MGA PAGBASA – HUWEBES, MAYO 17, 2018

by Roxanne Pena on May 17, 2018 · 9 comments

in Tagalog Mass Readings

Huwebes sa Ika-7 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Mga Gawa 22, 30; 23, 6-11
Salmo 15, 1-2a at 5. 7-8. 9-10. 11

D’yos ako, ang aking dalangi’y ako’y iyong tangkilikin.

Juan 17, 20-26

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 22, 30; 23, 6-11

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Noong mga araw na iyon, ibig matiyak ng pinuno kung ano nga ang sakdal ng mga Judio laban kay Pablo, kaya’t pinagpulong niya kinabukasan ang mga punong saserdote at ang buong Sanedrin, saka kinalagan si Pablo, ipinanaog at iniharap sa kanila.

Alam ni Pablo na doo’y may mga Saduseo at Pariseo, kaya’t sinabi niya nang malakas, “Mga kapatid, ako’y Pariseo, anak ng mga Pariseo. Dahil sa pag-asa kong muling mabubuhay ang mga patay ako’y nililitis ngayon.” Matapos itong sabihin ni Pablo, nagtalu-talo ang mga Pariseo at ang mga Saduseo, at nahati ang kapulungan. Sapagkat ang sabi ng mga Saduseo, hindi muling mabubuhay ang mga patay at walang anghel o espiritu, subalit ang mga Pariseo nama’y naniniwala sa lahat ng ito. At lumakas ang kanilang sigawan. Tumindig ang ilan sa mga eskribang kapanig ng mga Pariseo at malakas na tumutol. “Wala kaming makitang pagkakasala ng taong ito. Ano kung may isang espiritu o isang anghel na nagsalita sa kanya?”

At nang maging mainitan na ang kanilang pagtatalo, natakot ang pinuno na baka lurayin nila si Pablo, kaya’t pinapanaog niya ang mga kawal, ipinakuha si Pablo at ipinapasok sa kuta.

Kinagabihan, tumayo ang Panginoon sa tabi ni Pablo at sinabi sa kanya, “Lakasan mo ang iyong loob! Nagpatotoo ka tungkol sa akin dito sa Jerusalem: ganyan din ang gawin mo sa Roma.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 15, 1-2a at 5. 7-8. 9-10. 11

Tugon: D’yos ko, ang aking dalangi’y ako’y iyong tangkilikin.

O Diyos, ako’y ingatan mo, ingatan ang iyong lingkod,
ang hangad ko ay maligtas kaya sa ‘yo dumudulog;
“Ika’y aking Panginoon,” ang wika ko sa aking Diyos,
“Kabutihang tinanggap ko, ay ikaw ang nagkaloob.”
Ikaw lamang, O Poon ko, ang lahat sa aking buhay,
ako’y iyong tinutugon sa lahat kong kailangan.

Tugon: D’yos ko, ang aking dalangi’y ako’y iyong tangkilikin.
Pinupuri ko ang Poon na sa akin ay patnubay.
Kahit gabi diwa niya ang sa aki’y umaakay.
Nababatid ko na siya’y kasama ko oras-oras.
Sa piling n’ya kailanma’y hindi ako matitinag.

Tugon: D’yos ko, ang aking dalangi’y ako’y iyong tangkilikin.

Kaya’t ako’y nagdiriwang, ang diwa ko’y nagagalak.
Ang lagi kong nadarama’y hindi ako matitinag.
Pagkat di mo tutulutang ang mahal mo ay malagak,
sa balon ng mga patay upang doon ay maagnas.

Tugon: D’yos ko, ang aking dalangi’y ako’y iyong tangkilikin.

Ituturo mo ang landas na buhay ang hahantungan,
sa piling mo’y madarama ang lubos na kagalakan;
Ang tulong mo’y nagdudulot ng ligayang walang hanggan.

Tugon: D’yos ko, ang aking dalangi’y ako’y iyong tangkilikin.

ALELUYA
Juan 17, 21

Aleluya! Aleluya!
Lahat nawa’y magkaisa
kay Kristo at sa D’yos Ama
nang tana’y sumampalataya.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 17, 20-26

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, tumingala si Hesus at nanalangin, “Amang banal, hindi lamang ang aking mga alagad ang idinadalangin ko, kundi pati ang mga mananalig sa akin dahil sa kanilang pahayag. Maging isa nawa silang lahat, Ama. Kung paanong ikaw ay nasa akin at ako’y nasa iyo, gayun din naman, maging isa sila sa atin upang maniwala ang sanlibutan na ikaw ang nagsugo sa akin. Ang karangalang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila upang sila’y ganap na maging isa, gaya nating iisa: ako’y nasa kanila at ikaw ay nasa akin, upang lubusan silang maging isa. At sa gayon, makikilala ng sanlibutan na sinugo mo ako, at sila’y iniibig mo katulad ng pag-ibig mo sa akin.

“Ama, nais kong makasama sa aking kinaroroonan ang mga ibinigay mo sa akin, upang mamasdan nila ang karangalang bigay mo sa akin, sapagkat inibig mo na ako bago pa nilikha ang sanlibutan. Makatarunggang Ama, hindi ka nakikilala ng sanlibutan, ngunit nakikilala kita; at nalalaman ng mga ibinigay mo sa akin na ikaw ang nagsugo sa akin. Ipinakilala kita sa kanila, at ipakikilala pa, upang ang pag-ibig mo sa akin ay sumapuso nila at ako naman’y sumakanila.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Previous post:

Next post:

{ 9 comments… read them below or add one }

Shao May 17, 2018 at 12:24 am

Amen.

Reply

Adelaida R.Alvarez May 17, 2018 at 6:46 am

Pinupuri ka nmin Panginoon Hesukristo…

Reply

Catherine Fortes May 17, 2018 at 10:17 am

Pinupuri ka namin Panginoong Hesukristo.

Reply

Merlin recto May 17, 2018 at 10:18 am

Papuri sa iyo panginoong hesukristo

Reply

alex garcia May 17, 2018 at 3:57 pm

Lubos na papuri at pasasalamat sa iyo mahal naming Guro , Kaibigan , Hari at tagapagligtas naming Panginoong Hesukristo .

Reply

Maria Lourdes May 17, 2018 at 6:19 pm

Pinupuri ka namin Panginoong Hesukristo.

Reply

Francisco R. Azupardo May 17, 2018 at 9:23 pm

Salamat sa Diyos! Amen!

Reply

Rachel Dela Cruz May 17, 2018 at 11:32 pm

Pinupuri ka namin,Panginoong HesuKristo

Reply

Patrick Cu May 18, 2018 at 4:04 am

Salamat sa Diyos! AMEN!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: