Mga Pagbasa – Sabado, Abril 21, 2018

by Roxanne Pena on April 21, 2018 · 5 comments

in Tagalog Mass Readings

Sabado sa Ika-3 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Mga Gawa 9, 31-42
Salmo 115, 12-13. 14-15. 16-17

Sa lahat ng ‘yong kaloob ano’ng aking ihahandog?

Juan 6, 60-69

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 9, 31-42

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Noong mga araw na iyon, naging matiwasay ang Simbahan sa buong Judea, Galilea at Samaria. Ito’y tumatag at lumaganap sa tulong ng Espiritu Santo at namuhay na may pagkatakot sa Panginoon.

Naglalakbay noon si Pedro upang dumalaw sa mga kapatid sa pananampalataya. Sa pagdalaw niya sa mga kapatid sa Lida, natagpuan niya roon ang isang lalaking nagngangalang Eneas. Ito’y paralitiko at walong taon nang nararatay. “Eneas,” ani Pedro, “pinagaling ka ni Hesukristo. Tumindig ka’t ayusin mo ang iyong higaan!” At tumindig siya agad. Nakita siya ng lahat ng naninirahan sa Lida at Saron, at nanampalataya sila sa Panginoon.

Sa Jope naman, may isang alagad na babae, ang pangala’y Tabita. Sa Griego, ang kanyang pangalan kay Dorcas, na ang ibig sabihi’y usa. Ginugugol niya ang kanyang panahon sa paggawa ng mabuti at pagkakawanggawa. Nang mga araw na iyon, siya’y nagkasakit at namatay. Nang mapunasan na ang bangkay, ito’y ibinurol sa silid sa itaas. Di kalayuan sa Jope ang Lida. Nang mabalitaan ng mga alagad na naroon si Pedro, inutusan nila ang dalawang lalaki upang siya’y pakiusapang pumunta agad sa Jope. Sumama naman sa kanila si Pedro. Pagdating doon, dinala siya sa silid sa itaas. Agad lumapit sa kanya ang mga babaing balo na nananangis at ipinakikita ang mga balabal at mga damit na ginawa ni Dorcas noong ito’y nabubuhay pa. Pinalabas ni Pedro ang lahat; siya’y lumuhod at nanalangin. Pagkatapos, humarap siya sa bangkay at sinabi, “Tabita, bumangon ka!” Dumilat si Tabita at naupo nang makita si Pedro. Hinawakan ni Pedro ang kanyang kamay at tinulungan siyang tumindig. Pagkatapos, tinawag niya ang mga banal at ang mga babaing balo at iniharap sa kanila si Dorcas na buhay na. Nabalita ito sa buong Jope, kaya’t marami ang sumampalataya sa Panginoon.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 115, 12-13. 14-15. 16-17

Tugon: Sa lahat ng ‘yong kaloob ano’ng aking ihahandog?

Sa Diyos ko’t Panginoon, ano’ng aking ihahandog
sa lahat ng kabutihan na sa akin ay kaloob?
Ang handog ko sa dambana, ay inumin na masarap,
bilang aking pagkilala sa ginawang pagliligtas.

Tugon: Sa lahat ng ‘yong kaloob ano’ng aking ihahandog?

Sa tuwinang magtitipon ang lahat ng kanyang hirang,
ang anumang pangako ko, ay doon ko ibibigay.
Masakit sa kalooban ng Poon kung may papanaw,
kahit ito ay iisa, labis siyang magdaramdam.

Tugon: Sa lahat ng ‘yong kaloob ano’ng aking ihahandog?

Panginoon, naririto akong inyong abang lingkod,
katulad ng aking ina, maglilingkod akong lubos;
yamang ako’y iniligtas, kinalinga at tinubos.
Ako ngayo’y maghahandog ng haing pasasalamat,
ang handog kong panalangi’y sa iyo ko ilalagak.

Tugon: Sa lahat ng ‘yong kaloob ano’ng aking ihahandog?

ALELUYA
Juan 6, 63k. 68k.

Aleluya! Aleluya!
Espiritung bumubuhay
ang Salita mo, Maykapal,
buhay mo ang tinataglay.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 6, 60-69

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, marami sa mga alagad ni Hesus ang nagsabi, “Mabigat na pananalita ito; sino ang makatatanggap nito?” Alam ni Hesus na nagbubulung-bulungan ang kanyang mga alagad tungkol dito, kaya’t sinabi niya, “Dahil ba rito’y tatalikuran na ninyo ako? Gaano pa kaya kung makita ninyong umaakyat ang Anak ng Tao sa dati niyang kinaroroonan?

Ang Espiritu ang nagbibigay-buhay; hindi ito magagawa ng laman. Ang mga salitang sinabi ko sa inyo ay Espiritu at buhay. Ngunit may ilan sa inyong hindi nananalig sa akin.” Sapagkat talastas ni Hesus buhat pa noong una kung sinu-sino ang hindi nananalig sa kanya, at kung sino ang magkakanulo sa kanya. Idinugtong pa niya, “Iyan ang dahilan kaya ko sinabi sa inyo na walang makalalapit sa akin malibang loobin ito ng Ama.”
Mula noo’y marami sa kanyang mga alagad ang tumalikod at hindi na sumama sa kanya. Kaya’t tinanong ni Hesus ang Labindalawa, “Ibig din ba ninyong umalis?” Sumagot si Simon Pedro, “Panginoon, kanino po kami pupunta? Nasa inyo ang mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Naniniwala kami at ngayo’y natitiyak naming kayo ang Banal ng Diyos.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Previous post:

Next post:

{ 5 comments… read them below or add one }

Adelaida R.Alvarez April 21, 2018 at 12:18 am

Pinupuri ka nmin Panginoon Hesukristo…

Reply

merlin recto April 21, 2018 at 10:56 am

papuri sa iyo panginoong hesukristo

Reply

ANGELA CATINDIG April 21, 2018 at 6:04 pm

Pinupuri ka namin Panginoong Hesukristo

Amen Thank You Lord

Reply

Francisco R. Azupardo April 21, 2018 at 9:51 pm

Salamat sa Diyos Amen!

Reply

Patrick Cu April 23, 2018 at 2:12 am

Salamat at papuri sa inyo Panginoon , kay buti niyo po. amen

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: