Mga Pagbasa – Miyerkules, Mayo 15, 2019

by Roxanne Pena on May 15, 2019 · 8 comments

in Tagalog Mass Readings

Paggunita kay San Isidro, Magsasaka

Miyerkules sa Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Mga Gawa 12, 24 – 13, 5a
Salmo 66, 2-3. 5. 6 at 8

Nawa’y magpuri sa iyo ang lahat ng mga tao.

Juan 12, 44-50

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 12, 24 – 13, 5a

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Noong mga araw na iyon, lumalago at lumalaganap ang salita ng Diyos.

Sina Bernabe at Saulo ay bumalik buhat sa Jerusalem nang maganap na nila ang kanilang tungkulin, at isinama si Juan na tinatawag ding Marcos.

May mga propeta at mga guro sa simbahan sa Antioquia. Kabilang dito sina Bernabe, Sieon na tinaguriang Negro, Lucio na taga-Cirene, Saulo at Manaen, kababata ng tetrarkang si Herodes. Samantalang sila’y nag-aayuno at sumasamba sa Panginoon, sinabi sa kanila ng Espiritu Santo, “Ibukod ninyo sina Bernabe at Saulo. Sila’y hinirang ko para sa tanging gawaing inilaan ko sa kanila.” Pagkatapos nilang mag-ayuno at manalangin, ipinatong nila sa dalawa ang kanilang mga kamay at sila’y pinayaon.

Kaya’t bumaba sa Seleucia sina Bernabe at Saulo, na sinugo ng Espiritu Santo, at buhat doo’y naglayag patungong Chipre. Nang dumating sila sa Salamina, ipinahayag nila ang Salita ng Diyos sa mga sinagoga ng mga Judio roon. Kasama nila si Juan Marcos bilang katulong.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 66, 2-3. 5. 6 at 8

Tugon: Nawa’y magpuri sa iyo ang lahat ng mga tao.

O Diyos, pagpalain kami’t kahabagan,
kami Panginoo’y iyong kaawaan,
upang sa daigdig mabatid ng lahat
ang iyong kalooban at ang pagliligtas.

Tugon: Nawa’y magpuri sa iyo ang lahat ng mga tao.

Nawa’y purihin ka ng mga nilikha,
pagkat matuwid kang humatol sa madla;
ikaw ang patnubay ng lahat ng bansa.

Tugon: Nawa’y magpuri sa iyo ang lahat ng mga tao.

Purihin ka nawa ng lahat ng tao,
purihin ka nila sa lahat ng dako.
Ang lahat sa ami’y iyong pinagpala,
nawa’y igalang ka ng lahat ng bansa.

Tugon: Nawa’y magpuri sa iyo ang lahat ng mga tao.

ALELUYA
Juan 8, 12

Aleluya! Aleluya!
Sinabi ni Hesukristo:
“Ako ang ilaw ng mundo
at buhay ng alagad ko.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 12, 44-50

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, malakas na sinabi ni Hesus, “Ang nananalig sa akin ay hindi lamang sa akin nananalig, kundi pati sa nagsugo sa akin. At ang nakakita sa akin ay nakakita sa kanya. Ako’y naparito bilang ilaw ng sanlibutan, upang hindi manatili sa kadiliman ang nananalig sa akin. Kung mapakinggan ninuman ang aking mga salita ngunit hindi niya tuparin ito, hindi ko siya hahatulan. Sapagkat naparito ako hindi upang hatulan ang sanlibutan kundi upang iligtas ito. May hahatol sa sinumang magtakwil sa akin at hindi tumanggap sa aking mga salita; ang salitang ipinahayag ko ang hahatol sa kanya sa huling araw. Sapagkat hindi ako nagsalita sa ganang sarili ko lamang, kundi ang Amang nagsugo sa akin ang siyang nag-utos kung ano ang aking sasabihin at ipahahayag. At alam kong ang kanyang utos ay nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Kaya’t ang ipinasasabi ng Ama ang siya kong sinasabi.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Previous post:

Next post:

{ 8 comments… read them below or add one }

Patrick Cu May 10, 2017 at 11:35 pm

O Panginoon, KAY BUTI NIYO PO, Lord of Lords, we glorify and magnify your name o Lord, praises to you o Lord God, King of the Universe, we praise you.

Reply

Mark Jefferson Magno May 12, 2019 at 6:48 pm

Ngayon ay Miyerkules sa ika-4 na Linggo ng Muling Pagkabuhay ni Jesus.

Reply

Jose M. Javier May 15, 2019 at 5:22 am

It’s really true and I believe, it’s only the word of is our source of life and the most important is you received it and embrace the word of our Lord , last and final ay isanasabuhay natin dapst.

Reply

Aida Ramirez May 15, 2019 at 7:13 am

Pinupuri ka namin Panginoong Hesukristo.Amen.

Reply

Edward Ramirez May 15, 2019 at 8:18 am

Pinupuri ka namin panginoong hesukristo

Reply

Celine May 15, 2019 at 1:08 pm

PINUPURI KA NAMIN PANGINOON JESUS KRISTO.
ALLELUIA!

Reply

Francisco R. Azupardo May 16, 2019 at 8:13 pm

Salamat sa Diyos! Amen!

Reply

PATRICK CU May 16, 2019 at 9:49 pm

Salamat sa Diyos! AMEN!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: