Mga Pagbasa – Linggo, Marso 25, 2018

by Roxanne Pena on March 25, 2018 · 9 comments

in Tagalog Mass Readings

Linggo ng Palaspas ng Pagpapakasakit ng Panginoon (B)

Marcos 11, 1-10
Isaias 50, 4-7
Salmo 21, 8-9. 17-18a. 19-20. 23-24

D’yos ko! D’yos ko! Bakit naman ako’y ‘yong pinabayaan.

Filipos 2, 6-11
Marcos 14, 1 – 15, 47

MABUTING BALITA
Marcos 11, 1-10

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Malapit na sina Hesus sa Jerusalem–nasa gulod ng Bundok ng mga Olibo at natatanaw na ang mga bayan ng Betfage at Betania. Pinauna ni Hesus ang dalawa sa mga alagad, at sinabi sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon. Sa pagpasok doo’y makikita ninyong nakatali ang isang bisirong asno na hindi pa nasasakyan ninuman. Kalagin ninyo at dalhin dito. Kapag may nagtanong kung bakit ninyo kinakalag iyon, sabihin ninyong kailangan ito ng Panginoon, at ibabalik din agad dito.” Kaya’t lumakad na sila, at natagpuan nga nila ang asno sa tabi ng daan, nakatali sa may pintuan ng isang bahay. Nang kinakalag na nila ang hayop, tinanong sila ng ila sa mga nakatayo roon, “Bakit ninyo kinakalag iyan?” Sumagot sila gaya ng bilin sa kanila ni Hesus, at hinayaan silang umalis. Dinala nila kay Hesus ang bisirong asno, at matapos isapin sa likod nito ang kanilang mga balabal, ito’y sinakyan ni Hesus. Maraming naglatag ng kanilang mga balabal sa daan; ang iba nama’y pumutol ng madahong sanga ng kahoy at siyang inilatag sa daan. Ang mga tao sa unahan at hulihan niya’y sumisigaw ng: “Hosanna! Pagpalain ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Pagpalain nawa ang kaharian ng ating amang si David, na muling itinatatag! Purihin ang Panginoon!”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

UNANG PAGBASA
Isaias 50, 4-7

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Ang Makapangyarihang Panginoon
ang nagturo sa akin ng sasabihin ko,
para tulungan ang mahihina.
Tuwing umaga’y
kanyang binubuksan ang aking pandinig.
Nananabik akong malaman
kung ano ang ituturo niya sa akin.
Binigyan niya ako ng pang-unawa,
hindi ako naghimagsik ni tumalikod sa kanya.
Hindi ako tumutol
nang bugbugin nila ako,
hindi ako kumibo
nang ako’y kanilang insultuhin.
Pinabayaan ko silang bunutin
ang buhok ko’t balbas,
gayon din nang lurhan nila ako sa mukha.
Ang mga pagdustang ginawa nila’y
di ko pinapansin,
pagkat ang Makapangyarihang Panginoon
ang tumutulong sa akin.
Handa akong magtiis
na sampaling parang bato
pagkat aking batid
na ang sarili ko’y di mapapahiya.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 21, 8-9. 17-18a. 19-20. 23-24

Tugon: D’yos ko! D’yos ko! Bakit naman ako’y ‘yong pinabayaan.
Bawat taong makakita’y umiiling, nanunukso,
palibak na nagtatawa’t sinasabi ang ganito:
“Nagtiwala siya sa Diyos, ngunit hindi siya pansin,
kung talagang minamahal, bakit hindi intindihin?”

Tugon: D’yos ko! D’yos ko! Bakit naman ako’y ‘yong pinabayaan.

May pangkat ng mga buhong na sa aki’y pumaligid,
para akong nasa gitna niyong asong mababangis,
mga kamay ko at paa’y butas sa pakong matulis
ang buto ng katawan ko ay mabibilang sa masid.

Tugon: D’yos ko! D’yos ko! Bakit naman ako’y ‘yong pinabayaan.

Pinaghati-hati nila ang damit ko sa katawan,
ang hinubad na tunika’y dinaan sa sapalaran.
H’wag mo akong ulilahin, h’wag talikdan, Panginoon,
O aking Tagapagligtas, bilisan mo ang pagtulong.

Tugon: D’yos ko! D’yos ko! Bakit naman ako’y ‘yong pinabayaan.

Ang lahat ng ginawa mo’y ihahayag ko sa lahat,
sa gitna ng kapulunga’y pupurihin kitang ganap.
Purihin ang Panginoon ng lahat ng kanyang lingkod,
Siya’y inyong dakilain, kayong angkan ni Jacob;
ikaw bayan ng Israel ay sumamba at maglingkod.

Tugon: D’yos ko! D’yos ko! Bakit naman ako’y ‘yong pinabayaan.

IKALAWANG PAGBASA
Filipos 2, 6-11

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos

Si Kristo Hesus, bagamat siya’y Diyos ay hindi nagpilit na mantiling kapantay ng Diyos. Bagkus hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang-tao at namuhay na isang alipin. Nang maging tao, siya’y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan. Oo, hanggang kamatayan sa krus. Kaya naman, siya’y itinampok ng diyos at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan. Anupa’t ang lahat ng nilalang na nasa langit, nasa lupa, nasa ilalim ng lupa ay maninikluhod at sasamba sa kanya. At ipapahayag ng lahat na si Hesukristo ang Panginoong, sa ikararangal ng Diyos Ama.

Ang Salita ng Diyos.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Filipos 2, 8-9

Masunuring Kristo Hesus
naghain ng buhay sa krus,
kaya’t dinakila ng D’yos
binigyan ng ngalang tampok
sa langit at sansinukob.

MABUTING BALITA
Marcos 14, 1 – 15, 47

Dalawang araw na lamang at Pista ng Paskuwa at ng Tinapay na walang Labadura. Ang mga punong saserdote at ang mga eskriba ay naghahanap ng paraan upang lihim na maipanakip si Hesus at maipapatay. Sinabi nila “ Ngunit huwag sa kapistahan , baka magkagulo ang mga tao.”

Noo’ynasa Betania si Hesus, sa bahay ni Simong ketongin. Samantalang siya’y kumakain , dumating ang isang babaing may dalang sisidlang alabastro na puno ng mamahalaing pabango– ito’y dalisay na nardo. Binasag niya ang sisidlan at ang pabango’y ibinuhos sa ulo ni Hesus.Nagalit ang ilang naroroon, at sila’y nag usap-usap, “ano’t inaksiya ang pabango? Maipagbibili sana iyon nang higit pa sa tatlong daang denaryo, at maibibigay sa mga dukha ang pinagbilhan!’. At sinisi nila ang babae. Ngunit sinabi ni Heus, “Bakit ninyo siya ginugulo? Pabayaan ninyo siya ! Mabuti ang ginawa niyang ito sa akin. Habang panaho’y kasama ninyo ang mga dukha, at anumang oras na inyong ibigin ay magagawan ninyo sila ng mabuti. Ngunit ako’y hindi ninyo kasama sa habang panahon. Ginawa niya ang kanyang makakaya– hindi pa ma’y binuhusan na niya ng pabango ang aking katawan bilang paghahanda sa paglilibing sa akin. Sinasabi ko sa inyo: saanman ipangaral ang Mabuting Balita, mababanggit din naman ang ginawa niyang ito bilang pag-aalala sa kanya.”

Si Judas Iscariote , isa sa Labindalawa ay pumunta sa mga punong saserdote upang ipagkanulo si Hesus. Natuwa sila nang marinig ang gayon at nangakong bibigyan siya ng salapi. Mula noo’y humanap na si Judas ng pagkakataon upang maipagkanulo si Hesus.

Unang araw ng Pista ng Tinapay na Walang Lebadura , araw ng pagpatay ng kordero para sa Paskuwa. Tinanong si Hesus ng kanyang mga alagad, “Saan po ninyo ibig na ipaghanda namin kayo ng Hapunang Pampaskuwa?” Inutusan niya ang dalawa sa kanyang mga alagad. “Pumunta kayo sa bayan. may masasalubong kayong isang lalaki na may dalang isang bangang tubig. sundan ninyo siya sa bahay na kanyang papasukan at sabihin ninyo sa may-ari, “Ipinapatanong po ng Guro kung saang silid siya maaaring kumain ng Hapunang Pampaskuwa kasalo ng kanyang alagad.” A ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na mayroon nang kagamitan.Doon kayo maghanda para sa atin.” Nagtungo sa bayan ang mga alagad at natagpuan nga nila noon ang lahat, gaya ng sinabi niya sa kanila. At inihanda nila ang Hapunang Pampaskuwa.

Kinagabiha’y dumating si hesus, kasama ang labindalawa. Nang sila’y kumakain na, sinabi ni Hesus.” tandaan ninyo ito: isa sa inyo na kasalo ko’y magkakanulo sa akin.”nanlumo ang mga alagad, at isa’t isa nagtanong sa kanya, “Ako po na Panginoon?”Sumagot siya, ‘Isa sa inyo na kasalo ko sa pagsawsaw ng tinapay sa mangkok. Papanaw ang Anak ng Tao, ayon sa nasusulat, ngunit sa aba ng taong magkakanulo sa kanya! mabuti pa sa taong yaon ng hindi na ipinanganak.”

Samantalang sila’y kumakain, dumampot ng tinapay si hesus, at matapos magpasalamat sa Diyos ay kanyang pinaghati-hati at ibinigay sa mga alagad. “Kunin ninyo ;ito ang aking katawan,” wika niya. Hinahawakan niya ang kalis, at matapos magpasalamat ay ibinigay sa kanila; at uminom silang lahat. Sinabi niya,” Ito ang aking dugo ng tipan, ang dugong mabubuhos dahil sa marami. Sinasabi ko sa inyo, hindi na ako iinom ng alak na mula sa ubas hanggang sa araw na inumin ko ang bagong alak sa kaharian ng Diyos.” Umawit sila ng isang imno at pagkatapos nagtungo sa Bundok ng mga Olibo .

Sinabi ni Hesus sa kanila, “Ako’y iiwan ninyong lahat, sapagkat nasasaad sa Kasulatan, “Papatayin ko ng pastol, at mangangalat ang mga tupa,’ Ngunit pagkatapos na ako’y muling mabuhay, mauuna ako sa inyo sa Galilea,” Sumagot si Pedro,” Kahit na po iwan kayo ng lahat, hindi ko kayo iiwan.” “Tandaan mo,” sabi ni hesus sa kanya, “ sa gabi ring ito, bago tumilaok nang makalawa ang manok ay makaitlo mo akong itatatwa.” Subalit matigas na sinabi ni Pedro,” Kahit ako’y pataying kasama ninyo, hindi ko kayo itatatwa,.” Gayon din ang sabi ng ibang alagad.

Dumating sila sa isang lugar na tinatawag na Getsemani. Sinabi ni Hesus sa kanyang mga ,alagad,” Dito muna kayo at mananalangin ako.” Ngunit isinama niya si Pedro, Santiago at Juan. At nagsimulang mabagabag at maghirap ang kanyang kalooban. Sinabi niya sa kanila, “Ang puso ko’y tigib ng hapis at halos ikamatay ko! Maghintay kayo rito at magbantay.” Pagkalayo nang kaunti, siya’y nagpatirapa at nanalangin na kung maaari’y huwag nang dumating sa kanya ang oras ng paghihirap. “Ama, Ama ko!” wika niya, “mapangyayari mo ang lahat ng bagay. Alisin mo sa akin ang kalis na ito ng paghihirap. Gayunma’y huwag ang kalooban ko kundi ang kalooban mo ang masunod.”

Nagbalik siya at dinatnan niyang natutulog ang tatlong alagad. Sinabi niya kay Pedro, “Natutulog ka, Simon? Hindi ka ba makapagbantay kahit isang oras man lang? Magpuyat kayo at manalangin upang huwag kayong madaig ng tukso. Ang espiritu’y nakahanda, ngunit ang laman ay mahina.”

Muling lumayo si Hesus at nanalangin, at ang dati niyang kahilingan ang siyang sinambit. Nagbalik siyang muli sa kanyang mga alagad at naratnan na namang natutulog, sapagkat sila’y antok na antok. At hindi nila malaman kung ano ang kanilang sasabihin sa kanya.

Sa ikatlong pagbabalik niya ay kanyang sinabi sa kanila, “Tulog pa ba kayo hanggang ngayon? Kayo ba’y namamahinga pa? Tama na! Dumating na ang oras na ang Anak ng Tao’y ipagkakanulo sa masasama. Tayo na’t narito na ang magkakanulo sa akin!”

Nagsasalita pa si Hesus nang dumating si Judas, isa sa Labindalawa, na kasama ng maraming taong may mga dalang tabak at pamalo. Inutusan sila ng mga punong saserdote, ng mga eskriba at ng matatanda ng bayan. Ang taksil ay nagbigay sa kanila ng isang hudyat: “Ang hagkan ko – iyon ang inyong hinahanap. Siya’y dakpin ninyo at dalhin, ngunit bantayang mabuti.”

Pagdating ni Hudas, agad siyang lumapit kay Hesus, “Guro!” ang bati niya, sabay halik. At sinunggaban si Hesus ng mga tao at dinakip. Nagbunot ng tabak ang isa sa mga naroon, at tinaga ang alipin ng pinakapunong saserdote, at natigpas ang tainga niyon. At sinabi ni Hesus sa mga tao, “Tulisan ba ako at naparito kayong may mga dalang tabak at pamalo upang ako’y dakpin? Araw-araw ako’y nagtuturo sa templo at naroon din kayo, ngunit hindi ninyo ako dinakip. Subalit kailangang matupad ang sinasabi ng Kasulatan!” Nagsitakas ang mga alagad at iniwan siya.

Sinundan siya ng isang binatang walang damit sa katawan maliban sa balabal niyang kayong lino. Sinunggaban siya ng mga tao, ngunit iniwan niya ang kanyang balabal at tumakas na walang kadamit-damit.

At dinala nila si Hesus sa bahay ng pinakapunong saserdote; doo’y nagkatipon ang lahat ng punong saserdote, ang matatanda ng bayan, at ang mga eskriba. Si Pedro’y sumunod sa kanya, ngunit malayo ang agwat. Nagtuloy siya hanggang sa patyo ng bahay ng pinakapunong saserdote, naupo sa tabi ng apoy at nagpainit na kasama ng mga bantay. Ang mga punong saserdote at ang buong Sanedrin ay naghahanap ng maipaparatang kay Hesus upang maipapatay siya, ngunit wala silang makuha. Maraming saksi ang nag-sabi ng kasinungalingan laban sa kanya, ngunit hindi nagkaisa ang kanilang mga patotoo. May ilang sumaksi laban sa kanya at nag-sabi ng ganitong kasinungalingan: “Narinig naming sinabi niya, ‘Gigibain ko ang templong ito na gawa ng tao, at sa loob ng tatlong araw ay magtatayo ako ng iba na di gawa ng tao.’” Gayunma’y hindi pa rin nagkaisa ang kanilang mga patotoo.

Tumindig ang pinakapunong saserdote sa harap ng kapulungan, at tinanong si Hesus, “Ano ang masasabi mo sa paratang nila sa iyo? Bakit di ka sumagot?” Ngunit hindi umimik si Hesus; hindi siya nagsalita gaputok man. Muli siyang tinanong ng pinakapunong saserdote: “Ikaw ba ang Mesiyas, ang Anak ng Kataastaasan?” “Ako nga,” sagot ni Hesus. “At makikita ninyo ang Anak ng Tao, na nakaupo sa kanan ng Makapangyarihan sa lahat. At makikita ninyong siya’y dumarating, nasa alapaap ng langit.” Winasak ng pinakapunong saserdote ang sariling kasuotan, at sinabi, “Hindi na natin kailangan ang mga saksi! Kayo na ang nakarinig ng kanyang kalapastanganan sa Diyos! Ano ang pasya ninyo?” Ang hatol nilang lahat ay kamatayan.

At niluran siya ng ilan, piniringan at pinagsusuntok, kasabay ng wikang “Hulaan mo nga, sino ang sumuntok sa iyo?” at pinagsasampal siya ng mga bantay.

Si Pedro nama’y naroon pa sa ibaba, sa patyo, nang dumating ang isa sa mga alila ng pinakapunong saserdote. Nakita ng babaing ito si Pedro na nagpapainit sa apoy, at kanyang pinagmasdang mabuti. “Kasama ka rin ng Hesus na iyang taga-Nazaret!” sabi niya. Ngunit tumanggi si Pedro. “Hindi ko nalalaman… hindi ko nauunawaan ang sinasabi mo,” sagot niya. At siya’y lumabas sa pasilyo at tumilaok an manok. Nakita na naman siya roon ng alilang babae at sinabi sa mga naroon, “Ang taong ito’y isa sa kanila!” Ngunit itinatwa na naman ito ni Pedro. Makalipas ang ilang sandali’y sinabi na naman kay Pedro ng mga nakatayo roon, “Talagang isa ka sa kanila. Taga-Galilea ka rin!” “Sumpain man ako ng langit, talagang hindi ko nakikilala ang taong iyan!” sagot ni Pedro. Siyang namang pagtilaok ng manok. Naalaala ni Pedro ng sinabi sa kanya ni Hesus, “Bago tumilaok nang makalawa ang manok ay makaitlo mo akong itatatwa.” At siya’y nanangis.

Kinaumagahan, nagpulong agad ang mga punong saserdote, ang matatanda ng bayan, ang mga eskriba, at ang iba pang bumubuo ng Sanedrin. Ipinagapos nila si Hesus, at dinala kay Pilato. “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” tanong sa kanya ni Pilato. “Kayo na ang nagsasabi,” tugon naman ni Hesus. Nagharap ng maraming sumbong ang mga punong saserdote laban kay Hesus, kaya’t siya’y muling tinanong ni Pilato, “Wala ka bang isasagot? Narinig mo ang dami ng kanilang sumbong laban sa iyo.” Ngunit hindi na tumugon pa si Hesus, kaya’t nagtaka si Pilato.

Tuwing Pista ng Paskuwa ay nagpapalaya si Pilato ng isang bilanggo – sinuman ang hilingin sa kanya ng taong-bayan. Nakabilanggo noon ang isang lalaking nagngangalang Barrabas, kasama ng ibang naghimagsik at nakamatay nang nagdaang himagsikan. Lumapit ang mga tao at hiniling kay Pilato na isagawa na ang kanyang kinaugaliang pagpapalaya ng isang bilanggo. “Ibig ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?” tanong niya sa kanila. Alam ni Pilato na inggit ang nag-uudyok sa mga punong saserdote na dalhin sa kanya si Hesus. Ngunit ang mga tao’y sinulsulan ng mga punong saserdote na si Barrabas ang hilinging palayain. “Kung gayon, ano ang gagawin ko sa taong ito na tinatawag ninyong Hari ng mga Judio?” tanong uli ni Pilato. “Ipako sa krus!” sigaw ng mga tao. “Bakit, ano ba ang kasalanan niya?” ani Pilato. Ngunit lalo pang sumigaw ang mga tao, “Ipako siya sa krus!” Sa paghahangad ni Pilato na pagbigyan ang mga tao, pinalaya niya si Barrabas. Si Hesus ay kanyang ipinahagupit at ibinigay sa kanila upang ipako sa krus.

Dinala ng mga kawal si Hesus sa pretoryo, ang tirahan ng gobernador, at kanilang tinipon ang buong batalyon. Sinuutan nila si Hesus ng isang balabal na purpura. Kumuha sila ng halamang matinik, ginawang korona at ipinutong sa kanya. At sila’y patuyang nagpugay at bumati sa kanya: “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” Siya’y pinaghahampas nila ng tambo sa ulo, pinaglulurhan, at palibak na niluhud-luhuran. At matapos kutyain, siya’y inalisan nila ng balabal, sinuutan ng sariling damit, at inilabas upang ipako sa krus.

Nasalubong nila ang isang lalaking galing sa bukid, si Simon na taga-Cirene, ama nina Alejandro at Rufo. Pilit nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Hesus. At kanilang dinala si Hesus sa lugar na kung tawagi’y Golgota – ibig sabihi’y “Pook ng Bungo.” Binigyan nila siya ng alak na may kahalong mira, ngunit hindi niya ininom. Ipinako siya sa krus, at nagsapalaran sila upang malaman kung alin sa kanyang mga damit ang mapupunta sa bawat isa. Ikasiyam ng umaga nang ipako nila sa krus si Hesus. Sa itaas ng krus isinulat ang sakdal laban sa kanya, “Ang Hari ng mga Judio.” Dalawang tulisan ang kasabay niyang ipinako sa krus – isa sa kanan niya at isa sa kaliwa. Sa gayo’y natupad ang nasasaad sa Kasulatan: “Ibinilang siya sa mga salarin.”

Nilibak siya ng mga nagdaraan, na tatangu-tangong nagsabi, “Di ba ikaw ang gigiba ng templo at muling magtatayo nito sa loob ng tatlong araw? Iligtas mo ngayon ang iyong sarili! Bumaba ka sa krus!” Kinutya rin siya ng mga punong saserdote at ng mga eskriba, at ang sabi sa isa’t isa: “Iniligtas niya ang iba, ngunit di mailigtas ang sarili! Makita lang nating bumaba sa krus ang Mesiyas na iyan na Hari ng Israel – maniniwala tayo sa kanya.” Inalipusta din siya ng mga nakapakong kasama niya.

At nagdilim sa buong lupain mula sa tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon. nang mag-iikatlo ng hapon, si Hesus ay sumigaw, “Eloi, Eloi, lema sabachthani?” na ang ibig sabihi’y “Diyos ko! Diyos ko! Bakit mo ako pinabayaan?” Narinig ito ng ilan sa mga nakatayo roon, at kanilang sinabi, “Pakinggan ninyo, tinatawag niya si Elias!” May tumakbo at kumuha ng espongha; ito’y binasa ng maasim na alak, at pagkatapos ay inilagay sa dulo ng isang tambo at ipinasipsip kay Hesus. Sabi niya, “Tingnan nga natin kung darating si Elias upang ibaba siya.” Sumigas nang malakas si Hesus at nalagutan ng hininga.

Biglang nawahak sa gitna ang tabing templo, mula sa itaas hanggang sa ibaba. Nakatayo sa harap ng krus ang isang kapitan ng mga kawal at kanyang nakita kung paano namatay si Hesus kaya’t sinabi niya, “Tunay ngang Anak ng Diyos ang taong ito!” Naroon din ang ilang babae at nakatanaw mula sa malayo; kabilang sa kanila si Maria Magdalena, si Mariang ina nina Santiagong bata, at Jose at Salome. Mula pa sa Galilea’y nagsisunod na sila at naglingkod kay Hesus. At naroon din ang iba pang babaing sumama kay Hesus sa Jerusalem.

Nang magtatakipsilim na, dumating si Jose na taga-Arimatea, isang iginagalang na kagawad ng Sanedrin; siya’y naghihintay sa pagdating ng paghahari ng Diyos. Sapagkat araw noon ng Paghahanda, o bisperas ng Araw ng Pamamahinga, naglakas-loob siyang lumapit kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Hesus, kaya’t ipinatawag niya ang kapitan at tinanong kung ito’y totoo. Nang malaman niya sa kapitan na talagang patay na si Hesus, pumayag siyang kunin ni Jose ang bangkay. Bumili si Jose ng kayong lino. Nang maibaba na ang bangkay ay kanyang binalot sa kayong ito at inilagay sa isang libingang inuka sa tagiliran ng dalisdis na bato. Pagkatapos, iginulong ang isang malaking bato sa pintuan ng libingan. Nagmamasid naman si Maria Magdalena at si Mariang ina ni Jose, at nakita nila kung saan inilibing si Hesus.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Previous post:

Next post:

{ 9 comments… read them below or add one }

Edward N. Jamandron March 23, 2018 at 3:03 pm

Greetings. May I suggest that the text of the scriptures be reviewed before posting. The words has to be corrected such as nahawak which I think should be nawasak etc.etc.etc. Anyway, the posting/podcast already served it’s purpose. Many thanks.

Reply

Roderico A. Secretario March 24, 2018 at 8:30 am

Papuri sayo panginoon.Amen

Reply

Maria Lourdes March 24, 2018 at 12:47 pm

Pinupuri ka namin Panginoong Hesukristo.

Reply

Francisco R. Azupardo March 24, 2018 at 9:11 pm

Pinupuri ka namin Panginoon Hesus! Amen!

Reply

Lilian M.Saltore March 24, 2018 at 10:33 pm

Pinupuri ka namin Panginoong Hesu- Kristo

Reply

Shao March 25, 2018 at 7:40 am

Amen.

Reply

Merlin recto March 25, 2018 at 7:50 am

Papuri sa iyo panginoong hesukristo

Reply

Jerry Reyes March 25, 2018 at 9:53 am

Pinupuri ka namin panginoon sa iyong walang hanggang kadakilaan. Salamat din po sa mga pangunawa sa buong sanlibutan. Nawa’y sa oras ng aming pamamahinga’y kami ay iyong isama sa inyong kaharian. Amen

Reply

ANGELA CATINDIG March 25, 2018 at 7:12 pm

Pinupuri ka namin panginoong Hesukristo

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: