Mga Pagbasa – Linggo, Mayo 12, 2019

by Jeric on May 12, 2019 · 9 comments

in Tagalog Mass Readings

Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (K)

Mga Gawa 13, 14. 43-45
Salmo 99, 2. 3. 5

Lahat tayo’y kanyang bayan, kabilang sa kanyang kawan.

Pahayag 7, 9. 14b-17
Juan 10, 27-30

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 13, 14. 43-45

Pagbasa mula sa mga Gawa ng mga Apostol

Noong mga araw na iyon: Mula sa Perga, nagpatuloy maglakbay sina Pablo at Bernabe at dumating sa Antioquia ng Pisidia. Nang Araw ng Pamamahinga, pumasok sila sa sinagoga at naupo. Pagkatapos ng pulong, sumunod kina Pablo at Bernabe ang maraming Judio at mga nahikayat sa Judaismo. Nagsalita sa kanila ang mga apostol at pinangaralan silang magpatuloy sa pamumuhay nang nararapat sa kagandahang-loob ng Diyos.

Nang sumunod na Araw ng Pamamahinga, halos lahat ng tao sa lungsod ay nagkatipon upang pakinggan ang salita ng Diyos. Inggit na inggit ang mga Judio nang makita nila ang maraming tao, kaya’t nilait nila at sinalungat si Pablo. Ngunit buong tapang na sinabi nina Pablo at Bernabe, “Sa inyo muna dapat ipahayag ang salita ng Diyos. Yamang itinakwil ninyo ito, hinatulan ninyo ang inyong sarili na hindi karapat-dapat sa buhay na walang hanggan, kaya’t pupunta kami sa mga Hentil. Sapagkat ganito ang iniutos sa amin ng Panginoon:

‘Inilagay kita na maging ilaw sa mga Hentil
upang maibalita mo ang kaligtasan
hanggang sa dulo ng daigdig.’”

Nagalak ang mga Hentil nang marinig ito, at nagpuri sa Panginoon dahil sa salita niya; at sumampalataya ang mga hinirang para sa buhay na walang hanggan.

Kaya’t lumaganap sa buong lupain ang salita ng Panginoon. Ngunit sinulsulan ng mga Judio ang mga babaing sumasamba sa Diyos at kilala sa lipunan, gayon din ang mga lalaking pinuno ng lungsod: ipinausig nila sina Pablo at Bernabe, at pinalayas sa lupaing iyon. Kaya’t ipinagpag ng dalawa ang alikabok sa kanilang mga paa bilang saksi laban sa mga tagaroon, at sila’y nagtungo sa Iconio. Ang mga alagad naman sa Antioquia ay natigib ng galak at napuspos ng Espiritu Santo.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 99, 2. 3. 5

Tugon: Lahat tayo’y kanyang bayan, kabilang sa kanyang kawan.

Umawit sa kagalakan ang lahat ng mga bansa!
Panginoo’y papurihan, paglingkuran siyang kusa;
lumapit sa harap niya at umawit na may tuwa!

Tugon: Lahat tayo’y kanyang bayan, kabilang sa kanyang kawan.

Ang Panginoo’y ating Diyos! Ito’y dapat malaman,
tayo’y kanya, kanyang lahat, tayong lahat na nilalang;
lahat tayo’y bayan niya, kabilang sa kanyang kawan.

Tugon: Lahat tayo’y kanyang bayan, kabilang sa kanyang kawan.

Mabuti ang Panginoon, pag-ibig niya’y walang hanggan,
Siya’y Diyos na mabuti’t laging tapat kailanman.

Tugon: Lahat tayo’y kanyang bayan, kabilang sa kanyang kawan.

IKALAWANG PAGBASA
Pahayag 7, 9. 14b-17

Pagbasa mula sa aklat ng Pahayag

Akong si Juan ay nakakita ng napakaraming taong di kayang bilangin ninuman! Sila’y mula sa bawat bansa, lahi, bayan, at wika. Nakatayo sila sa harap ng trono ng Kordero nakadamit ng puti at may hawak na mga palaspas. At sinabi ng isa mga matatanda sa akin, “Sila ang mga nagtagumpay sa kabila ng mahigpit na pag-uusig. Nilinis nila at pinaputi sa dugo ng Kordero ang kanilang damit. Iyan ang dahilan kung bakit sila nasa harap ng trono ng Diyos at naglilingkod sa kanya araw-araw sa templo niya. At ang nakaluklok sa trono ang kukupkop sa kanila. Hindi na sila magugutom o mauuhaw; hindi na sila mabibilad sa araw o mapapaso ng anumang matinding init. Sapagkat ang Korderong nasa gitna ng trono ang magiging pastol nila. Sila’y dadalhin niya sa mga bukal ng tubig na nagbibigay-buhay; at papahirin ng Diyos ang luha sa kanilang mga mata.”

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Juan 10, 14

Aleluya! Aleluya!
Ako’y pastol na butihin
kilala ko’ng tupang akin;
ako’y kilala nila rin.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 10, 27-30

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon: Sinabi ni Hesus: “Nakikinig sa akin ang aking mga tupa; nakikilala ko sila, at sumusunod sila sa akin. Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan, at kailanma’y di sila mapapahamak; hindi sila maaagaw sa akin ninuman. Ang aking Ama, na nagbigay sa kanila sa akin, ay lalong dakila sa lahat, ay hindi sila maaagaw ninuman sa aking Ama. Ako at ang Ama ay iisa.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Previous post:

Next post:

{ 9 comments… read them below or add one }

Mark Jefferson Magno May 5, 2019 at 6:59 pm

Ngayon ay nasa Ika-4 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay! Ito rin ang tinatawag na ‘Good Shepherd Sunday’ o ‘Linggo ng Mabuting Pastol’.

Reply

Reynald Perez May 9, 2019 at 4:44 pm

Pagninilay: Ang Ikaapat na Linggo ng Pagkabuhay ni Hesus ay mas kilala bilang Linggo ng Mabuting Pastol. Mababatid natin sa Bibliya na ang pagpapastol ay isa sa mga pinakatanyag na hanapbuhay ng mga tao sa Luma at Bagong Tipan. Makikita natin sa Aklat ni Exodo na si Moises matapos niyang takasan ang tangka ni Faraon at nakitungo sa Midian ay nagpastol sa kawan ng kanyang biyenang si Jetro. Sa nagliliyab na punongkahoy siya’y tinawag ng Panginoon upang magsilbi bilang gabay ng mga Israelita sa pagkalikas mula sa pagkaalipin. Si Haring David ay ang pinakabata sa mga anak ni Jesse, na siya’y nagsisilbing pastol sa kanyang kawan. Siya’y pinili ng Diyos na pahiran ni Samuel ng langis upang maging susunod na Hari ng Israel. Si Isaias ay isa ring pastol na pinili ng Diyos na maging propeta upang magpahayag tungkol sa pagdating ng Mesiyas. At si Hesus ay ang Mabuting Pastol ng ating mga kaluluwa dahil ang kanyang pakay ay akayin tayong lahat tungo sa kaligtasan. Bilang pastol, hindi niya nais tayo’y pabayaan sa kasalanan, ngunit tubusin sa pamamagitan ng kanyang pag-aalay ng buhay sa Krus at Muling Pagkabuhay. Makikita natin sa buong kasaysayan ng Bibliya na ang pagpapastol ay nagsisimbolo ng isang mahalagang tungkulin tungo sa tupa. Kaya sinasabi ng Salmo 23 na ang Panginoong Diyos ay ang Pastol na hindi tayo kailanma’y kukulangin sa buhay. Alam natin na ang pastol ay namamahala sa pangangaalaga ng kanyang kawan, at kapag ang isang tupa ay sumuway ay kanilang hahampasin nito ng tungkod upang sumunod. Makikita dito na alam ng pastol ang amoy ng kanyang kawan sapagkat gagawin niya ang lahat para sa ikabubuti ng lahat. Ganun rin ang Panginoong Hesus na siya ang Mabuting Pastol. Iba po ang pagiging mabait sa pagiging mabuti. Bilang Mabuting Pastol, si Kristo ang gumagabay sa atin patungo sa kanyang Ama. Ang kanyang pagiging mabuti ay makikita rin sa kanyang katuwiran at katarungan sa mga panahong tayo’y sumuway sa dakilang kalooban. Minsan nga’y sinabi ni Arsobispo Socrates Villegas: “Ang tungkod ni Hesus kapag tayo’y nagkakasala ay AWA.” Siya ang maawaing Pastol na nagmamahal sa atin sa kabila ng ating mga pagkukulang at pagkakamali sa buhay. Ipinakita niya ito nang ialay niya ang kanyang buhay upang tayo’y mailigtas at mas gawin pang matapat sa Diyos Ama. At dito’y ipinamana ni Hesukristo ang misyon ng pagpapahayag ng Mabuting Balita. Kaya makikita natin sina San Pablo at San Bernabe sa Unang Pagbasa na nagpapahayag ng mensaheng ito hindi lang sa mga Hudyo, pati na rin sa mga Hentil. Si San Juan naman sa Ikalawang Pagbasa ay patuloy na nararanasan ng mga pangitain tungkol sa magandang biyaya ng buhay na walang hanggan. Matapos ng ating mga pagkaranas ng ginhawa at dusa sa lupang ibabaw, mararanasan natin balang araw ang kaligayahan ng buhay na walang hanggan, kung saan mapapawi ang bawat lungkot sa atin sa pagpapahiran ng Diyos ng luha mula sa ating mga mata. Kaya nawa tayo ay sumunod sa ating Mabuting Pastol sa pagsasabuhay ng mga pagpapahalaga ng Mabuting Balita. Maging mabuting pastol din tayo sa ibang tao sa paggawa ng kabutihan at katuwiran sa kanila.

Reply

Maria Lourdes May 11, 2019 at 7:41 pm

Pinupuri ka namin Panginoong Hesukristo.

Reply

Edward Ramirez May 12, 2019 at 5:12 am

Pinupuri ka namin panginoong hesukristo Amen

Reply

Kulot May 12, 2019 at 6:51 am

Inupuri ka namin panginoong hesukristo

Reply

Celine May 12, 2019 at 1:36 pm

PINUPURI KA NAMIN PANGINOON JESUS KRISTO.
ALLELUIA!

Reply

Alfred Sugayan May 12, 2019 at 4:52 pm

Purihin natin ang Panginoon Hesu Kristo…

Reply

Francisco R. Azupardo May 13, 2019 at 8:12 pm

Salamat sa Diyos! Amen!

Reply

PATRICK CU May 16, 2019 at 6:39 pm

Salamat sa Diyos! AMEN!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: