Mga Pagbasa – Linggo, Hunyo 2, 2019

by Jeric on June 2, 2019 · 12 comments

in Tagalog Mass Readings

Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat ng Panginoon (K)

Mga Gawa 1, 1-11
Salmo 46, 2-3. 6-7. 8-9

Habang umaakyat ang D’yos, ang tambuli’y tumutunog.

Efeso 1, 17-23
Lucas 24, 46-53

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 1, 1-11

Pagbasa mula sa mga Gawa ng mga Apostol

Mahal na Teofilo:
Isinalaysay ko sa aking unang aklat ang lahat ng ginawa at itinuro ni Hesus buhat sa pasimula hanggang sa araw na siya’y umakyat sa langit. Bago siya umakyat, tinagubilinan niya sa pamamagitan ng Espiritu Santo ang mga apostol na kayong hinirang. Pagkatapos ng kanyang pagbabata, maraming ulit siyang napakita sa kanila. Sa gayon, napatunayang siya’y buhay. Napakita sya sa kanila sa loob ng apatnapung araw at nagturo tungkol sa paghahari ng Diyos. At samantalang siya’y kasama-sama pa nila, kanyang tinagubilinan sila: “Huwag muna kayang aalis sa Jerusalem. Hintayin ninyo roon ang ipinangangako ng Ama na sinabi ko na sa inyo. Nagbinyag nga sa tubig si Juan, ngunit di na magtatagal at bibinyagan kayo sa Espiritu Santo.”

Kaya’t nang magkasama-sama si Hesus at ang mga alagad, nagtanong ang mga ito, “Panginoon, itatatag na ba ninyong muli ang kaharian ng Israel?” Sumagot siya, “Ang mga panahon at sandali ay itinakda ng Ama sa kanyang sariling kapangyarihan, at hindi na kailangan pang malaman ninyo kung kailan iyon. Ngunit bibigyan kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo, at kayo’y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa dulo ng daigdig.” Pagkasabi nito, siya’y iniakyat sa langit samantalang nakatingin sila sa kanya; at natakpan siya ng ulap.

Habang sila’y nakatitig sa langit, dalawang lalaking nakaputi ang biglang tumayo sa tabi nila. “Mga taga-Galilea,” sabi nila, “Bakit kayo narito’t nakatingala sa langit? Itong si Hesus na umakyat sa langit ay magbabalik tulad ng nakita ninyong pag-akyat niya.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 46, 2-3. 6-7. 8-9

Tugon: Habang umaakyat ang D’yos, ang tambuli’y tumutunog.

Magdiwang ang lahat ng mga nilikha,
pumalakpak kayong may awit at tuwa,
bilang pagpupuri sa Diyos na Dakila!
Ang Diyos na Poon, Kataas-taasan,
ay dakilang haring dapat katakutan,
siya’y naghahari sa sangkatauhan.

Tugon: Habang umaakyat ang D’yos, ang tambuli’y tumutunog.

Umakyat sa trono ang Panginoong Diyos,
hatid ng tambuling malakas ang tunog;
masayang sigawan ang ipinansuob.
Purihin ang Diyos, siya ay awitan,
awitan ang hari, siya’y papurihan!

Tugon: Habang umaakyat ang D’yos, ang tambuli’y tumutunog.

Ang Diyos, siyang hari ng lahat ng bansa,
awita’t purihin ng mga nilikha!
Maghahari siya sa lahat ng bansa,
magmula sa tronong banal at dakila.

Tugon: Habang umaakyat ang D’yos, ang tambuli’y tumutunog.

IKALAWANG PAGBASA
Efeso 1, 17-23

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso

Mga kapatid:
Hinihiling ko sa Diyos ng ating Panginoong Hesukristo, ang dakilang Ama, na pagkalooban niya kayo ng espiritu ng karunungan at ng tunay na pagkakilala sa kanya. Nawa’y liwanagan ng Diyos ang inyong mga isip upang malaman ninyo ang ating inaasahan sa kanyang pagkatawag sa atin. Ito’y ang kaluwalhatiang inilaan niya sa kanyang mga hinirang, at ang walang hanggang kapangyarihan niya sa atin na mga nananalig sa kanya. Ang kapangyarihan ding iyon ang muling bumuhay kay Kristo at nagluklok sa kanya sa kalangitan, sa kanan ng Diyos. Kaya’t nasa ilalim ng kapangyarihan ni Kristo ang lahat ng paghahari, kapamahalaan, kapangyarihan, at pamunuan. Higit ang kanyang pangalan kaysa lahat ng pangalan, hindi lamang sa panahong ito kundi pati sa darating. Ipinailalim ng Diyos sa kapangyarihan ni Kristo ang lahat ng bagay, at siya ang ginawang ulo ng Simbahan. Ito ang katawan ni Kristo, ang kapuspusan niya na pumuspuspos sa lahat-lahat.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Mateo 28. 19a. 20b

Aleluya! Aleluya!
Humayo’t magturo kayo
palaging kasama ako
hanggang sa wakas ng mundo.

MABUTING BALITA
Lucas 24, 46-53

Ang wakas ng Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Ganito ang nasusulat: kinakailangang magbata ng hirap at mamatay ang Mesiyas at muling mabuhay sa ikatlong araw. Sa kanyang pangalan, ang pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan ay dapat ipangaral sa lahat ng bansa, magmula sa Jerusalem. Kayo ang mga saksi sa mga bagay na ito. Tandaan ninyo: susuguin ko sa inyo ang ipinangako ng aking Ama, kaya’t huwag kayong aalis sa lungsod hanggang hindi kayo napagkakalooban ng kapangyarihan mula sa itaas.”

Pagkatapos, sila’y isinama ni Hesus sa labas ng lungsod. Pagdating sa Betania, itinaas niya ang kanyang mga kamay at pinagpala sila. Samantalang iginagawad niya ito, siya nama’y lumalayo paakyat sa langit. Siya’y sinamba nila; pagkatapos, sila’y nagbalik sa Jerusalem, taglay ang malaking kagalakan. Palagi sila sa templo at doo’y nagpupuri sa Diyos.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Previous post:

Next post:

{ 12 comments… read them below or add one }

Belly p. gonzales May 8, 2016 at 1:18 pm

Isang Ilongga po ako at naging lecture po dito sa parokya namin, Malaking tulong po sa akin lalo na ang tamang pagbigkas ng mga salita. kaya Maraming salamat po sa bumubuo ng www. awitatpapuri. com GOD bless po

Reply

Mark Jefferson Magno May 26, 2019 at 8:05 pm

Ngayon ay ang Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat sa Panginoon o tinatawag ding ‘Ascencion del Senor’. Ito rin ay ang huling linggo ng Pasko ng muling pagkabuhay ni Jesus.

Reply

Reynald Perez May 27, 2019 at 11:40 am

Pagninilay: Ipinagdiriwang natin ngayong Linggo ang Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat sa Langit ng Panginoon. Ang itinuturing na Ika-2 Misteryo ng Luwalhati sa Santo Rosaryo ay naganap 40 araw matapos ang Muling Pagkabuhay ng Panginoon. Makikita natin sa panunulat ni San Lucas sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo na matapos muling mabuhay si Hesus at magpakita sa kanyang mga alagad ay nagpakilala siya at gumawa ng mga iilang kababalaghan sa loob ng 40 araw. Makikita natin dito na kahit patapos na ang kanyang misyon sa lupa, patuloy pa rin ang misyong ito upang ipalaganap sa buong mundo. Kaya ito ang pagkakataong isusugo niya ang mga Apostol upang ipahayag ang Mabuting Balita sa lahat ng mga bansa mula Jerusalem hanggang sa Palestina at Israel. At aabot din ang mensahe ng Diyos hanggang sa pinakahuling dako ng mundo. Ngayong Kapistahan ng Pag-akyat ay tinatawag ding Pandaigdigang Araw ng mga Komunikasyon. Ipinapanalangin ng Simbahan na ang bawat larangan ng media ay maging tapat sa pamamahayag ng totoong balita, at hindi magkalat ng “fake news” upang manira ng kapwa tao. Sa kabila ng mga balita ng kaguluhan, karahasan, kalungkutan, at hidwaan, patuloy pa rin ang pagpapalaganap ng Mabuting Balita. At kahit anumang mangyari sa ating buhay, magiging totoo ang pangako ni Hesus na sasamahan niya tayo hanggang sa katapusan ng panahon. Kaya ang kanyang maluwalhating pag-akyat ay tanda na gaya ng pagpunta ng Ulo patungo sa kanyang Kaharian, ang Katawang kumatawan sa atin ay susunod sa kanya upang makamtan ang lugar na pinaghandaan niya sa atin. Kaya nawa’y magkaroon tayo ng pag-asa na makakamit natin balang araw ang buhay na walang hanggan sa patuloy na pagiging saksi ng Mabuting Balita tungkol sa Paghahari ng Diyos sa ating pang-araw-araw na pamumuhay.

Reply

Maria Lourdes June 1, 2019 at 7:35 pm

Pinupuri ka namin Panginoong Hesukristo.

Reply

Roberto M. Javier June 2, 2019 at 5:04 am

Maramimg salamat panginoon sa iyong mga banal nasalita, na siyanamin gabay sa aming araw-araw na buhhay,,,,,, Papuri at pasasalamat ng walang hangang sa iyo Panginoon,,,,, AMEN…

Reply

Kulot June 2, 2019 at 8:18 am

Pinupuri ka namin panginoong hesukristo

Reply

Edward Ramirez June 2, 2019 at 9:40 am

Pinupuri ka namin panginoong hesukristo

Reply

Aida Ramirez June 2, 2019 at 11:37 am

Pinupuri ka namin Panginoong Hesukristo.Amen.

Reply

Celine June 2, 2019 at 3:45 pm

PINUPURI KA MANIN PANGINOON JESUS KRISTO.
ALLELUIA! ALLELUIA! ALLELUIA!

Reply

Jerry June 2, 2019 at 11:27 pm

Pinupuri ka namin Panginoong HesuCristo.Amen

Reply

Francisco R. Azupardo June 3, 2019 at 8:03 pm

Salamat sa Diyos! Amen!

Reply

PATRICK CU June 5, 2019 at 9:16 am

Salamat sa Diyos! AMEN!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: