MGA PAGBASA – LINGGO, MAYO 20, 2018

by Roxanne Pena on May 20, 2018 · 9 comments

in Tagalog Mass Readings

Linggo ng Pentekostes

Mga Gawa 2, 1-11
Salmo 103, 1ab at 24ak. 29bk-30. 31 at 34

Espiritu mo’y suguin, Poon, tana’y ‘yong baguhin.

1 Corinto 12, 3b-7. 12-13
Juan 20, 19-23

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 2, 1-11

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Nang sumapit ang araw ng Pentekostes, nagkatipon silang lahat sa isang lugar. At biglang narinig ang isang ugong mula sa langit, animo’y hagunot ng malakas na hangin, at napuno nito ang bahay na kinaroroonan nila. May nakita silang wari’y mga dilang apoy na lumapag sa bawat isa sa kanila. At silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at nagsalita ng iba’t ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu. May mga Judiong buhat sa iba’t-ibang bansa, na naninirahan noon sa Jerusalem, mga taong palasamba sa Diyos. Nang marinig ang ugong na ito, nagdatingan ang maraming tao. Namangha sila sapagkat sinasalita ng mga alagad ang mga wika nila. Sa kanilang pagtataka ay kanilang nasabi, “Hindi ba Galileo silang lahat? Bakit ang atin-ating katutubong wika ang naririnig natin sa kanila? Tayo’y mga taga-Partia, mga taga-Media, mga taga-Elam; mga naninirahan sa Mesopotamia, sa Judea at sa Capadocia sa Ponto, at sa Asia. Mayroon pa sa ating taga-Frigia at Panfilia, Egipto at sa mga saklaw ng Libia na sakop ng Cirene, at mga nakikipanirahan mula sa Roma, maging mga Judio at mga naakit sa Judaismo. May mga taga-Creta at Arabia pa rito. Paano sila nakapagsasalita sa ating-ating wika tungkol sa mga kahanga-hangang gawa ng Diyos.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 103, 1ab at 24ak. 29bk-30. 31 at 34

Tugon: Espiritu mo’y suguin, Poon, tana’y ‘yong baguhin.

Pinupuri ka Poong Diyos nitong aking kaluluwa,
O Panginoong Diyos, kay dakila mong talaga!
Sa daigdig ikaw roon, kay raming iyong likha.
Sa daming nilikha mo’y nalaganapan ang lupa.

Tugon: Espiritu mo’y suguin, Poon, tana’y ‘yong baguhin.

Natatakot mangamatay kung kitlin mo ang hininga;
Mauuwi sa alabok, pagkat doon mula sila.
Taglay mo ang Espiritu upang buhay ay ibalik,
bagumbuhay ay dulot mo sa nilikha sa daigdig.

Tugon: Espiritu mo’y suguin, Poon, tana’y ‘yong baguhin.

Sana ang ‘yong karangala’y manatili kailanman,
sa lahat ng iyong likha ang madama’y kagalakan.
Ang awit ng aking puso sana naman ay kalugdan,
habang aking inaawit ang papuri sa Maykapal.

Tugon: Espiritu mo’y suguin, Poon, tana’y ‘yong baguhin.

IKALAWANG PAGBASA
1 Corinto 12, 3b-7. 12-13

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid:
Hindi masasabi ninuman, “Panginoon si Hesus,” kung hindi siya pinapatnubayan ng Espiritu Santo.

Iba’t iba ang kaloob, ngunit iisa lamang ang Espiritung nagkakaloob ng mga ito. Iba’t iba ang paraan ng paglilingkod, ngunit iisa lamang ang Panginoong pinaglilingkuran. Iba’t iba ang mga gawain ngunit iisa lamang ang Diyos na sumasalahat at ng taong gumagawa ng mga iyon. Ang bawat isa’y binigyan ng kaloob na naghahayag na sumasakanya ang Espiritu, para sa ikabubuti ng lahat.

Sapagkat si Kristo’y tulad ng isang katawan na may maraming bahagi; bagamat binubuo ng iba’t ibang bahagi, iisa pa ring katawan. Tayong lahat, maging Judio o Griego, alipin man o malaya, ay bininyagan sa iisang Espiritu upang maging isang katawan. Tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu.

Ang Salita ng Diyos.

AWIT TUNGKOL SA MABUTING BALITA

Halina, Espiritu,
sa sinag buhat sa ‘yo
kami’y liwanagan mo.
Ama ng maralita,
dulot mo’y pagpapala
upang kami’y magkusa.
Kaibiga’t patnubay,
sa amin mananahan
ang tamis ng ‘yong buhay.
Ginhawang ninanais,
lilim namin sa init,
kapiling bawat saglit.
Lubhang banal na ilaw,
kami’y iyong silayan
ngayon at araw-araw.
Kapag di ka nanahan
ay walang kaganapan
ang buhay nami’t dangal.
Marumi’y palinisin,
lanta’y panariwain,
sakit nami’y gamutin.
Kami’y gawing matapat,
sa pag-ibig mag-alab,
lagi sa tamang landas.
Tugunin aming luhog,
kami’y bigyang malugod
ng ‘yong pitong kaloob.
Gantimpala’y ibigay,
sa hantungan ng buhay
ligayang walang hanggan.

ALELUYA

Aleluya! Aleluya!
Espiritung aming Tanglaw,
kami’y iyong liwanagan
sa ningas ng pagmamahal.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 20, 19-23

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Kinagabihan ng Linggo ding iyon, ang mga alagad ay nagkakatipon. Nakapinid ang mga pinto ng bahay na kanilang pinagtitipunan dahil sa takot nila sa mga Judio. Dumating si Hesus at tumayo sa gitna nila. “Sumainyo ang kapayapaan!” sabi niya. Pagkasabi nito, ipinakita niya ang kanyang mga kamay at ang kanyang tagiliran. Tuwang-tuwa ang mga alagad nang makita ang Panginoon. Sinabi na naman ni Hesus, “Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong sinugo ako ng Ama, gayun din naman, sinusugo ko kayo.” Pagkatapos, sila’y hiningahan niya at sinabi, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. Ang patawarin ninyo sa kanilang mga kasalanan ay pinatawag na nga; ang hindi ninyo patawarin ay hindi nga pinatawad.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Previous post:

Next post:

{ 9 comments… read them below or add one }

alex garcia May 19, 2018 at 4:23 pm

Pinupuri ka namin Panginoong Hesukristo .

Reply

Angeline Morales May 19, 2018 at 4:46 pm

Nakapag-advance reading na po ako. Salamat sa Diyos! Amen!

Reply

Maria Lourdes May 19, 2018 at 6:35 pm

Pinupuri ka namin Panginoong Hesukristo.

Reply

Adora L. Tongohan May 20, 2018 at 4:02 am

Pinupri ka namin Panginoon Hesikristo

Reply

Adelaida R.Alvarez May 20, 2018 at 4:33 am

Pinupuri ka nmin Panginoon Hesukristo…

Reply

Shao May 20, 2018 at 4:47 am

Amen.

Reply

Lilian M.Saltore May 20, 2018 at 7:01 am

Pinupuri ka namin Panginoong Hesu-Kristo.

Reply

Francisco R. Azupardo May 20, 2018 at 8:19 pm

Salamat sa Diyos! Amen!

Reply

Patrick Cu May 21, 2018 at 1:18 am

Salamat sa iyo Panginoon, kay buti niyo po! AMEN!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: