Mga Pagbasa – Lunes, Hulyo 9, 2018

by Roxanne Pena on July 9, 2018 · 9 comments

in Tagalog Mass Readings

Lunes ng Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

Oseas 2, 16. 17b-18, 21-22
Salmo 144, 2-3. 4-5. 6-7. 8-9

Pag-ibig ng D’yos ay ganap, sa tanan s’ya’y nahahabag.

Mateo 9, 18-26

UNANG PAGBASA
Oseas 2, 16. 17b-18, 21-22

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Oseas

Ito ang sinasabi ng Panginoon: “Masdan mo, siya’y muli kong susuyuin, dadalhin ko siya sa ilang, kakausapin nang buong giliw. At tutugon naman siya, tulad noong panahon ng kanyang kabataan, nang siya’y kunin ko sa lupain ng Egipto. At sa araw na yaon, ang itatawag mo sa akin ay ‘Aking Asawa,’ at hindi na ‘Aking Baal.’

Ikaw ay magiging aking asawa magpakailanman, Israel;
mabubuklod tayo sa katuwiran at katarungan,
sa matibay na pagmamahalan, at sa kaawaan.
Ikaw ay magiging tapat kong asawa
at makikilala mo ako, ang Panginoon.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 144, 2-3. 4-5. 6-7. 8-9

Tugon: Pag-ibig ng D’yos ay ganap, sa tanan s’ya’y nahahabag.

Pupurihin ko’t pasasalamatan ang Diyos araw-araw,
di ako titigil ng pasasalamat magpakailanman.
Dakila ang Poon, at karapat-dapat na siya’y purihin;
ang kadakilaan niya ay mahirap nating unawain.

Tugon: Pag-ibig ng D’yos ay ganap, sa tanan s’ya’y nahahabag.

Sa alinmang lahi, ang iyong ginawa ay papupurihan,
ihahayag nila ang mga gawa mong makapangyarihan.
Ang karangalan mo at pagkadakila’y ipamamalita,
at isasaysay ko ang mga gawa mo na kahanga-hanga.

Tugon: Pag-ibig ng D’yos ay ganap, sa tanan s’ya’y nahahabag.

Ang mga gawa mong makapangyariha’y ipamamalita;
sa lahat ng tao’y aking sasabihing ikaw ay dakila.
Ihahayag nila ang lahat ng iyong mga kabutihan,
aawitin nila ang kabutihan mo’t iyong kabaitan.

Tugon: Pag-ibig ng D’yos ay ganap, sa tanan s’ya’y nahahabag.

ALELUYA
2 Timoteo 1, 10

Aleluya! Aleluya!
Si Kristo ay nagtagumpay
nalupig ang kamatayan
nagningning ang pagkabuhay.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 9, 18-26

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, samantalang nagsasalita si Hesus, may dumating na isang pinuno ng mga Judio. Lumuhod ito sa harapan niya at ang sabi, “Kamamatay lang po ng aking anak na babae; ngunit sumama lamang kayo sa akin at ipatong ang inyong kamay sa kanya ay mabubuhay siya.” Tumindig si Hesus at sumama sa kanya, gayun din ang kanyang mga alagad.
Sumunod din ang isang babaing may labindalawang taon nang dinudugo. Lumapit ito sa likuran ni Hesus at hinipo ang laylayan ng kanyang damit. Sapagkat sinabi niya sa sarili, “Mahipo ko lang ang kanyang damit ay gagaling na ako.” Bumaling si Hesus at pagkakita sa kanya’y sinabi, “Anak, lakasan mo ang iyong loob! Pinagaling ka ng iyong pananalig.” Noon di’y gumaling ang babae.

Nang dumating si Hesus sa bahay ng pinuno, nakita niya ang mga manunugtog ng plauta at ang maraming taong nagkakaingay. Sinabi niya, “Magsilabas kayo! Hindi patay ang bata; natutulog lang!” At siya’y pinagtawanan nila. Ngunit nang mapalbas na ang mga tao, pumasok siya, hinawakan sa kamay ang bata at ito’y nagbangon. At ang balita tungkol sa pangyayaring ito ay kumalat sa buong lupaing iyon.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Previous post:

Next post:

{ 9 comments… read them below or add one }

Fred Duaso Monares July 9, 2018 at 6:32 am

Praise to You O Lord Jesus Christ for our daily Bread.

Reply

Kulot July 9, 2018 at 7:53 am

Pinupuri ka namin panginoong hesukristo

Reply

Shao July 9, 2018 at 10:22 am

Amen.

Reply

Archie Bauzon July 9, 2018 at 11:31 am

Amen.

Reply

Maria Lourdes July 9, 2018 at 11:58 am

Pinupuri ka namin Panginoong Hesukristo.

Reply

Francisco R. Azupardo July 9, 2018 at 7:41 pm

Salamat sa Diyos! Amen!

Reply

ANGELA CATINDIG July 9, 2018 at 9:20 pm

Pinupuri ka Namin Panginoong Hesukristo

Amen.,

Reply

Rachel Dela Cruz July 10, 2018 at 12:07 am

Pinupuri ka namin,Panginoong HesuKristo

Reply

Patrick Cu July 13, 2018 at 3:07 am

Salamat sa Diyos! pinupuri ka namin Panginoong Hesu Kristo

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: