Mga Pagbasa – Miyerkules, Mayo 1, 2019

by Roxanne Pena on May 1, 2019 · 9 comments

in Tagalog Mass Readings

Miyerkules sa Ika-2 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Mga Gawa 5, 17-26
Salmo 33, 2-3. 4-5. 6-7. 8-9

Dukhang sa D’yos tumatawag ay kanyang inililigtas.

Juan 3, 16-21

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 5, 17-26

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Noong mga araw na iyon, inggit na inggit ang pinakapunong saserdote at ang mga kasamahan niya sa kaanib na sekta ng mga Saduseo, kaya’t kumilos sila. Dinakip nila ang mga apostol at ibinilanggo. Ngunit kinagabiha’y binuksan ng anghel ng Panginoon ang bilangguan at inilabas ang mga apostol. Sinabi nito sa kanila, “Pumaroon kayo sa templo at mangaral tungkol sa bagong pamumuhay na ito.”

Sumunod naman ang mga apostol, kaya’t nang magbubukang-liwayway, pumasok sila sa templo at nagturo.

Nang dumating ang pinakapunong saserdote at ang mga kasama niya, tinawag nila ang lahat ng matatanda ng Israel sa pulong ng buong Sanedrin. Ipinakuha nila sa bilangguan ang mga apostol. Ngunit pagdating doon ng mga bantay, wala na ang mga iyon. Kaya’t nagbalik sila sa Sanedrin at ganito ang ulat: “Nakita po naman na nakasusing mabuti ang bilangguan at nakatayo ang mga bantay. Ngunit nang buksan namin, wala kaming nakitang tao sa loob!” Nabahala ang mga punong saserdote at ang kapitan ng mga bantay sa templo nang marinig ito, at di nila maubos-maisip kung ano ang nangyari sa mga apostol. Ngunit may dumating at nagbalita sa kanila, “Ang mga lalaking ikinulong ninyo ay naroon sa templo’t nagtuturo sa mga tao.” Kaya’t ang kapitan ay pumunta sa templo, kasama ang kanyang mga tauhan. Isinama nila ang mga apostol, ngunit hindi gumagamit ng dahas dahil sa pangambang sila’y batuhin ng mga tao.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 33, 2-3. 4-5. 6-7. 8-9

Tugon: Dukhang sa D’yos tumatawag ay kanyang inililigtas.

Panginoo’y aking laging pupurihin;
sa pasasalamat di ako titigil.
Aking pupurihin kanyang mga gawa,
kayong naaapi, makinig, matuwa!

Tugon: Dukhang sa D’yos tumatawag ay kanyang inililigtas.

Ang pagkadakila niya ay ihayag
at ang ngalan niya’y purihin ng lahat!
Ang aking dalangi’y dininig ng Diyos,
nawala sa akin ang lahat kong takot.

Tugon: Dukhang sa D’yos tumatawag ay kanyang inililigtas.

Nagalak ang aping umasa sa kanya,
pagkat di nabigo ang pag-asa nila.
Tumatawag sa Diyos ang walang pag-asa,
Sila’y iniligtas sa hirap at dusa.

Tugon: Dukhang sa D’yos tumatawag ay kanyang inililigtas.

Anghel yaong bantay sa may takot sa Diyos,
sa mga panganib, sila’y kinukupkop.
Ang galing ng Poon hanaping masikap;
yaong nagtiwala sa kanya’y nagligtas
ay maituturing na taong mapalad.

Tugon: Dukhang sa D’yos tumatawag ay kanyang inililigtas.

ALELUYA
Juan 3, 16

Aleluya! Aleluya!
Kaylaki ng pagmamahal
ng Diyos sa sanlibutan
kaya’t Anak n’ya’y ‘binigay.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 3, 16-21

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Gayun na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtog na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sapagkat sinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya.

Hindi hinahatulang maparusahan ang nananampalataya sa bugtong na Anak ng Diyos; ngunit hinatulan nang parusahan ang hindi nananampalataya sa kanya. Hinatulan sila sapagkat naparito sa sanlibutan ang ilaw, ngunit inibig pa ng mga tao ang dilim kaysa liwanag, sapagkat masama ang kanilang mga gawa. Ang gumagawa ng masama ay ayaw sa ilaw, at hindi lumalapit dito upang hindi mahayag ang kanyang mga gawa. Ngunit ang namumuhay sa katotohanan ay lumalapit sa ilaw; sa gayun, nahahayag na ang kanyang mga ginagawa’y pagsunod sa Diyos.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Previous post:

Next post:

{ 9 comments… read them below or add one }

Mark Jefferson Magno April 21, 2019 at 7:34 pm

Ngayon ay araw ng Miyerkules kasunod ng ikalawang linggo ng Muling Pagkabuhay ni Jesus. Ngayon din ay araw ng pagluluklok sa imahen ng Mahal na Birheng Maria.

Reply

Kulot May 1, 2019 at 4:49 am

Pinupuri ka namin panginoong hesukristo

Reply

Arlin D. Mamales May 1, 2019 at 4:56 am

Pinupuri ka namin Panginoong Hesukristo

Reply

Celine May 1, 2019 at 1:52 pm

PINUPURI KA NAMIN PANGINOON JESUS KRISTO.
ALLELUIA!ALLELUIA!

Reply

Francisco R. Azupardo May 1, 2019 at 7:21 pm

Salamat sa Diyos! Amen!

Reply

Aida Ramirez May 1, 2019 at 7:45 pm

Pinupuri ka namin Panginoong Hesukristo.Amen.

Reply

Jerry May 1, 2019 at 9:51 pm

Pinupuri ka namin Panginoong HesuCristo.

Reply

Dolly Sun May 1, 2019 at 10:56 pm

Pinupuri Ka namin Panginoong Hesukristo!

Reply

PATRICK CU May 2, 2019 at 9:27 am

Salamat sa Diyos! AMEN!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: