Mga Pagbasa – Lunes, Mayo 13, 2019

by Roxanne Pena on May 13, 2019 · 10 comments

in Tagalog Mass Readings

Lunes sa Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Mga Gawa 11, 1-18
Salmo 41, 2. 3; Salmo 42, 3. 4

Aking kinasasabikan ang Diyos na nabubuhay.

Juan 10, 1-10

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 11, 1-18

Pagbasa mula sa mga Gawa ng mga Apostol

Noong mga araw na iyon, nabalitaan ng mga apostol at ng mga Hentil ang salita ng Diyos. Kaya’t nang umahon si Pedro sa Jerusalem, siya’y pinuna ng mga kapatid na Judio. “Nakituloy ka sa mga Hentil, at nakisalo sa kanila!” sabi nila. Kaya’t isinaysay sa kanila ni Pedro ang buong pangyayari, buhat sa pasimula:

“Nasa lungsod ako ng Jope at nananalangin nang magkaroon ako ng pangitain. Mula sa langit ay inihugos sa kinaroroonan ko ang isang tila malaking kumot na nakabitin sa apat na panulukan. Pinagmasdan ko itong mabuti at nakita ko roon ang lahat ng uri ng hayop: lumalakad at gumagapang sa lupa, pati maiilap, at mga lumilipad sa himpapawid. At narinig ko ang isang tinig na nagsabi, ‘Tumindig ka, Pedro. Magpatay ka’t kumain!’ Subalit sinabi ko, ‘Hinding-hindi ko po magagawa iyon, Panginoon. Hindi ako kumakain ng anumang bagay na itinuturing na marumi o di karapat-dapat.’ Muli kong narinig ang tinig mula sa langit, ‘Huwag mong ituring na marumi ang mga nilinis ng Diyos!’ Tatlong ulit na nangyari ito at pagkatapos ay binatak na pataas sa langit ang bagay na iyon. Nang sandali ring iyon, dumating sa bahay na tinutuluyan ko ang tatlong lalaking sinugo sa akin buhat sa Cesarea. Sinabi sa akin ng Espiritu na huwag akong mag-atubiling sumama sa kanila. Sumama rin sa akin ang anim na kapatid na ito at pumasok kami sa bahay ni Cornelio. Isinalaysay niya sa amin na nakakita siya ng isang anghel na nakatayo sa loob ng kanyang bahay, at sinabi sa kanya, ‘Magpasugo ka sa Jope at ipasundo mo si Simon na tinatawag ding Pedro. Sasabihin niya sa iyo ang tungkol sa ikaliligtas mo at ng iyong sambahayan.’ Nagsisimula pa lamang akong magsalita ay bumaba na sa kanila ang Espiritu Santo gaya ng pagkababa nito sa atin noong una. At naalaala ko ang sinabi ng Panginoon, ‘Si Juan ay nagbibinyag sa tubig, ngunit bibinyagan kayo sa Espiritu Santo.’ Kung binigyan sila ng Diyos ng kaloob na tulad ng ibinigay niya sa atin nang manalig tayo sa Panginoong Hesukristo, sino akong hahadlang sa Diyos?” Nang marinig nila ito, tumigil na sila ng pagpuna, at sa halip ay nagpuri sa Diyos. “Kung gayun,” sabi nila, “ang mga Hentil ma’y binigyan din ng pagkakataong magsisi’t magbagong-buhay upang maligtas!”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 41, 2. 3; Salmo 42, 3. 4

Tugon: Aking kinasasabikan ang Diyos na nabubuhay.

Kung paanong yaong batis ang hanap ng isang usa;
gayun hinahanap ang Diyos ng uhaw kong kaluluwa.

Tugon: Aking kinasasabikan ang Diyos na nabubuhay.

Nananabik ako sa Diyos, Diyos na buhay, walang iba;
kailan kaya maaaring sa harap mo ay sumamba?

Tugon: Aking kinasasabikan ang Diyos na nabubuhay.

Ang totoo’t ang liwanag, buhat sa ‘yo ay pakamtan,
upang sa Sion ay mabalik, sa bundok mong dakong banal
sa bundok mong pinagpala, at sa templo mong tirahan.

Tugon: Aking kinasasabikan ang Diyos na nabubuhay.

Sa dambana mo, O Diyos, ako naman dudulog,
yamang galak at ligaya ang sa aki’y iyong dulot;
sa saliw ng aking alpa’y magpupuri akong lubos
buong lugod na aawit ako sa Diyos, na aking Diyos!

Tugon: Aking kinasasabikan ang Diyos na nabubuhay.

ALELUYA
Juan 10, 14

Aleluya! Aleluya!
Ako’y pastol na butihin
kilala ko’ng tupang akin;
ako’y kilala nila rin.

MABUTING BALITA
Juan 10, 1-10

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus, “Tandaan ninyo ito: ang pumasok sa kulungan ng mga tupa nang hindi sa pinto nagdaraan, ay magnanakaw at tulisan. Ngunit ang nagdaraan sa pintuan ay siyang pastol ng mga tupa. Pinapapasok siya ng bantay-pinto, at pinakikinggan ng mga tupa ang kanyang tinig. Tinatawag niya ang kanyang mga tupa sa kani-kanilang pangalan, at inilalabas sa kulungan. Kapag nailabas na, siya’y nangungunan sa kanila at sumusunod naman ang mga tupa sapagkat nakikilala nila ang kanyang tinig. Hindi sila sumusunod sa iba, bagkus pa nga’y patakbong lumalayo, sapagkat hindi nila nakikilala ang kanyang tinig.”

Sinabi ni Hesus ang talinghagang ito, ngunit hindi nila nakikilala ang kanyang tinig.”

Kaya’t muling sinabi ni Hesus, “Tandaan ninyo: ako ang pintuang dinaraanan ng mga tupa. Ang mga nauna sa akin ay mga magnanakaw at mga tulisan, ngunit hindi sila pinakinggan ng mga tupa. Ako ang pintuan. Ang sinumang pumapasok sa pamamagitan ko’y maliligtas. Papasok siya’t lalabas, at makatatagpo ng pastulan. Kaya lamang pupunta rito ang magnanakaw ay upang magnakaw, pumatay, at magwasak. Naparito ako upang ang mga tupa’y magkaroon ng buhay – isang buhay na ganap at kasiya-siya.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Previous post:

Next post:

{ 10 comments… read them below or add one }

Ivan Fajardo May 5, 2017 at 10:44 am

Next Tuesday Darating Po Sa Awit At Papuri

Reply

Patrick Cu May 9, 2017 at 3:45 am

Purihin ang Panginoon, Diyos ng lahat, hari nang lahat. Manaig po ang Espiritu sa amin lahat.

Reply

Patrick Cu May 9, 2017 at 3:45 am

Espiritu Santo*

Reply

Mark Jefferson Magno May 5, 2019 at 6:59 pm

Ngayon ay Lunes sa Ika-4 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay!

Reply

Arlin D. Mamales May 13, 2019 at 4:48 am

Pinupuri ka namin Panginoong Hesukristo

Reply

Edward Ramirez May 13, 2019 at 7:20 am

Pinupuri ka namin panginoong hesukristo

Reply

Aida Ramirez May 13, 2019 at 10:07 am

Pinupuri ka namin Panginoong Hesukristo .Amen

Reply

Francisco R. Azupardo May 13, 2019 at 8:13 pm

Salamat sa Diyos! Amen!

Reply

Celine May 13, 2019 at 11:51 pm

PINUPURI KA NAMIN PANGINOON JESUS KRISTO.
ALLELUIA!

Reply

PATRICK CU May 16, 2019 at 6:53 pm

Salamat sa Diyos! AMEN!!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: