Mga Pagbasa – Huwebes, Mayo 30, 2019

by Roxanne Pena on May 30, 2019 · 11 comments

in Tagalog Mass Readings

Huwebes sa Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Mga Gawa 18, 1-8
Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4

Panginoong nagliligtas sa tanang bansa’y nahayag.

Juan 16, 16-20

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 18, 1-8

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Noong mga araw na iyon, umalis si Pablo sa Atenas at nagtungo sa Corinto. Natagpuan niya roon si Aquila, isang Judiong taga-Ponto. Kararating pa lamang nito mula sa Italia, kasama ang kanyang asawang si Priscila. Umalis sila roon sapagkat pinalayas ni Claudio ang lahat ng Judio sa Roma. Nakipagkita sa kanila si Pablo, at doon na nakitira sapagkat sila’y manggagawa ng tolda, tulad niya. At siya’y tumulong sa kanila. Tuwing Araw ng Pamamahinga, nakikipagpaliwanagan siya sa sinagoga, at sinikap niyang mahikayat sa pananampalataya ang lahat, maging Judio o Griego.

Nang dumating sina Silas at Timoteo mula sa Macedonia, iniukol na ni Pablo ang buo niyang panahon sa pangangaral at pagpapatotoo sa mga Judio na si Hesus ang Kristo. Nang siya’y salungatin nila at laitin, pinagpag niya ang alikabok sa kanyang damit bilang babala sa kanila. Sinabi niya, “Kasalanan na ninyo kung kayo’y mapahamak! Hindi ko na sagutin iyon! Mula ngayoy’y tutungo ako sa mga Hentil.” Kaya’t umalis siya roon at tumira sa bahay ng isang nagngangalang Ticio Justo, isang taong may takot sa Diyos; karatig ng sinagoga ang kanyang bahay. Si Crispo na tagapamahala ng sinagoga at ang kanyang sambahayan ay sumampalataya sa Panginoon. Sumampalataya rin naman at nagpabinyag ang marami sa mga taga-Corintong nakikinig kay Pablo.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4

Tugon: Panginoong nagliligtas sa tanang bansa’y nahayag.

Umawit ng bagong awit at sa Poon ay ialay,
pagkat yaong ginawa n’ya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at taglay na kabanalan,
walang hirap na natamo yaong hangad na tagumpay.

Tugon: Panginoong nagliligtas sa tanang bansa’y nahayag.

Ang tagumpay niyang ito’y siya na rin ang naghayag,
sa harap ng mga bansa’y nahayag ang pagliligtas.
Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad.
Tugon: Panginoong nagliligtas sa tanang bansa’y nahayag.

Tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay namalas!
Magkaingay na may galak, yaong lahat sa daigdig;
ang Poon ay buong galak na purihin sa pag-awit!

Tugon: Panginoong nagliligtas sa tanang bansa’y nahayag.

ALELUYA
Juan 14, 18

Aleluya! Aleluya!
Kayo’y di ko inulila,
babalik akong talaga,
magdudulot ng ligaya.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 16, 16-20

Ang Mabuting Balita ng Panginoong ayon kay San Juan

Noong panahong iyong, sinabi ni Hesus sa kayang mga alagad: “Kaunting panahon na lamang at hindi na ninyo ako makikita; at pagkaraan ng kaunting panahon pa, ako’y inyong makikita uli.” Nag-usap-usap ang ilan sa mga alagad, “Ano kaya ang ibig niyang sabihin? Bakit niya sinabing kaunting panahon na lang at hindi na natin siya makikita at pagkaraan ng kaunti pang panahon ay makikita uli? Sabi pa niya’y ‘Sapagkat ako’y paroroon sa Ama.’ Ano kaya ang ibig sabihin ng, ‘kaunting panahon na lamang?’ Hindi natin maunawaan!” Naramdaman ni Hesus na ibig nilang magtanong, kaya’t sinabi niya, “Nagtatanungan kayo tungkol sa sinabi kong kaunting panahon, ako’y inyong makikita uli. Sinasabi ko sa inyo: tatangis kayo at magdadalamhati, ngunit magagalak ang sanlibutan. Matitigib kayo ng kalungkutan, subalit ito’y magiging kagalakan.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Previous post:

Next post:

{ 11 comments… read them below or add one }

Patrick Cu May 26, 2017 at 3:19 am

Purihin ang Diyos magpakailanman, makapangyarihan sa lahat, mapagmahal nang tunay at totoong pagasa nang lahat. Praise be to you o great provider and redeemer, o Lord of Lords!!

Reply

Mark Jefferson Magno May 26, 2019 at 8:01 pm

Ngayon ay Huwebes sa ika-6 na linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Jesus.

Reply

Reynald Perez May 28, 2019 at 5:07 pm

Pagninilay: Malapit na nating matapos ang Pasko ng Muling Pagkabuhay. Sa darating na Linggo ay ipagdiwang natin ang Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat ng Panginoon sa Langit. At sa Linggong matapos ito ay ang katapusan ng panahong ito sa Dakilang Kapistahan ng Pentekostes. Makikita natin sa Ebanghelyo ang mga huling diskurso ni Hesus sa gabi ng kanyang Misteryong Paskwal, ang gabi bago siya magpakasakit at mamatay, ngunit sa huli ay mabubuhay na mag-uli. Sinabi niya na sa kaunting panahon ay makakapiling niya sila sapagkat aalis na siya pabalik sa Diyos Ama. Hindi ito naunawaan ng mga alagad sapagkat hindi pa nila nabatid ang dahilan kung bakit kinakailangan niyang mamatay sa Krus at muling mabuhay. Kaya ipinahayag ni Hesus na ang mga Apostol ay tatangis at magdadalamhati, habang nagagalak ang sanlibutan. Kaya ito nga ang nangyari noong Biyernes Santo nang si Hesus ay magdusa hanggang siya’y ipako sa Krus hanggang pumanaw ng ika-3 ng hapon, at tila nga ba’y masaya ang madla (na may kasamang pang-iinsulto at panunuligsa) habang siya’y nababayubay sa Krus. Ngunit bago pa ito mangyari, sinabi rin ni Kristo na ang mga alagad na nagtitiib sa kalungkutan ay sa bandang huli ay magagalak. Ganun na nga ang nangyari 3 araw matapos si Hesus ay ilibing, siya’y nagtagumpay laban sa kasalanan at kasamaan sa pamamagitan ng kanyang Muling Pagkabuhay. At nagpakita siya sa kanila dala ang kapayapaan at ang tungkuling maging mga saksi niya. Kaya narinig natin sa Unang Pagbasa ang bunga ng gawain ng mga Apostol sa pamamagitan ng pangangaral ni San Pablo. Sa kabila ng mga panlalait at pangungutyang natanggap ni Pablo habang ipinapangaral na si Hesukristo ay ang Panginoon, hindi siyang pumigil sa pangangaral ng Mabuting Balita. Kaya nga ang kanyang pagpapahayag ay hindi lang para sa mga Hudyo, kundi pati na rin sa mga Hentil. Sa ating buhay ay mararanasan din natin ang mga pagsubok sa buhay na parang magpapalungkot o kaya mapapanakit ng damdamin natin. Subalit alalahanin natin na ang galak ay mananaig, at ang kagalakang ito ay kaloob ng Diyos na buhay sa pamamagitan ni Kristong Muling Nabuhay. At nawa idala rin natin ang kagalakang ito sa mga taong naninirahan sa kalungkutan at takot na kasama nating lahat ang Panginoon sa bawat pagkakataon ng buhay.

Reply

Roberto M. Javier May 30, 2019 at 4:02 am

Salamat panginoon sa banal mong mga salita at saiyong banal na pangalam, na siya namin gabay sa araw-araw namin buhay,,, Pinupuri kanamin panginoo” In Jesus name” AMEN,,

Reply

Edward Ramirez May 30, 2019 at 5:37 am

Pinupuri ka namin panginoong hesukristo

Reply

Aida Ramirez May 30, 2019 at 5:45 am

Pinupuri ka namin Panginoong Hesukristo.Amen.

Reply

PATRICK CU May 30, 2019 at 6:16 am

Salamat sa Diyos! AMEN! purihin magpakailanman!

Reply

Kulot May 30, 2019 at 10:01 am

Pinupuri ka namin panginoong hesukristo

Reply

Celine May 30, 2019 at 1:48 pm

PINUPURI KA MANIN PANGINOON JESUS KRISTO.
ALLELUIA!

Reply

Francisco R. Azupardo May 30, 2019 at 8:08 pm

Salamat sa Diyos! Amen!

Reply

Jerry May 30, 2019 at 10:43 pm

Pinupuri ka namin PanginoongHesuCristo.Amen.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: