Mga Pagbasa – Sabado, Hunyo 16, 2018

by Roxanne Pena on June 16, 2018 · 5 comments

in Tagalog Mass Readings

Sabado ng Ika-10 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

1 Hari 19, 19-21
Salmo 15, 1-2a at 5. 7-8. 9-10

D’yos ko, aking kapalara’y manahin ang iyong buhay.

Mateo 5, 33-37

UNANG PAGBASA
1 Hari 19, 19-21

Pagbasa mula sa unang aklat ng mga Hari

Noong mga araw na iyon, umalis si Elias mula sa bundok at natagpuan niya si Eliseo na nag-aararo. Labindalawang pares ng toro ang ginagamit niya, at kaagapay siya ng huling pares. Pagdaan ni Elias sa tapat ni Eliseo, isinuklob niya rito ang kanyang balabal. Pagdaka’y iniwan ni Eliseo ang mga toro, humabol kay Elias at nakiusap: “Magpapaalam po muna ako sa aking ama’t ina, at pagkatapos ay sasama na ako sa inyo.”

Sumagot naman si Elias: “Sige, umuwi ka muna.”

Umuwi nga si Eliseo. Nagpatay siya na isang pares na toro at iniluto. Ginamit niyang panggatong ang mga pamatok at mga araro. Ipinakain niya ito sa mga tao, at sumunod kay Elias at naging katulong nito.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 15, 1-2a at 5. 7-8. 9-10. 11

Tugon: D’yos ko, aking kapalara’y manahin ang iyong buhay.

O Diyos, ako’y ingatan mo, ingatan ang iyong lingkod,
ang hangad ko ay maligtas kaya sa ‘yo dumudulog;
“Ika’y aking Panginoon,” ang wika ko sa aking Diyos,
“Kabutihang tinanggap ko, ay ikaw ang nagkaloob.”
Ikaw lamang, O Poon ko, ang lahat sa aking buhay,
ako’y iyong tinutugon sa lahat kong kailangan.

Tugon: D’yos ko, aking kapalara’y manahin ang iyong buhay.

Pinupuri ko ang Poon na sa akin ay patnubay.
Kahit gabi diwa niya ang sa aki’y umaakay.
Nababatid ko na siya’y kasama ko oras-oras.
Sa piling n’ya kailanma’y hindi ako matitinag.

Tugon: D’yos ko, aking kapalara’y manahin ang iyong buhay.

Kaya’t ako’y nagdiriwang, ang diwa ko’y nagagalak.
Ang lagi kong nadarama’y hindi ako matitinag.
Pagkat di mo tutulutang ang mahal mo ay malagak,
sa balon ng mga patay upang doon ay maagnas.

Tugon: D’yos ko, aking kapalara’y manahin ang iyong buhay.

Ituturo mo ang landas na buhay ang hahantungan,
sa piling mo’y madarama ang lubos na kagalakan;
Ang tulong mo’y nagdudulot ng ligayang walang hanggan.

Tugon: D’yos ko, aking kapalara’y manahin ang iyong buhay.

ALELUYA
Salmo 118, 36. 29b

Aleluya! Aleluya!
Sa salita mo akitin
ang puso ko at loobin
nang ikaw ay aking sundin.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 5, 33-37

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Narinig ninyo na noong una’y inutos sa mga tao, ‘Huwag kang papatay; ang sinumang makamatay ay mananagot sa hukuman.’ Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo: ang mapoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa hukuman; ang humamak sa kanyang kapatid ay mananagot sa Sanedrin, at sinumang magsabi sa kanyang kapatid ‘ulol ka!’ ay mapapasaapoy ng impiyero. Kaya’t kung naghahandog ka sa Diyos, at maalaala mo na may sama ng loob sa iyo ang kapatid mo, iwan mo muna ang iyong handog sa harap ng dambana at makipagkasundo ka sa kanya. Saka ka magbalik at maghandog sa Diyos.

“Kung may magsakdal laban sa iyo sa hukuman, makipag-ayos ka sa kanya habang may panahon, bago ka niya iharap sa hukom. At kung hindi’y ibibigay ka niya sa hukom, na magbibigay naman sa iyo ng tanod, at ikaw ay mabibilanggo. Sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas doon hangga’t hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang kusing.”

“Narinig ninyo na noong una’y iniutos sa mga tao, ‘Huwag kang makikiapid.’ Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo: ang sinumang tumingin nang may mahalay na pagnanasa sa isang babae, sa isip niya’y nakiapid na siya sa babaing iyon. Kung ang mata mo ang siyang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukutin mo at itapon! Sapagkat mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng katawan kaysa buo ang iyong katawang itapon sa impiyerno. Kung ang iyong kamay ang siyang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo at itapon! Mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng katawan kaysa buo ang iyong katawang itapon sa impiyerno.

“Sinabi rin naman, ‘Kapag pinahiwalay ng lalaki ang kanyang asawa, ito’y dapat niyang bigyan ng kasulatan ng paghihiwalay.’ Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo: kapag pinahiwalay ng isang lalaki ang kanyang asawa nang hindi naman ito nangangalunya, at ito’y nag-asawang muli, ang lalaking iyo’y nagkasala – itinulak niya ang kanyang asawa sa pangangalunya. At sinumang mag-asawa sa babaing hiniwalayan ay nangangalunya.”

“Narinig pa ninyo na noong una’y iniutos sa mga tao, ‘Huwag kang sisita sa iyong pinanumpaang pangaka bagkus ay tupdin mo ang iyong sinumpaan sa Panginoon.’ Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo: huwag na kayong sumumpa kung nangangako kayo. Huwag ninyong sabihing, ‘Saksi ko ang langit,’ sapagkat ito’y trono ng Diyos; o kaya’y ‘Saksi ko ang lupa,’ sapagkat ito’y tuntungan ng kanyang mga paa. Huwag din ninyong sabihing, ‘Saksi ko ang Jerusalem,’ sapagkat ito’y lungsod ng dakilang Hari. Ni huwag mong sabihing, ‘Mamatay man ako,’ sapagkat ni isang buhok sa iyong ulo’y hindi mo mapapuputi o mapaiitim. Sabihin mo na lang na ‘Oo’ kung oo at ‘Hindi’ kung hindi; sapagkat buhat na sa masama ang anumang sumpang idaragdag dito.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Previous post:

Next post:

{ 5 comments… read them below or add one }

Marse Gozum June 15, 2018 at 3:44 pm

Nakadugtong yung ngayon sa para bukas. Thank you anyway mga kapatid

Reply

Archie June 16, 2018 at 7:53 am

Amen!

Reply

Maria Lourdes June 16, 2018 at 6:18 pm

Pinupuri ka namin Panginoong Hesukristo.

Reply

Francisco R. Azupardo June 16, 2018 at 8:18 pm

Salamat sa Diyos! Amen!

Reply

Patrick Cu June 20, 2018 at 6:07 pm

Salamat sa Diyos! AMEN!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: