Mga Pagbasa – Martes, Disyembre 25, 2018

by Roxanne Pena on December 25, 2018 · 2 comments

in Tagalog Mass Readings

Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon
Pagmimisa sa Hatinggabi sa Pasko ng Pagsilang

Isaias 9, 1-6
Salmo 95, 1-2a. 2b-3. 11-12, 13

Sa ati’y sumilang ngayon, Manunubos, Kristong Poon.

Tito 2, 11-14
Lucas 2, 1-14

UNANG PAGBASA
Isaias 9, 1-6

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Nakatanaw ng isang malaking liwanag
ang bayang malaon nang nasa kadiliman,
namanaag na ang liwanag
sa mga taong namumuhay sa lupaing balot ng dilim.
Iyong pinasigla ang kanilang pagdiriwang,
dinagdagan mo ang kanilang tuwa.
Tulad ng mga tao sa panahon ng anihan,
tulad ng mga taong naghahati ng nasamsam na kayamanan.
Nilupig mo ang bansang umalipin sa iyong bayan
tulad ng pagkalupig sa hukbo ng Madian.
Binali mo ang panghambalos ng mga tagapagpahirap sa kanila.
Sapagkat ang panyapak ng mga mandirigma,
ang lahat ng kasuutang tigmak sa dugo ay susunugin.
Sapagkat ipinanganak para sa atin ang isang sanggol na lalaki.
Ibinigay ang isang anak sa atin
at siya ang mamamahala sa atin.
Siya ang Kahanga-hangang Tagapayo, ang Makapangyarihang Diyos,
walang hanggang Ama, ang Prinsipe ng Kapayapaan.
Malawak na kapangyarihan at walang hanggang kapayapaan.
ang ipagkakaloob sa trono ni David at sa kanyang paghahari
Upang matatag ito at papanatilihin
sa katarungan at katwiran
ngayon at magpakailanman.
Isasagawa ito ng Makapangyarihang Panginoon.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 95, 1-2a. 2b-3. 11-12, 13

Tugon: Sa ati’y sumilang ngayon, Manunubos, Kristong Poon.

Purihin ang Panginoon, awitan ng bagong awit;
ang Poon ay papurihan nitong lahat sa daigdig!

Tugon: Sa ati’y sumilang ngayon, Manunubos, Kristong Poon.

Awitan ang Panginoon, ngalan niya ay purihin;
araw-araw ang ginawang pagliligtas ay banggitin.
Kahit saa’y ipahayag na ang Poon ay dakila,
sa madla ay ipahayag ang dakila niyang gawa.

Tugon: Sa ati’y sumilang ngayon, Manunubos, Kristong Poon.

Lupa’t langit ay magsaya, umugong ang kalaliman,
lahat kayo na nilikhang nasa tubig ay magdiwang.
Ang bukirin at ang lahat ng naroon ay sumigaw,
pati mga punongkahoy sa galak ay mag-awitan.

Tugon: Sa ati’y sumilang ngayon, Manunubos, Kristong Poon.

Ang Poon ay pupurihin, pagkat siya ay daratal,
paririto sa daigdig, upang lahat ay hatulan.
Tapat siya kung humatol at lahat ay pantay-pantay.

Tugon: Sa ati’y sumilang ngayon, Manunubos, Kristong Poon.

IKALAWANG PAGBASA
Tito 2, 11-14

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo kay Tito

Pinagkamamahal kong kapatid:
Inihayag ng Diyos ang kanyang kagandahang-loob na nagdudulot ng kaligtasan sa lahat ng tao. Ito ang siyang umaakay sa atin upang talikdan ang likong pamumuhay at damdaming makalaman. Kaya’t makapamumuhay tayo ngayon nang maayos, matuwid at karapat-dapat sa Diyos samantalang hinihintay natin ang ating inaasahan – ang dakilang Araw ng paghahayag sa ating dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Hesukristo sa gitna ng kanyang kaningningan. Ibinigay niya ang kanyang sarili upang iligtas tayo sa lahat ng kalikuan at linisin para maging kanyang bayan na nakatalagang gumawa ng mabuti.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Lucas 2, 10-11

Aleluya! Aleluya!
Ito’y Balitang masaya
Manunubos sumilang na
sa ati’y Kristo, Poon s’ya.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 2, 1-14

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, iniutos ng Emperador Augusto na magpatala ang lahat ng nasasakupan ng Imperyo ng Roma. Ang unang pagpapatalang ito’y ginawa nang si Cirenio and gobernador ng Siria. Kaya’t umuwi ang bawat isa sa sariling bayan upang magpatala.

Mula sa Nazaret, Galilea, si Jose’y pumunta sa Betlehem, Judea, ang bayang sinilangan ni Haring David, sapagkat siya’y mula sa angkan at lahi ni David. Kasama niyang umuwi upang magpatala rin si Maria na kanyang magiging asawa na noo’y kagampan. Samantalang naroroon sila, dumating ang oras ng panganganal ni Maria at isinilang niya ang kanyang panganay at ito’y lalaki. Binalot niya ng lampin ang sanggol at inihiga sa isang sabsaban, sapagkat wala nang lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan.

Sa lupain ding yaon ay may mga pastol na nasa parang, nagpupuyat sa pagbabantay ng kanilang mga tupa. Biglang lumitaw sa harapan nila ang isang anghel ng Panginoon at lumaganap sa paligid nila ang nakasisilaw na kaningningan ng Panginoon. Natakot sila nang gayun na lamang, “Huwag kayong matakot! Ako’y may dalang mabuting balita para sa inyo na magdudulot ng malaking kagalakan sa lahat ng tao. Sapagkat isinilang ngayon sa bayan ni David ang inyong Tagapagligtas, ang Kristong Panginoon. Ito ang palatandaan: matatagpuan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin at nakahiga sa sabsaban.”
Biglang lumitaw sa tabi ng anghel ang isang malaking hukbo ng kalangitan, na nagpupuri sa Diyos:

“Papuri sa Diyos sa kaitaasan,
at sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya!”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Previous post:

Next post:

{ 2 comments… read them below or add one }

Reynald Perez December 24, 2018 at 3:48 am

Pagninilay: Isang dakilang gabi ang ating sinasaksihan at ginugunita ngayon. Ito yung tinaguriang kasayasayang “Silent Night, O Holy Night” at “Ang Gabing Payapa” dahil sa pinakamagandang biyayang katuparan ng Panginoong Diyos Ama para sa atin. 500 taon bago ang pagdating niyan, ipinahayag ni Propeta Isaias na may isang liwanag na tatanaw sa kadiliman, at gagabay sa mga taong namumuhay sa dilim. Noong panahon ni Isaias, nakasakop ang Juda sa pagsasalakay ng mga taga-Chaldea sa ilalim ng pamumuno ni Haring Nabucodonosor II. Kaya naging alipin ang mga tao ng Jerusalem at itinapon sa Babilonia. Kaya itong si Isaias, ipinabalita niya na may gaganap ng labanan sa pagitan ng Persya at Babilonia, at sa kautusan ni Ciro Magno ng Persya ay pinayagang bumalik ang mga Hudyo sa kanilang mga tirahan. Pero may isa pang tandang ibinigay ang propeta: ang propesiya tungkol sa sanggol na magiging Mesiyas. Sa Isaias 7:14, narinig natin na ang tanda ng panganganak ng Birhen sa Emanuel, ang sumasaating Diyos. At dito sa Isaias 9:5, sinasabi sa atin na ang Emanuel ay ang Walang Hanggang Diyos at Hari at Prinsipe ng Kapayapaan. Ito yung nagsisilbing liwanag sa dilim dahil ang Panginoong Hesus mismo ay ang liwanag na tatanglaw sa kadiliman ng ating mga buhay na nababalot sa kasalanan, kasamaan, bisyo, pagnanais, karahasan, digmaan, kalungkutan, at pagdurusa.
Sa banal na gabing ito, tayo’y mga saksi sa dakilang pangyayaring ito na naganap na makalipas ang higit na 2,000 taon. Ang nakakalungkot lang isipin ay sa kaalaman lang tungkol sa Pagsilang ng Panginoo’y umaabot ang diwa ng Pasko. Lalo na ang buong Kalendaryong Panliturhiya ng Simbahan, madalas naririnig natin ang mga pagdiriwang at ang kanilang mga kasaysayan sa Bibiliya, at alam na natin ang mga ito. Aminin nating lahat na naging bisi tayo itong mga nakaraang araw sa paghahanda ng mga regalo, Christmas party, pagkain para sa Noche Buena, at ang badyet. Kaya nga hindi masyadong sikat ang Adbiyento sa mga popular na pagdiriwang ng kontemporaryong panahon, yung bagang espirituwal na paghahanda para sa Tatlong Pagdating ng Panginoon. Pero naririto po tayo ngayong gabi dahil sa alaala ng isang pangakong ibinigay sa ating lahat: ang Panginoong Hesus bilang Liwanag ng Sangkatauhan. Sa panahanong yaon (ika-4 na taon, BCE), mahirap ang naging paglalakbay nina Birheng Maria at San Jose patungong Bethlehem, ang Siyudad ni Haring David. Mas mahirap pa yung naranasan nila noong nawalan sila ng pagtutuluyang tahanan, at ang kanilang tinuluyan ay ang kuwadra ng mga tupa, baka, at asno. Pero sa pagsapit ng Hatinggabi, nakasentro ang kasaysayan sa maluwalhating Kapangakan ng “Diyos na nagliligtas,” ang Panginoong Hesukristo (Yesh-wa). Pati mismong mga hayop na nasa kuwadra ay nag-iingay sa tuwa dahil sa pangyayaring iyon. Kahit siya ang Diyos at Mesiyas, wala siyang magarbong damit na sinutuan kundi ang isang lampin, at sa kahoy ng sabsaban siya’y hinimlay ni Maria. Ganun din 33 taong makalipas sa Bundok ng Golgota, huhubarin siya ng mga sundalong Romano at siya’y ipapako sa kahoy ng Banal na Krus upang ipakita ang dakilang pag-ibig ng Ama sa pamamagitan ng pagliligtas sa atin mula sa kasalanan. Kaya mahalaga ang simbolismo ng Christmas tree dahil inaalala natin ang Unang Pagdating ng Panginoon, at siya mismo’y nakapako sa Krus, ang puno ng buhay na nagtatagumpay laban sa puno ng kasalanan.
Mga kapatid, hindi lang dapat umaabot sa kaalaman ng tao tungkol sa kwento ng Unang Pasko, kundi pati na rin sa buhay niya tungkol sa tunay na diwa ng Pasko. Itong dakilang gabi ay nakapaganda sapagkat inaalala natin ang pinamagandang pangako ng Diyos. At sa bawat pagdiriwang ng Kapaskuhan, ang nais ng Panginoon ay maisilang siya hindi sa matataas na trono at hindi na sa kahoy ng sabsaban, kundi sa ating mga puso. Ang paalala ni San Pablo sa komunidad ni Obispong San Tito ay dapat din nating panindigan: upang maranasan natin ang biyaya ng Diyos na nagdulot sa ating kaligtasan, talikuran natin ang mga masasamang gawain at bisyo at mamuhay nang taimtim, mabubuti, at gumagawa ng mabuti. Sa ating paglalakbay sa daan ng Pasko ng Pagsilang, muli nating buksan ang ating mga puso at tanggapin natin si Kristo bilang Panginoon ng ating mga buhay. Alalahanin natin ang kanyang mga ipinangaral na turo, ginawang himala, at ang kanyang Misteryong Paskwal, at katulad niya ay sundin nawa natin ang dakilang kalooban ng Ama.

Reply

Francisco R. Azupardo December 24, 2018 at 7:42 pm

Salamat sa Diyos! Amen! Maligayang Pasko po!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: