Mga Pagbasa – Martes, Disyembre 4, 2018

by Roxanne Pena on December 4, 2018 · 9 comments

in Tagalog Mass Readings

Martes sa Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon

Isaias 11, 1-10
Salmo 71, 2. 7-8. 12-13. 17

Mabubuhay s’yang marangal at sasagana kailanman.

Lucas 10, 21-24

UNANG PAGBASA
Isaias 11, 1-10

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Sa araw na iyon, sa lahi ni Jesse ay lilitaw ang isang hari,
tulad ng supling mula sa isang tuod.
Mananahan sa kanya ang Espiritu ng Poon,
Bibigyan siya ng katalinuhan at pagkaunawa,
ng kaalaman at kapangyarihan,
ng karunungan at takot sa Panginoon.
Kagalakan niya ang tumalima sa Poon.
Hindi siya hahatol ayon sa nakikita
O batay sa narinig sa iba.
Bibigyan niya ng katarungan ang mga dukha,
ipagtatanggol ang karapatan ng mga kawawa.
Ang salita niya’y parang tungkod na ipapalo sa malulupit,
ang hatol niya’y kamatayan sa masasama.
Katarungan at katapatan ang paiiralin niya sa kanyang pamamahala.
Maninirahan ang asong-gubat sa piling ng kordero,
matutulog ang leopardo sa tabi ng batang kambing,
Magsasama ang guya at ang batang leon,
at ang mag-aalaga sa kanila’y batang paslit.
Ang baka at ang oso’y magkasamang manginginain,
ang mga anak nila’y magkakatabing matutulog,
kakain ng damo ang leon na animo’y toro.
Maglalaro ang batang pasusuhin sa tabi ng lungga ng ahas,
hindi maaamo ang bata kahit laruin ang ulupong.
Walang mananakit o mamiminsala
sa nasasaklaw ng banal na bundok;
sapagkat kung paanong puno ng tubig ang karagatan,
laganap sa buong lupain ang pagkakilala sa Panginoon.
Sa araw na iyon, isisilang ang hari mula sa lahi ni Jesse,
ang magiging palatandaan para sa mga bansa.
Ang mga baya’y tutungo sa banal na lungsod upang parangalan siya.
at magiging maningning ang kanyang luklukan.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 71, 2. 7-8. 12-13. 17

Tugon: Mabubuhay s’yang marangal at sasagana kailanman.

Turuan mo yaong, haring humatol ng katuwiran,
Sa taglay mong katarungan, O Diyos, siya’y bahaginan;
Upang siya’y maging tapat mamahala sa ‘yong bayan;
at pati sa mahihirap maging tapat siyang tunay.

Tugon: Mabubuhay s’yang marangal at sasagana kailanman.

Yaong buhay na mat’wid sa kanyang kapanahunan,
madama ng bansa niya at umunlad habang buhay.
Yaong kanyang kaharian ay palawak nang palawak,
mula sa Ilog Eufrates, sa daigdig ay kakalat.

Tugon: Mabubuhay s’yang marangal at sasagana kailanman.

Kanya namang ililigtas ang sinumang tumatawag,
lalo yaong nalimot nang mga taong mahihirap;
sa ganitong mga tao’y siya’y lubhang nahahabag;
sa kanila tumutulong, upang sila ay maligtas.

Tugon: Mabubuhay s’yang marangal at sasagana kailanman.

Nawa yaong kanyang ngalan ay h’wag nang malimutan
manatiling laging bantog na katulad nitong araw.
Nawa siya ay purihin ng lahat ng mga bansa,
at sa Diyos, silang lahat dumadalanging:
“Harinawa pagpalain kaming lahat,
tulad niyang pinagpala.”

Tugon: Mabubuhay s’yang marangal at sasagana kailanman.

ALELUYA

Aleluya! Aleluya!
Panginoon ay darating,
bibigyan n’ya ng paningin
mga bulag na gagaling
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 10, 21-24

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Nang oras ding iyon, si Hesus ay napuspos ng galak ng Espiritu Santo. At sinabi niya, “Pinasasalamatan ng langit ay lupa, sapagkat inilihim mo sa marurunong at pantas ang mga bagay na ito at inihayag mo sa mga taong ang kalooba’y tulad ng sa bata. Oo, Ama, sapagkat gayon ang ikinalulugod mo.

Ibinigay sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakikilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakikilala sa Ama kundi ang Anak at yaong marapating pagpahayagan ng Anak.”

Humarap si Hesus sa mga alagad at sinabi, na di naririnig ng iba: “Mapalad kayo, sapagkat nakita ninyo ang inyong nakikita ngayon! Sinasabi ko sa inyo, maraming propeta at mga hari ang nagnasang makakita ng inyong nakikita ngunit hindi nila nakita. Hinangad din nilang mapakinggan ang inyong naririnig ngunit hindi nila napakinggan.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Previous post:

Next post:

{ 9 comments… read them below or add one }

Reynald Perez December 3, 2018 at 4:35 pm

Pagninilay: Ang Adbiyento ay paghahanda sa pagdating ni Hesus upang bigyan ang katarungan at kapayapaan sa mundo. Kaya ang Unang Pagbasa ay isang propesiya ni Isaias tungkol sa isang sangang magmumula sa puno ni Jesse, at ito’y mapupuspos ng Espiritu Santo. Ang kanyang katarungan ay ikalulugod ng mga mahihirap at matapat. At inilalarawan din ni Isaias ang pakikipagkasundo ng mga hayop na sa kalagitnaan nila ay ang Sanggol, kaya ito ay pinintura ni Edward Hicks sa kanyang tanyag na sining na pinamagatang “Peaceful Valley”. Kaya inaawit sa Salmo ngayon na ang mga mangagaral ay mamumuhay nang masagana at mapayapa. Si Hesus ay ang sangang itinutukoy na magmumula sa puno ni Jesse, kaya siya rin ay nagmula sa angkan ni Haring David na anak ni Jesse. At ang Ebanghelyo ay ang kanyang panalangin ng pasasalamat sa Ama. Ito ang kanyang gawain na siyang nagpapalakas sa kanyang pangangaral at kababalaghan upang gawin ang kalooban ng Diyos. Nagpasalamat siya dahil ang mga misteryo ng Paghahari ng Diyos ay ibinunyag sa mga mababang-loob na katulad ng mga bata, at inililihim sa mga marurunong. Hindi naman isinasaad ni Hesus na ang mga dalubhasa ay walang kwenta o kaya palaging mayayabang, kundi sinasabi lang niya dito na matataas man o mababa ang antas, kung kinikilala ng tao ang Panginoon sa kanilang buhay, maipapahayag sa kanya ang mga bagay na kailangan niyang unawain tungkol sa buhay. Kaya pinuri ni Hesus ang kanyang alagad sapagkat sila’y mapalad dahil sa mga matang nakikita at tengang naririnig. Ito ang pinakabatayan sa pagiging mapalad: ang pagmamasid sa realidad ng buhay at pakikinig sa mensahe ng Panginoon nang may masunuring hakbang. Kaya hilingin natin ngayong Adbiyento na ipaghanda natin ang pagdating ng Panginoon sa pamamagitan ng pagiging matuwid, mapagkumbaba, at masunurin sa kanyang dakilang kalooban.

Reply

Francisco R. Azupardo December 3, 2018 at 8:38 pm

Salamat sa Diyos! Amen!

Reply

Edward Ramirez December 4, 2018 at 7:52 am

Pinupuri ka namin panginoong hesukristo

Reply

Kulot December 4, 2018 at 8:56 am

Pinupuri ka namin panginoong hesukristo.

Reply

Ben J. Balugo Jr. December 4, 2018 at 10:20 am

Pasasalamat at papuri kay Panginoong Diyos Ama s ngalan ng Kanyang bugtong at pinakamamahal na Anak na si Hesus kaisa ng mahal na Diyos Espiritu Santo. Amen.

Reply

PATRICK CU December 4, 2018 at 11:29 am

Salamat sa Diyos! AMEN!

Reply

Aida Ramirez December 4, 2018 at 9:13 pm

Salamat diyos.

Reply

Dolly Sun December 4, 2018 at 10:53 pm

Pinupuri Ka namin Panginoong Hesukristo!

Reply

Melba G. De Asis December 6, 2018 at 8:55 am

Panginoon patawad sa mga pagkakataong hindi ko iminumulat ang aking mga mata at hindi ko dinidinig ang hinaing ng aking kapwang nangangailangan. Nawa’y higit kong hangarin ang gumawa ng mabuti na ikalulugod mo, ang lahat ng ito ay hinihiling sa ngalan ng Panginoong Hesukristo. Salamat Panginoon sa mga biyayang patuloy mong ipinagkakaloob sa amin sa araw araw sa kabila ng aming pagkukulang at mga kahinaan ay hindi Mo kami pinababayaan. For all of these Lord I praise you and I thank you, Amen!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: