Mga Pagbasa – Huwebes, Agosto 23, 2018

by Roxanne Pena on August 23, 2018 · 4 comments

in Tagalog Mass Readings

Paggunita kay Santa Rosa de Lima, dalaga
Huwebes ng Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

Ezekiel 36, 23-28
Salmo 50, 12-13. 14-15. 18-19

Kayo’y aking wiwisikan upang sala’y mahugasan.

Mateo 22, 1-14

UNANG PAGBASA
Ezekiel 36, 23-28

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel

Ito ang sinasabi ng Panginoon: “Ipakikita ko ang kabanalan ng dakila kong pangalan na nalapagtangan sa harap ng mga bansa. Makikilala ng lahat na ako ang Panginoon kung maipakita ko na sa kanila ang aking kabanalan. Titipunin ko kayo mula sa iba’t ibang bansa upang ibalik sa inyong bayan. Wiwisikan ko kayo ng tubig na dalisay upang kayo’y luminis. Aalisin ko rin ang naging mantsa ninyo dahil sa inyong mga diyus-diyusan. Bibigyan ko kayo ng bagong puso at bagong espiritu. Ang masuwayin ninyong puso ay gagawin kong masunurin. Bibigyan ko kayo ng aking Espiritu upang makalakad kayo ayon sa aking mga tuntunin at masunod ninyong mabuti ang aking mga utos. Ititira ko kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyong mga ninuno. Kayo ay magiging bayan ko at ako ang inyong Diyos.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 50, 12-13. 14-15. 18-19

Tugon: Kayo’y aking wiwisikan upang sala’y mahugasan.

Isang pusong tapat sa aki’y likhain,
bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.
Sa iyong harapa’y h’wag akong alisin;
ang Espiritu mo ang papaghariin.

Tugon: Kayo’y aking wiwisikan upang sala’y mahugasan.

Ang galak na dulot ng ‘yong pagliligtas,
ibalik at ako ay gawin mong tapat.
Kung magkagayon na, aking tuturuang
sa iyo lumapit ang makasalanan.

Tugon: Kayo’y aking wiwisikan upang sala’y mahugasan.

Hindi mo na nais ang mga panghandog;
sa haing sinunog di ka nalulugod.
Ang handog ko, O Diyos, na karapat-dapat
ay ang pakumbaba’t pusong mapagtapat.
Tugon: Kayo’y aking wiwisikan upang sala’y mahugasan.

ALELUYA
Salmo 94, 8ab

Aleluya! Aleluya!
Dinggin ninyong lahat ngayon
ang tinig ng Panginoon
sa loob na mahinahon.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 22, 1-14

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon San Mateo

Noong panahong iyon, muling nagsalita sa mga punong saserdote at matatanda ng bayan si Hesus sa pamamagitan ng talinghaga. Sinabi niya, “Ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: naghandog ng isang piging ang isang hari sa kasal ng kanyang anak na lalaki. Sinugo niya ang kanyang mga alipin upang tawagin ang mga inanyayahan mngunit ayaw nilang dumalo. Muli siyang nagsugo ng ibang mga alipin at kanyang pinagbilinan, ‘Sabihin ninyo sa mga inanyayahan na naihanda ko na ang aking piging: napatay na ang aking mga baka at mga pinatabang guya, at handa na ang lahat ng bagay. Halina kayo sa pigin!’ Ngunit hindi ito pinansin ng mga inanyayahan. Humayo sila sa kani-kanilang lakad; ang isa’y sa kanyang bukid at sa kanyang pangangalakal naman ang isa. Sinunggaban naman ng iba ang mga alipin, hinamak at pinatay. Galit na galit ang hari. Pinaparoon niya ang kanyang mga kawal, ipinapuksa ang mga mamamatay-taong iyon at ipinasunog ang kanilang lungsod. sinabi niya sa kanyang mga alipin, ‘Nakahanda na ang piging, ngunit hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan. Kaya’t pumunta kayo sa mga langsangang matao, at inyong anyayahan sa kasalan ang lahat ng makita ninyo.’ Lumabas nga sa mga pangunahing lansangan ang mga alipin at isinama ang lahat ng natagpuan, masasama’t mabubuti, anupat napuno ng mga panauhin ang bulwagang pangkasalan.

“Pumasok ang hari upang tingnan ang mga panauhin, at nakita niya roon ang isang taong hindi nakadamit pangkasalan. ‘Kaibigan, bakit ka pumasok dito nang hindi nakadamit pangkasalan?’ tanong niya. Hindi nakaimik ang tao. Kaya’t sinabi ng hari sa mga katulong, ‘Gapusin ninyo ang kanyang kamay at paa at itapon siya sa kadiliman sa labas. Doo’y mananangis siya at magngangalit ang kanyang ngipin.’ Sapagkat marami ang tinatawag, ngunit kakaunti ang nahihirang.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Previous post:

Next post:

{ 4 comments… read them below or add one }

Shao August 23, 2018 at 12:12 pm

Amen.

Reply

Francisco R. Azupardo August 23, 2018 at 1:07 pm

Salamat sa Diyos! Amen!

Reply

Maria Lourdes August 23, 2018 at 8:26 pm

Pinupuri ka namin Panginoong Hesukristo.

Reply

Celine August 23, 2018 at 9:24 pm

PINUPURI KA NAMIN PANGINOON JESUS KRISTO.

ALLELUIA!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: