Mga Pagbasa – Huwebes, Marso 7, 2019

by Roxanne Pena on March 7, 2019 · 15 comments

in Tagalog Mass Readings

Huwebes kasunod ng Miyerkules ng Abo

Deuteronomio 30, 15-20
Salmo 1, 1-2. 3. 4 at 6

Mapalad ang umaasa sa Panginoon tuwina.

Lucas 9, 22-25

UNANG PAGBASA
Deuteronomio 30, 15-20

Pagbasa mula sa aklat ng Deuteronomio

Sinabi ni Moises sa mga tao, “Nasa inyo ngayon ang kapasyahan. Kayo ang pipili ng buhay at kasaganaan o ng kahirapan at kamatayan. Kapag sinunod ninyo ang kautusan, inibig ang Panginoon, at nilakaran ang kanyang mga landas, pagpapalain niya kayo sa lupaing ibibigay niya sa inyo. Mabubuhay kayo nang matagal at kanyang pararamihin kayo. Ngunit kapag tumalikod kayo sa kanya at naglingkod sa ibang diyos, ngayon pa’y sinasabi ko sa inyong malilipol kayo. Hindi kayo magtatagal sa lupaing tatahanan ninyo sa ibayo ng Jordan. Saksi ko ang langit at ang lupa na ngayo’y inilahad ko sa inyo ang buhay o kamatayan, at ang pagpapala o sumpa. Kaya, piliin ninyo ang buhay para kayo at ang inyong lahi ay magtagal. Ibigin ninyo ang Panginoon, makinig sa kanyang tinig at manatiling tapat sa kanya. Sa gayun, mabubuhay kayo nang matagal sa lupaing ipinangako niya sa ninuno ninyong sina Abraham, Isaac at Jacob.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 1, 1-2. 3. 4 at 6

Tugon: Mapalad ang umaasa sa Panginoon tuwina.

Mapalad ang taong hindi naaakit niyong masasama,
upang sundan niya ang kanilang payo’t maling halimbawa;
hindi sumasama sa sinumang taong ang laging adhika’y
pagtawanan lamang at hamak-hamakin ang Diyos na dakila.
Nagagalak siyang laging magsasaliksik ng banal na aral,
ang utos ng Poon siyang binubulay sa gabi at araw.

Tugon: Mapalad ang umaasa sa Panginoon tuwina.

Ang katulad niya’y isang punongkahoy sa tabing batisan,
sariwa ang daho’t laging namumunga sa kapanahunan,
at anumang gawin ay nakatitityak na magtatagumpay.

Tugon: Mapalad ang umaasa sa Panginoon tuwina.

Ngunit ibang-iba ang masamang tao; ipa ang kawangis,
siya’y natatangay at naipapadpad kung hangi’y umihip.
Sa taong matuwid ay Panginoon ang s’yang mag-iingat,
ngunit kailanman ang mga masama ay mapapahamak.

Tugon: Mapalad ang umaasa sa Panginoon tuwina.

AWIT PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Mateo 4, 17

Sinabi ng Poong mahal:
“Kasalanan ay talikdan,
pagsuway ay pagsisihan;
maghahari nang lubusan
ang Poong D’yos na Maykapal.”

MABUTING BALITA
Lucas 9, 22-25

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Ang Anak ng Tao’y dapat magtiis ng maraming hirap. Itatakwil siya ng matatanda ng bayan, ng mga punong saserdote at ng mga eskriba. Ipapapatay nila siya, ngunit sa ikatlong araw ay muling mabubuhay.”

At sinabi niya sa lahat, “Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin araw-araw ang kanyang krus, at sumunod sa akin. Ang naghahangad magligtas ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito; ngunit ang mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay siyang magkakamit noon. Ano nga ang mapapala ng tao, makamtan man niya ang buong sanlibutan kung ang katumbas naman nito’y ang kanyang buhay? Ano nga ang mapapala niya kung siya’y mapapahamak?”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Previous post:

Next post:

{ 15 comments… read them below or add one }

Flordeliza Basa March 2, 2017 at 3:37 am

Salamat sa nyo na naggawa ng acct na ito. Ok talags pag tagalog ang gospel masmadaling maunaaan. Salamat po.

Reply

Jenny March 2, 2017 at 6:30 am

Amen.

Reply

Donna March 3, 2017 at 6:00 am

Amen.

CFC-SFC

Reply

Patrick Cu March 4, 2017 at 5:50 am

Pagpalain po kayo ng Panginoon malaking bagay po itong site na ito sa amin

Reply

Mark Jefferson Magno March 1, 2019 at 6:16 pm

Ito na po ang ikalawang araw sa loob ng 40 araw ng paghahanda ng Panginoong Hesukristo. Nawa po ay pagpalain tayo ng Poong Maykapal sa buong araw na ito. Malaking bagay din ito upang paalisin natin ang ating mga kasalanan ng sanlibutan at kaawaan po natin ng Panginoong Diyos.

Reply

Reynald Perez March 5, 2019 at 5:27 pm

Pagninilay: Patuloy tayo sa ating daan ngayong Kuwaresma sa loob ng 40 araw upang paghandaan ang pagdiriwang ng Misteryong Paskwal ni Kristo sa Mahal na Araw. Ang Unang Pagbasa ngayon ay isang paanyaya ni Moises sa mga Israelita na patuloy na maging matapat sa Diyos na naglikas sa kanila mula sa pagkaalipin sa Egipto. Matapos gumawa ang Panginoon ng mga magagandang bagay at biyaya sa ating buhay, tayo rin nawa ay patuloy na magiging matapat sa kanya sa pagsunod sa kanyang dakilang kalooban. Ang Ebanghelyo ngayon ay isang paalala ni Hesus kung paano natin pagdadaanan ang buhay. Matapos ipahayag ni San Pedro na si Kristo ay ang Anak ng Diyos, lubos na inaanyayahan ni Hesus na upang tayo ay maging mga alagad niya, limutin natin ang ating sarili, pasanin ang krus, at sumunod sa kanya. At patuloy siya na ang nais maligtas ng buhay ay mawawalan nito, subalit ang mag-alay naman ng buhay ay makakamit ito. Siguro lahat tayo ay dumadaan ng napakaraming problema. Sa totoo lang, sino po ang makakapagsabi na wala silang problema o pagsubok sa buhay? At alam natin ang bigat at pagod dala ng hinanakit na iyan. Palagi nating ninanais araw-araw na guminhawa ang buhay natin. Kaya si Hesus ang maamong puso na maari nating lapitan dahil ang kanyang pamatok ay maginhawa, at ang kanyang pasan ay magaan. Subalit hindi ito’y kahulugan na madali lang takasan ang mga problema ng buhay. Kaya nagbigay siya ng isang tapat na paanyaya upang tularan siya. Alam po natin na ang ating Tagapagligtas ay naging masunurin sa dakilang kalooban ng Diyos hanggang sa kanyang kamatayan sa Krus. Ang kanyang paghahandog sa Banal na Krus ay tanda na tayo’y iniligtas mula sa ating mga pagkakasala at minarapat na gawing mga anak ng Kataas-taasang Diyos. Kaya ang limutin natin ang ating sarili, pagpasan ang krus, at sumunod kay Kristo ay isang paanyaya na sa kabila ng ating mga pinagdaanan sa buhay, patuloy tayo sa pagtitiis na palaging nananalig sa Panginoon at gumagawa ng mga matuwid at mabuting bagay. Nawa’y ito po ang ating sakripisyo hindi lang tuwing Kuwaresma, kundi pati na sa ating pang-araw-araw na pamumuhay, na sumampalataya tayo sa Diyos at maging mabuti rin sa ating kapwa.

Reply

Nermil March 7, 2019 at 1:09 am

Panginoon bgyan nyo po ako ng gabay at patawad po sa kasalanan….

Reply

PATRICK CU March 7, 2019 at 2:43 am

Salamat sa Diyos! AMEN!!!

Reply

Aida Ramirez March 7, 2019 at 5:47 am

Pinupuri ka namin Panginoong Hesukristo.Amen.

Reply

Marishel Mora March 7, 2019 at 7:18 am

Pinupuri Ka Namin Panginoong Hesukristo…

Reply

Kulot March 7, 2019 at 12:43 pm

Pinupuri ka namin panginoong hesukristo. Amen.

Reply

Celine March 7, 2019 at 2:48 pm

PINUPURI KA MANIN PANGINOON JESUS KRISTO.
ALLELUIA!

Reply

Francisco R. Azupardo March 7, 2019 at 7:29 pm

Salamat sa Diyos! Amen!

Reply

Rachel Dela Cruz March 7, 2019 at 8:44 pm

Pinupuri ka namin,Panginoong HesuKristo

Reply

Jerry March 8, 2019 at 1:11 am

Salamat sa Diyos.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: