Mga Pagbasa – Huwebes, Mayo 16, 2019

by Roxanne Pena on May 16, 2019 · 13 comments

in Tagalog Mass Readings

Huwebes sa Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Mga Gawa 13, 13-25
Salmo 88, 2-3. 21-22. 25 at 27

Pag-ibig mong walang maliw ay lagi kong sasambitin.

Juan 13, 16-20

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 13, 13-25

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Mula sa Pafos, si Pablo at ang kanyang mga kasama ay naglayag, at dumating sa Perga ng Panfilia; ngunit humiwalay sa kanila si Juan at nagbalik sa Jerusalem. Mula sa Perga, nagpatuloy sila at dumating sa Antioquia ng Pisidia. Nang Araw ng Pamamahinga, pumasok sila sa sinagoga at naupo. Matapos ang pagbasa sa ilang bahagi ng mga aklat ng Kautusan at ng mga propeta, nagpasabi sa kanila ang mga tagapamahala ng sinagoga, “Mga kapatid, kung mayroon kayong iaaral sa mga tao, magsalita na kayo!” Kaya’t tumayo si Pablo at sinenyasan silang tumahimik.

“Mga Israelita at mga taong may takot sa Diyos – makinig kayo! Ang Diyos ng ating bansang Israel ang humirang sa ating mga ninuno. Sila’y ginawa niyang isang malaking bansa samantalang naninirahan sa lupain ng Egipto, inilabas doon sa pamamagitan ng kanyang dakilang kapangyarihan, at pinagtiisan sa ilang sa loob ng halos apatnapung taon. Pagkatapos niyang lipulin ang putong bansa sa lupain ng Canaan, ipinagkaloob sa kanila ang lupain ng mga iyon sa loob ng halos apatnaraa’t limampung taon.

“Pagkatapos, sila’y binigyan niya ng mga hukom hanggang kay Propeta Samuel. Nang humingi sila ng hari, ibinigay sa kanila ng Diyos ang isang lalaki mula sa lipi ni Benjamin, si Saulo na anak ni Cis. Naghari si Saulo sa loob ng apatnapung taon. At nang alisin ng Diyos si Saulo, inihalili si David upang maghari sa kanila. At ganito ang patotoo ng Diyos tungkol sa kanya. ‘Natagpuan ko kay David na anak ni Jesse ang lalaking nakalulugod sa akin, isang lalaking handang tumupad sa lahat ng iniuutos ko.’ Mula sa angkan ng lalaking ito ipinagkaloob ng Diyos sa Israel si Hesus, ang kanyang ipinangakong Tagapagligtas. Bago siya dumating, ipinangaral ni Juan sa buong Israel na dapat nilang pagsisiha’t talikdan ang kanilang mga kasalanan, at pabinyag. Nang matapos na ni Juan ang kanyang gawain, sinabi niya sa mga tao, ‘Sino ba ako sa akala ninyo? Hindi ako ang Kristo. Ngunit siya’y darating na kasunod ko. At hindi ako karapat-dapat kahit taga-alis ng panyapak.’”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 88, 2-3. 21-22. 25 at 27

Tugon: Pag-ibig mong walang maliw ay lagi kong sasambitin.

Pag-ibig mo, Poon, na di magmamaliw
ang sa tuwi-t’wina’y aking aawitin;
ang katapatan mo’y laging sasambitin,
yaong pag-ibig mo’y walang katapusan,
sintatag ng langit ang ‘yong katapatan.

Tugon: Pag-ibig mong walang maliw ay lagi kong sasambitin.

Ang piniling lingkod na ito’y si David,
aking pinahiran ng banal na langis.
Kaya’t palagi ko siyang aakbayan
at siya’y lalakas sa aking patnubay.

Tugon: Pag-ibig mong walang maliw ay lagi kong sasambitin.

Ang pagtatapat ko’t pag-ibig na wagas,
ay iuukol ko’t aking igagawad,
at magtatagumpay siya oras-oras.
Ako’y tatawaging ama niya’t Diyos,
tagapagsanggalang niya’t Manunubos.

Tugon: Pag-ibig mong walang maliw ay lagi kong sasambitin.

ALELUYA
Pahayag 1, 5ab

Aleluya! Aleluya!
Si Hesukristo ay tapat,
saksi at buhay ng lahat;
tayo’y kanyang iniligtas.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 13, 16-20

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Nang mahugasan na ni Hesus ang mga paa ng kanyang mga alagad, sinabi niya sa kanila: “Sinasabi ko sa inyo: ang alipin ay hindi dakila kaysa kanyang panginoon, ni ang sinugo kaysa nagsugo sa kanya. Kung nauunawaan ninyo ang mga bagay na ito at inyong gagawin, mapapalad kayo.

“Hindi para sa inyong lahat ang sinasabi ko; nakikilala ko ang aking mga hinirang. Ngunit dapat matupad ang nasasabi sa Kasulatan, ‘Ako’y pinagtataksilan ng taong pinakakain ko.’ Sinasabi ko ito sa inyo bago pa mangyari upang, kung ito’y mangyari na, ay manalig kayo na ‘Ako’y si Ako Nga.’ Tandaan ninyo: ang tumatanggap sa sinugo ko’y tumatanggap sa akin; at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Previous post:

Next post:

{ 13 comments… read them below or add one }

Patrick Cu May 12, 2017 at 1:40 am

Purihin ka po Panginoon Diyos. Salamat po sa pagmamahal niyong wagas at tapat.

Reply

Mark Jefferson Magno May 12, 2019 at 6:49 pm

Ngayon ay Huwebes sa ika-4 na Linggo ng Muling Pagkabuhay ni Jesus.

Reply

Jose M. Javier May 16, 2019 at 5:20 am

Bro. & Sis. Let’s open our hearts and minds to the Lord . It’s only ourselves Ang makapagbubukas Ng puso . Likewise who can open the door of our soul. Amen

Reply

Aida Ramirez May 16, 2019 at 5:34 am

Pinupuri ka namin Panginoong Hesukristo.Amen.

Reply

Kulot May 16, 2019 at 7:00 am

Pinupuri ka namin panginoong hesukristo

Reply

Sally Bernardino May 16, 2019 at 7:34 am

Praise To You Lord Jesus Christ!

Reply

Freddie carandang May 16, 2019 at 7:52 am

Pinupuri ka namin Panginoong Hesukristo. Salamat po sa Lahat Lahat.

Reply

Edward Ramirez May 16, 2019 at 8:07 am

Pinupuri ka namin panginoong hesukristo salamat

Reply

Celine May 16, 2019 at 2:31 pm

PINUPURI KA MANIN PANGINOON JESUS KRISTO.
ALLELUIA!

Reply

Rodrigo Duterte May 16, 2019 at 7:55 pm

MABUTING BALITA
Juan 13, 16-20

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Nang mahugasan na ni Hesus ang mga paa ng kanyang mga alagad, sinabi niya sa kanila: “Sinasabi ko sa inyo: ang alipin ay hindi dakila kaysa kanyang panginoon, ni ang sinugo kaysa nagsugo sa kanya. Kung nauunawaan ninyo ang mga bagay na ito at inyong gagawin, mapapalad kayo.

“Hindi para sa inyong lahat ang sinasabi ko; nakikilala ko ang aking mga hinirang. Ngunit dapat matupad ang nasasabi sa Kasulatan, ‘Ako’y pinagtataksilan ng taong pinakakain ko.’ Sinasabi ko ito sa inyo bago pa mangyari upang, kung ito’y mangyari na, ay manalig kayo na ‘Ako’y si Ako Nga.’ Tandaan ninyo: ang tumatanggap sa sinugo ko’y tumatanggap sa akin; at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Reply

Jerry May 16, 2019 at 8:05 pm

Pinupuri ka namin Panginoong Hesucristo.

Reply

Francisco R. Azupardo May 16, 2019 at 8:15 pm

Salamat sa Diyos! Amen!

Reply

PATRICK CU May 16, 2019 at 9:58 pm

Papuri sa inyo sa lahat ng pagibig, pagmamahal at kabutihan niyo Panginoon, purihin po kayo ng lahat ng sanlibutan. AMEN!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: