sila sapagkat sinasalita ng mga alagad ang mga wika nila. Sa kanilang pagtataka ay kanilang nasabi, “Hindi ba Galileo silang lahat? Bakit ang atin-ating katutubong wika ang naririnig natin sa kanila? Tayo’y mga taga-Partia, mga taga-Media, mga taga-Elam; mga naninirahan sa Mesopotamia, sa Judea at sa Capadocia sa Ponto, at sa Asia. Mayroon pa sa ating taga-Frigia at Panfilia, Egipto at sa mga saklaw ng Libia na sakop ng Cirene, at mga nakikipanirahan mula sa Roma, maging mga Judio at mga naakit sa Judaismo. May mga taga-Creta at Arabia pa rito. Paano sila nakapagsasalita sa ating-ating wika tungkol sa mga kahanga-hangang gawa ng Diyos.”

Ang Salita ng Diyos.

SAMONG TUGUNAN
Salmo 103, 1ab at 24ak. 29bk-30. 31 at 34

Tugon: Espiritu mo’y suguin, Poon, tana’y ‘yong baguhin.

Pinupuri ka Poong Diyos nitong aking kaluluwa,
O Panginoong Diyos, kay dakila mong talaga!
Sa daigdig ikaw roon, kay raming iyong likha.
Sa daming nilikha mo’y nalaganapan ang lupa.

Tugon: Espiritu mo’y suguin, Poon, tana’y ‘yong baguhin.

Natatakot mangamatay kung kitlin mo ang hininga;
Mauuwi sa alabok, pagkat doon mula sila.
Taglay mo ang Espiritu upang buhay ay ibalik,
bagumbuhay ay dulot mo sa nilikha sa daigdig.

Tugon: Espiritu mo’y suguin, Poon, tana’y ‘yong baguhin.

Sana ang ‘yong karangala’y manatili kailanman,
sa lahat ng iyong likha ang madama’y kagalakan.
Ang awit ng aking puso sana naman ay kalugdan,
habang aking inaawit ang papuri sa Maykapal.

Tugon: Espiritu mo’y suguin, Poon, tana’y ‘yong baguhin.

IKALAWANG PAGBASA
1 Corinto 12, 3b-7. 12-13

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid:

Hindi masasabi ninuman, “Panginoon si Hesus,” kung hindi siya pinapatnubayan ng Espiritu Santo.

Iba’t iba ang kaloob, ngunit iisa lamang ang Espiritung nagkakaloob ng mga ito. Iba’t iba ang paraan ng paglilingkod, ngunit iisa lamang ang Panginoong pinaglilingkuran. Iba’t iba ang mga gawain ngunit iisa lamang ang Diyos na sumasalahat at ng taong gumagawa ng mga iyon. Ang bawat isa’y binigyan ng kaloob na naghahayag na sumasakanya ang Espiritu, para sa ikabubuti ng lahat.

Sapagkat si Kristo’y tulad ng isang katawan na may maraming bahagi; bagamat binubuo ng iba’t ibang bahagi, iisa pa ring katawan. Tayong lahat, maging Judio o Griego, alipin man o malaya, ay bininyagan sa iisang Espiritu upang maging isang katawan. Tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu.

Ang Salita ng Diyos.

AWIT TUNGKOL SA MABUTING BALITA

Halina, Espiritu,
sa sinag buhat sa ‘yo
kami’y liwanagan mo.

Ama ng maralita,
dulot mo’y pagpapala
upang kami’y magkusa.

Kaibiga’t patnubay,
sa amin mananahan
ang tamis ng ‘yong buhay.

Ginhawang ninanais,
lilim namin sa init,
kapiling bawat saglit.

Lubhang banal na ilaw,
kami’y iyong silayan
ngayon at araw-araw.

Kapag di ka nanahan
ay walang kaganapan
ang buhay nami’t dangal.

Marumi’y palinisin,
lanta’y panariwain,
sakit nami’y gamutin.

Kami’y gawing matapat,
sa pag-ibig mag-alab,
lagi sa tamang landas.

Tugunin aming luhog,
kami’y bigyang malugod
ng ‘yong pitong kaloob.

Gantimpala’y ibigay,
sa hantungan ng buhay
ligayang walang hanggan.

ALELUYA

Aleluya! Aleluya!
Espiritung aming Tanglaw,
kami’y iyong liwanagan
sa ningas ng pagmamahal.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 20, 19-23

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Kinagabihan ng Linggo ding iyon, ang mga alagad ay nagkakatipon. Nakapinid ang mga pinto ng bahay na kanilang pinagtitipunan dahil sa takot nila sa mga Judio. Dumating si Hesus at tumayo sa gitna nila. “Sumainyo ang kapayapaan!” sabi niya. Pagkasabi nito, ipinakita niya ang kanyang mga kamay at ang kanyang tagiliran. Tuwang-tuwa ang mga alagad nang makita ang Panginoon. Sinabi na naman ni Hesus, “Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong sinugo ako ng Ama, gayun din naman, sinusugo ko kayo.” Pagkatapos, sila’y hiningahan niya at sinabi, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. Ang patawarin ninyo sa kanilang mga kasalanan ay pinatawag na nga; ang hindi ninyo patawarin ay hindi nga pinatawad.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Previous post:

Next post:

{ 7 comments… read them below or add one }

Mark Jefferson Magno June 2, 2019 at 8:18 pm

Ngayon ay ang pagdiriwang ng Linggo ng Pentekostes.

Reply

Reynald Perez June 2, 2019 at 10:51 pm

Noong Linggo o kaya noong Huwebes (sa mga ilang bahagi ng Estados Unidos), ipinagdiriwang natin ang Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat ng Panginoon sa Langit. Isinagawa rin natin ang Nobena sa Banal na Espiritu Santo. Ito ang pinakamatandang nobena na ipinagdasal ng mga Kristiyano sapagkat pinaniniwalaan na ito ang ipinagdasal ng Mahal na Birheng Maria at ang mga apostol bilang paghahanda sa pagdating ng Espiritu Santo sa Araw ng Pentekostes noong ika-24 ng Mayo, 33 A.D. Nang bumaba sa kanila ang Espiritu Santo, ipinanganak na ang ating Simbahang Katolika. Ang ating Simbahan ay itinatag ng Panginoong Hesus tatlong taon bago ang kanyang kamatayan, at si San Pedro ay giwang kauna-unahang Santo Papa. Pagkatapos ng pangyayari na ito, ipinahayag ni San Pedro at ang mga Apostol sa maraming mga Hudyo na ang ating Panginoong Hesukristo ay hindi na patay ngunit muling nabuhay. Dahil sa Espiritu Santo, naging matatag ang ating Simbahan tungkol sa ating Kristiyanong pananampalataya. Kaya nga ang pangyayaring ito ay nagtupad sa Misteryong Paskwal at ang Dakilang Kapistahang ito ay tinatapos ang Panahon ng Pasko ng Muling Pagkabuhay. Ang Espiritu Santo ay ang ikatlong persona sa Banal na Santatlo. Sa kwento ng simula ng Aklat ng Genesis, nilikha ng Diyos ang lalaki at babae at ang mga ito ay hininga niya. Itong paghinga ay tinatawag na ‘ruah,’ na salitang Griyego na may ibig sabihin na “hininga ng buhay”. Kaya nga, kinakanta ngayon ang “Breath of God” na isinulat ni Edwin Hatch, na iniwasto ni Padre Manoling Francisco, SJ, at kinanta ng Bukas Palad Music Ministry, na kahapon ay ipinagdiriwang ang ika-28 Anibersayo. Noong muling nabuhay si Hesus at nagpakita sa kanyang mga apostol, hininga niya sila ng Espiritu Santo, gaya ng ginawa ng Ama noong Paglikha ng sanlibutan. Ito yung ‘hangin’ na sinasabi niya kay San Nicodemo, isang Pariseo na naging kaibigan ng ating Panginoon, na dapat tayo ay ipinanganak ng tubig at Espiritu sa pamamagitan ng pagdadasal sa Espiritu Santo. Maraming mga simbolo, mga pagkaloob at mga bunga ng Espiritu Santo ang maaaring lang sabihin na si Hesus ang Panginoon ayon sa ating Ikalawang Pagbasa ngayon. Dahil sa Espiritu Santo na isinugo ng Ama at ang Anak, binigyan ng mga apostol, sa mga unang Kristiyano, mula sa nakaraan hanggang sa ating ngayon ng buhay. Bilang pagtanggap ng Espiritu sa mga Sakramento ng Binyag at Kumpil, tinatawag tayo bilang mga anak ng Diyos, na nagpapahayag ng Mabuting Balita sa isa’t isa. Sa ating pagtapos ng daan ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, ating ipahayag ang Mabuting Balita ng buhay at pag-asa sa iba at magdasal sa Espiritu Santo na patnubayan niya ang lahat ng mga tao.

Reply

PATRICK CU June 8, 2019 at 5:31 pm

Salamat sa Diyos! AMEN!

Reply

Kulot June 9, 2019 at 8:22 am

Pinupuri ka namin panginoong hesukristo

Reply

Edward Ramirez June 9, 2019 at 11:42 am

Pinupuri ka namin panginoong hesukristo amen

Reply

Celine June 9, 2019 at 2:34 pm

PINUPURI KA MANIN PANGINOON JESUS KRISTO.
ALLELUIA!

Reply

Francisco R. Azupardo June 9, 2019 at 7:44 pm

Salamat sa Diyos! Amen!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: