Mga Pagbasa – Lunes, Mayo 28, 2018

by Roxanne Pena on May 28, 2018 · 7 comments

in Tagalog Mass Readings

Lunes ng Ika-8 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

1 Pedro 1, 3-9
Salmo 110, 1-2. 5-6. 9 at 10k

Pangako ng Poon nati’y lagi nating gunitain.

Marcos 10, 17-27

UNANG PAGBASA
1 Pedro 1, 3-9

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pedro

Purihin natin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Hesukristo. Dahil sa laki ng habag niya sa atin, tayo’y isinilang sa isang panibagong buhay sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Hesukristo. Ang bagong buhay na iyan ang nagbigay sa atin ng malaking pag-asa na kakamtan natin ang isang kayamanang walang kapintasan, di masisira, at di kukupas. Ang kayamanang iya’y nakalaan sa inyo doon sa langit. Sapagkat kayo’y sumampalataya, iingatan kayo ng kapangyarihan ng Diyos samantalang hinihintay ninyo ang kaligtasang nakalaang ihayag sa katapusan ng mga panahon.

Ito’y dapat ninyong ikagalak, bagamat maaaring magdanas muna kayo ng iba’t ibang pagsubok sa loob ng maikling panahon. Ang ginto, na nasisira, ay pinararaan sa apoy upang malaman kung talagang dalisay. Gayun din naman, ang inyong pananampalataya, na higit kaysa ginto, ay pinararaan sa pagsubok upang malaman kung talagang tapat. Sa gayun, kayo’y papurihan, dadakilain, at pararangalan sa Araw na mahayag si Hesukristo. Hindi ninyo siya nakita kailanman, ngunit nananalig na kayo sa kanya. Dahil dito’y nag-uumapaw na sa inyong puso ang kagalakang di kayang ilarawan sa salita. Sapagkat inaani na ninyo ang bunga ng inyong pananampalataya – ang inyong kaligtasan.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 110, 1-2. 5-6. 9 at 10k

Tugon: Pangako ng Poon nati’y lagi nating gunitain.

Buong puso siyang pasasalamatan,
aking pupurihin sa gitna ng bayan
kasama ng mga lingkod na hinirang.
Napakadakila ang gawa ng Diyos,
pinananabikan ng lahat ng lingkod.

Tugon: Pangako ng Poon nati’y lagi nating gunitain.

Sa may pagkatakot pagkai’y sagana;
pangako ng Poon ay hindi nasisira.
Ipinadama n’ya sa mga hinirang,
ang kapangyarihan niyang tinataglay,
nang ibigay niya lupa ng dayuhan.

Tugon: Pangako ng Poon nati’y lagi nating gunitain.

Kaligtasa’y dulot sa mga hinirang,
may ipinangakong walang hanggang tipan;
banal at dakila ang kanyang pangalan;
at pupurihin pa magpakailanman.

Tugon: Pangako ng Poon nati’y lagi nating gunitain.

ALELUYA
2 Corinto 8, 9

Aleluya! Aleluya!
Si Kristo ay naging dukha
upang tayo’y managana
sa bigay n’yang pagpapala.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 10, 17-27

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, nang paalis na si Hesus ay may isang lalaking patakbong lumapit, lumuhod sa harapan niya at nagtanong, “Mabuting Guro, ano po ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” Sumagot si Hesus, “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos. Alam mo ang mga utos: ‘Huwag kang papatay; huwag kang mangangalunya; huwag kang magnanakaw; huwag kang magsisinungaling sa iyong pagsaksi; huwag kang magdadaya; igalang mo ang iyong ama’t ina.’” “Guro,” sabi ng lalaki, “ang lahat po ng iya’y tinutupad ko na mula pa sa aking pagkabata.” Magiliw siyang tiningnan ni Hesus, at sinabi sa kanya, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Humayo ka, ipagbili mo ang iyong ari-arian at ipamigay sa mga dukha ang pinagbilhan, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin.” Namanglaw ang lalaki nang marinig ito, at malungkot na umalis, sapagkat siya’y napakayaman.

Tiningnan ni Hesus ang mga nasa paligid niya at sinabi sa kanyang mga alagad, “Napakahirap mapabilang ang mayayaman sa mga pinaghaharian ng Diyos.” Nagtaka ang mga alagad sa pananalitang ito. Muling sinabi ni Hesus, “Mga anak, talagang napakahirap mapabilang sa mga pinaghaharian ng Diyos! Madali pang makaraan ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa pasakop sa paghahari ng Diyos ang isang mayaman.” Lalong nagtaka ang mga alagad, kaya’t sila’y nagtanungan, “Kung gayo’y sino ang maliligtas?” Tinitigan sila ni Hesus at sinabi sa kanila, “Hindi ito magagawa ng tao, ngunit hindi ito mahirap sa Diyos. Magagawa ng Diyos ang lahat ng bagay.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Previous post:

Next post:

{ 7 comments… read them below or add one }

Maggie Enta May 25, 2018 at 9:59 pm

Pls include antiphons. You are doing a great service to the Lord. Shalom.

Reply

Adelaida R.Alvarez May 28, 2018 at 4:40 am

Pinuuri ka nmin Panginoon Hesukristo

Reply

Maria Lourdes May 28, 2018 at 11:55 am

Pinupuri ka namin Panginoong Hesukristo.

Reply

Catherine Fortes May 28, 2018 at 3:43 pm

Pinupuri ka namin Panginoong Hesukristo

Reply

Francisco R. Azupardo May 28, 2018 at 9:02 pm

Salamat sa Diyos! Amen!

Reply

Rachel Dela Cruz May 28, 2018 at 11:40 pm

Pinupuri ka namin,Panginoong HesuKristo

Reply

Patrick Cu May 29, 2018 at 3:40 am

Salamat sa Diyos! AMEN!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: