Mga Pagbasa – Lunes, Abril 23, 2018

by Roxanne Pena on April 23, 2018 · 8 comments

in Tagalog Mass Readings

Lunes sa Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Mga Gawa 11, 1-18
Salmo 41, 2. 3; Salmo 42, 3. 4

Aking kinasasabikan ang Diyos na nabubuhay.

Juan 10, 1-10

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 11, 1-18

Pagbasa mula sa mga Gawa ng mga Apostol

Noong mga araw na iyon, nabalitaan ng mga apostol at ng mga Hentil ang salita ng Diyos. Kaya’t nang umahon si Pedro sa Jerusalem, siya’y pinuna ng mga kapatid na Judio. “Nakituloy ka sa mga Hentil, at nakisalo sa kanila!” sabi nila. Kaya’t isinaysay sa kanila ni Pedro ang buong pangyayari, buhat sa pasimula:

“Nasa lungsod ako ng Jope at nananalangin nang magkaroon ako ng pangitain. Mula sa langit ay inihugos sa kinaroroonan ko ang isang tila malaking kumot na nakabitin sa apat na panulukan. Pinagmasdan ko itong mabuti at nakita ko roon ang lahat ng uri ng hayop: lumalakad at gumagapang sa lupa, pati maiilap, at mga lumilipad sa himpapawid. At narinig ko ang isang tinig na nagsabi, ‘Tumindig ka, Pedro. Magpatay ka’t kumain!’ Subalit sinabi ko, ‘Hinding-hindi ko po magagawa iyon, Panginoon. Hindi ako kumakain ng anumang bagay na itinuturing na marumi o di karapat-dapat.’ Muli kong narinig ang tinig mula sa langit, ‘Huwag mong ituring na marumi ang mga nilinis ng Diyos!’ Tatlong ulit na nangyari ito at pagkatapos ay binatak na pataas sa langit ang bagay na iyon. Nang sandali ring iyon, dumating sa bahay na tinutuluyan ko ang tatlong lalaking sinugo sa akin buhat sa Cesarea. Sinabi sa akin ng Espiritu na huwag akong mag-atubiling sumama sa kanila. Sumama rin sa akin ang anim na kapatid na ito at pumasok kami sa bahay ni Cornelio. Isinalaysay niya sa amin na nakakita siya ng isang anghel na nakatayo sa loob ng kanyang bahay, at sinabi sa kanya, ‘Magpasugo ka sa Jope at ipasundo mo si Simon na tinatawag ding Pedro. Sasabihin niya sa iyo ang tungkol sa ikaliligtas mo at ng iyong sambahayan.’ Nagsisimula pa lamang akong magsalita ay bumaba na sa kanila ang Espiritu Santo gaya ng pagkababa nito sa atin noong una. At naalaala ko ang sinabi ng Panginoon, ‘Si Juan ay nagbibinyag sa tubig, ngunit bibinyagan kayo sa Espiritu Santo.’ Kung binigyan sila ng Diyos ng kaloob na tulad ng ibinigay niya sa atin nang manalig tayo sa Panginoong Hesukristo, sino akong hahadlang sa Diyos?” Nang marinig nila ito, tumigil na sila ng pagpuna, at sa halip ay nagpuri sa Diyos. “Kung gayun,” sabi nila, “ang mga Hentil ma’y binigyan din ng pagkakataong magsisi’t magbagong-buhay upang maligtas!”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 41, 2. 3; Salmo 42, 3. 4

Tugon: Aking kinasasabikan ang Diyos na nabubuhay.

Kung paanong yaong batis ang hanap ng isang usa;
gayun hinahanap ang Diyos ng uhaw kong kaluluwa.

Tugon: Aking kinasasabikan ang Diyos na nabubuhay.

Nananabik ako sa Diyos, Diyos na buhay, walang iba;
kailan kaya maaaring sa harap mo ay sumamba?

Tugon: Aking kinasasabikan ang Diyos na nabubuhay.

Ang totoo’t ang liwanag, buhat sa ‘yo ay pakamtan,
upang sa Sion ay mabalik, sa bundok mong dakong banal
sa bundok mong pinagpala, at sa templo mong tirahan.

Tugon: Aking kinasasabikan ang Diyos na nabubuhay.

Sa dambana mo, O Diyos, ako naman dudulog,
yamang galak at ligaya ang sa aki’y iyong dulot;
sa saliw ng aking alpa’y magpupuri akong lubos
buong lugod na aawit ako sa Diyos, na aking Diyos!

Tugon: Aking kinasasabikan ang Diyos na nabubuhay.

ALELUYA
Juan 10, 14

Aleluya! Aleluya!
Ako’y pastol na butihin
kilala ko’ng tupang akin;
ako’y kilala nila rin.

MABUTING BALITA
Juan 10, 1-10

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus, “Tandaan ninyo ito: ang pumasok sa kulungan ng mga tupa nang hindi sa pinto nagdaraan, ay magnanakaw at tulisan. Ngunit ang nagdaraan sa pintuan ay siyang pastol ng mga tupa. Pinapapasok siya ng bantay-pinto, at pinakikinggan ng mga tupa ang kanyang tinig. Tinatawag niya ang kanyang mga tupa sa kani-kanilang pangalan, at inilalabas sa kulungan. Kapag nailabas na, siya’y nangunguna sa kanila at sumusunod naman ang mga tupa sapagkat nakikilala nila ang kanyang tinig. Hindi sila sumusunod sa iba, bagkus pa nga’y patakbong lumalayo, sapagkat hindi nila nakikilala ang kanyang tinig.”

Sinabi ni Hesus ang talinghagang ito, ngunit hindi nila nakikilala ang kanyang tinig.”

Kaya’t muling sinabi ni Hesus, “Tandaan ninyo: ako ang pintuang dinaraanan ng mga tupa. Ang mga nauna sa akin ay mga magnanakaw at mga tulisan, ngunit hindi sila pinakinggan ng mga tupa. Ako ang pintuan. Ang sinumang pumapasok sa pamamagitan ko’y maliligtas. Papasok siya’t lalabas, at makatatagpo ng pastulan. Kaya lamang pupunta rito ang magnanakaw ay upang magnakaw, pumatay, at magwasak. Naparito ako upang ang mga tupa’y magkaroon ng buhay – isang buhay na ganap at kasiya-siya.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Previous post:

Next post:

{ 8 comments… read them below or add one }

Adelaida R.Alvarez April 23, 2018 at 3:17 am

Pinupuri ka nmin Panginoon Hesukristo.

Reply

Sally Bernardino April 23, 2018 at 6:32 am

Praise To You Lord Jesus Christ…Amen.

Reply

Shao April 23, 2018 at 10:27 am

Amen.

Reply

merlin recto April 23, 2018 at 11:19 am

pinupuri ka namin panginoong hesukristo

Reply

Maria Lourdes April 23, 2018 at 12:17 pm

Pinupuri ka namin Panginoong Hesukristo.

Reply

Tina April 23, 2018 at 12:28 pm

Praise to you oh Lord

Reply

Francisco R. Azupardo April 23, 2018 at 7:46 pm

Pinupuri ka namin Panginoon Hesukristo! Amen!

Reply

Patrick Cu April 24, 2018 at 7:28 am

Kay buti niyo po Panginoon, marapat na kayo ay dakilain at pasalamatan nang sanlibutan AMEN!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: