Mga Pagbasa – Miyerkules, Marso 28, 2018

by Roxanne Pena on March 28, 2018 · 4 comments

in Tagalog Mass Readings

Miyerkules Santo

Isaias 50, 4-9a
Salmo 68, 8-10. 21bkd-22. 31 at 33-34

Poon, ako’y iyong dinggin sa panahong ‘yong ibigin.

Mateo 26, 14-25

UNANG PAGBASA
Isaias 50, 4-9a

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Ang Makapangyarihang Panginoon
ang nagturo sa akin ng sasabihin ko,
para tulungan ang mahihina.
Tuwing umaga’y
kanyang binubuksan ang aking pandinig.
Nananabik akong malaman
kung ano ang ituturo niya sa akin.
Binigyan niya ako ng pang-unawa,
hindi ako naghimagsik ni tumalikod sa kanya.
Hindi ako tumutol
nang bugbugin nila ako,
hindi ako kumibo
nang ako’y kanilang insultuhin.
Pinabayaan ko silang bunutin
ang buhok ko’t balbas,
gayon din nang lurhan nila ako sa mukha.
Ang mga pagdustang ginawa nila’y
di ko pinapansin,
pagkat ang Makapangyarihang Panginoon
ang tumutulong sa akin.
Handa akong magtiis
na sampaling parang bato
pagkat aking batid
na ang sarili ko’y di mapapahiya.
Ang Diyos ay malapit
at siya ang magpapatunay na wala akong sala.
May mangangahas bang maghabla sa akin?
Magharap kami sa hukuman,
at ilahad ang kanyang bintang.
Ang Panginoon mismo ang magtatanggol sa akin.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 68, 8-10. 21bkd-22. 31 at 33-34

Tugon: Poon, ako’y iyong dinggin sa panahong ‘yong ibigin.

“Dahilan sa iyo, ako’y inaglahi,
napahiyang lubos sa pagkaunsiyami.
Sa mga kapatid parang ako’y iba,
kasambahay ko na’y di ako kilala.
Ang pagmamahal ko sa banal mong templo,
matinding-matindi sa kalooban ko;
sa akin bumagsak, paghamak sa iyo.

Tugon: Poon, ako’y iyong dinggin sa panahong ‘yong ibigin.

Kaya naman ako’y wala nang magawa;
ang inasahan kong habag ay nawala,
ni walang umaliw sa buhay kong aba.
Sa halip na pagkain, nang ako’y magutom,
ang dulot sa aki’y mabagsik na lason.
Suka at di tubig ang ipinainom.

Tugon: Poon, ako’y iyong dinggin sa panahong ‘yong ibigin.

Pupurihin ang diyos, aking aawitan,
dadakilain ko’t pasasalamatan.
Kung makita ito niyong mga dukha,
sila ay sasamba sa laki ng tuwa.
Dinirinig ng Diyos ang may kailangan,
Lingkod na bilanggoy’s di nalilimutan.

Tugon: Poon, ako’y iyong dinggin sa panahong ‘yong ibigin.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA

Nagpupuri kami sa ‘yo,
Hari naming Hesukristo,
ang pagdamay mo sa tao
ay talagang patotoo
na kami’y minamahal mo.

MABUTING BALITA
Mateo 26, 14-25

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Si Judas Iscariote, isa sa Labindalawa, ay nakipagkita sa mga punong saserdote. “Ano po ang ibibigay ninyo sa akin kung tulungan ko kayong madakip si Hesus?” tanong niya. Noon din ay binilangan nila siya ng tatlumpung salaping pilak. Mula noon, humanap na si Judas ng pagkakataon upang maipagkanulo si Hesus.

Dumating ang upang araw ng Kapistahan ng Tinapay na Walang Lebadura. Lumapit kay Hesus ang mga alagad at nagtanong, “Saan po ninyo ibig na ipaghanda namin kayo ng Hapunang Pampaskuwa?” Sumagot siya, “Pumunta kayo sa lunsod at hanapin ninyo ang taong ito. Sabihin sa kanyang ganito ang ipinasasabi ng Guro: ‘Malapit na ang aking oras. Ako at ang mga alagad ko’y sa bahay mo kakain ng Hapunang Pampaskuwa.’” Sinunod ng mga alagad ang utos ni Hesus, at inihanda nila ang Hapunang Pampaskuwa.

Nang gabing yaon, dumulog sa hapag si Hesus, kasama ang labindalawang alagad. Samantalang sila’y kumakain, nangusap si Hesus, “Sinasabi ko: isa sa inyo ang mga magkakanulo sa akin.” Nanlumo ang mga alagad, at isa’t isa’y nagtanong sa kanya, “Ako po ba, Panginoon?” Sumagot siya, “Ang kasabay kong sumawsaw sa mangkok ang siyang magkakanulo sa akin. Papanaw ang Anak ng Tao, ayon sa nasusulat, ngunit sa aba ng magkakanulo sa kanya! Mabuti pang hindi na ipinanganak ang taong iyon.” Si Judas, na magkakanulo sa kanya, ay nagtanong din, “Guro, ako po ba?” Sumagot si Hesus, “Ikaw na ang nagsabi.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Previous post:

Next post:

{ 4 comments… read them below or add one }

Adelaida R.Alvarez March 28, 2018 at 4:33 am

Pinupuri ka nmin PANGINOON HESUKRISTO..
THANK YOU JESUS,MY LORD MY GOD.

Reply

ANGELA CATINDIG March 28, 2018 at 6:46 pm

Pinupuri at Dinadakila ka Namin Panginoong Hesukristo

Amen, Salamat Panginoon

Reply

Francisco R. Azupardo March 28, 2018 at 8:23 pm

Salamat sa Diyos! Amen!

Reply

Patrick Cu March 29, 2018 at 9:26 am

Kay buti niyo po Panginoon, dakilain at papurihan po kayo ng sanlibutan AMEN!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: