Mga Pagbasa – Martes, Marso 27, 2018

by Roxanne Pena on March 27, 2018 · 8 comments

in Tagalog Mass Readings

Martes Santo

Isaias 49, 1-6
Salmo 70, 1-2. 3-4a. 5-6ab. 15ab at 17

Patuloy kong isasaysay ang dulot mong kaligtasan.

Juan 13, 21-33. 36-38

UNANG PAGBASA
Isaias 49, 1-6

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Makinig kayo mga taong
naninirahan sa malalayong lugar.
Pinili na ako ng Panginoon bago pa isilang
at hinirang niya ako para siya’y paglingkuran.
Mga salita ko’y ginawa niyang
sintalas ng tabak,
Siya ang sa aki’y laging nag-iingat.
Ginawa niya akong parang matulis na palaso
na anumang oras ay handang itudla.
Sinabi niya sa akin,
“Israel, ikaw ay lingkod ko,
sa pamamagitan mo
ako’y dadakilain ng mga tao.”
Ngunit ang tugon ko,
“Ako ay nabigo sa aking pagsisikap, hindi nagtagumpay
gayong ibinuhos ko ang aking lakas.”
Gayunman’y itinitiwala ko sa Panginoon
ang aking kalagayan,
na ako’y gagantimpalaan sa aking nakayanan.
Bago pa ako ipanganak ay hinirang na ng Panginoon,
pinili niya ako para maging lingkod niya
upang tipunin ang nangalat na mga Israelita,
at sila’y ibalik sa bayang Israel,.
Binigyan ako ng Panginoon ng karangalan,
sa kanya nagbubuhat ang aking karangalan.
Sinabi ng Panginoon sa akin:
“Israel na aking lingkod,
May mas mahalaga pa kaong ipagagawa sa iyo.
Bukod sa pagpapanumbalik
sa mga Israelitang nalabi
ay gagawin kitang tanglaw ng mga bansa
upang lahat sa daigdig ay maligtas.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 70, 1-2. 3-4a. 5-6ab. 15ab at 17

Tugon: Patuloy kong isasaysay ang dulot mong kaligtasan.

Sa iyo lang, Panginoon, lubos akong nananalig,
h’wag mo akong pabayaang mapahiya at malupig;
tulungan mo ako ngayon yamang ikaw ay matuwid.
Ako sana ay sagipin, sa daing ko ay makinig.

Tugon: Patuloy kong isasaysay ang dulot mong kaligtasan.

Ikaw nawa ang muog ko at ligtas na kakanlungan,
matatag na kublihan ko at matibay na sanggalang.
Sa lahat ng masasama, O Diyos, ako’y ipaglaban,
sa kuko ng mababagik, huwag mo akong pabayaan.

Tugon: Patuloy kong isasaysay ang dulot mong kaligtasan.

Panginoon, sa iyo ko inilagak ang pag-asa,
maliit pang bata ako, sa iyo’y may tiwala na;
sa simula at mula pa wala akong inasahang
mag-iingat sa sarili, kundi tanging ikaw lamang;
kaya naman ikaw, Poon, pupurihin araw-araw.

Tugon: Patuloy kong isasaysay ang dulot mong kaligtasan.

Pagkat ikaw ay dakila, patuloy kong isasaysay,
maghapon kong ihahayag ang dulot mong kaligtasan:
Sapul pa sa pagkabata ako’y iyong tinuruan,
hanggang ngayo’y sinasambit ang gawa mong hinangaan.

Tugon: Patuloy kong isasaysay ang dulot mong kaligtasan.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA

Nagpupuri kami sa ‘yo,
Hari naming Hesukristo,
masunurin kang Kordero,
sa katubusan ng tao
hain sa krus ang buhay mo.

MABUTING BALITA
Juan 13, 21-33. 36-38

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, habang nakahilig kasamang kanyang mga alagad, nagugulumihanang sinabi ni Hesus, “Tandaan ninyo: ako’y ipagkakanulo ng isa sa inyo.” Nagkatinginan ang mga alagad; hindi nila alam kung sino ang kanyang tinutukoy.

Ang alagad na minamahal ni Hesus ay nakahilig na kalapit niya. Kinalabit siya ni Simon Pedro at sinabi, “Itanong mo kung sino ang tinutukoy niya.” Kaya humilig siya sa dibdib ni Hesus at itinanong: “Panginoon, sino po ba ang tinutukoy ninyo?” Sumagot si Hesus, “Ang ipagsawsaw ko ng tinapay, siya na nga.” At nang maisawsaw ang tinapay, ibinigay niya ito kay Judas na anak ni Simon Iscariote. Nang matanggap na ni Judas ang tinapay, si Satanas ay pumasok sa kanya. Sinabi ni Hesus, “Gawin mo na ang gagawin mo!” Ngunit isa man sa mga kasalo niya ay walang nakaalam kung bakit niya sinabi ito. Sapagkat si Judas ang nag-iingat ng kanilang salapi, inakala nilang pinabibili siya ni Hesus ng kakailanganin sa pista o kaya’y pinapaglilimos sa mga dukha. Nang makain na ni Judas ang tinapay, siya’y umalis. Gabi na noon.

Pagkaalis ni Judas ay sinabi ni Hesus, “Ngayo’y mahahayag na ang karangalan ng Anak ng Tao; at mahahayag din ang karangalan ng Diyos sa pamamagitan niya. At kung mahayag na ang karangalan ng Diyos, ang Diyos naman ang maghahayag ng karangalan ng Anak, at gagawin niya ito agad. Mga anak, kaunting panahon na lamang ninyo akong makakasama. Hahanapin ninyo ako; ngunit sinasabi ko sa inyo ngayon ang sinabi ko sa mga Judio, ‘Hindi kayo makapupunta sa paroroonan ko.’”

“Saan po kayo pupunta, Panginoon?” tanong ni Simon Pedro. Sumagot si Hesus, “Sa paroroonan ko’y hindi ka makasusunod ngayon, ngunit susunod ka pagkatapos.” “Bakit po hindi ako makasusunod sa inyo ngayon?” tanong ni Pedro. “Buhay ko ma’y iaalay ko dahil sa inyo.” Sumagot si Hesus, “Iaalay mo ang iyong buhay dahil sa akin? Tandaan mo: bago tumilaok ang manok, makaitlo mo akong ikatatwa.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Previous post:

Next post:

{ 8 comments… read them below or add one }

Lilian M.Saltore March 26, 2018 at 9:28 pm

Pinupuri ka namin Panginoong Hesu- Kristo.

Reply

Adelaida R.Alvarez March 27, 2018 at 2:09 am

Pinupuri ka nmin PANGINOON HESUKRISTO.

Reply

Merlin recto March 27, 2018 at 5:00 am

Papuri sa iyo panginoong hesukristo

Reply

Roderico A. Secretario March 27, 2018 at 7:37 am

Papuri sayo panginoon.

Reply

Francisco R. Azupardo March 27, 2018 at 8:50 am

Salamat sa Diyos! Amen!

Reply

Ruel Medrano March 27, 2018 at 12:18 pm

Papiri sa Iyo o aking Panginoong Hesukristo.

Reply

Rachel Dela Cruz March 27, 2018 at 11:03 pm

Pinupuri ka namin,Panginoong HesuKristo

Reply

Patrick Cu March 28, 2018 at 1:19 am

Salamat sa Diyos! AMEN

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: