Mga Pagbasa – Biyernes, Pebrero 16, 2018

by Roxanne Pena on February 16, 2018 · 7 comments

in Tagalog Mass Readings

Biyernes kasunod ng Miyerkules ng Abo

Isaias 58, 1-9a
Salmo 50, 3-4. 5-6a. 18-19

D’yos ko, iyong tinatanggap pakumbaba’t pusong tapat.

Mateo 9, 14-15

UNANG PAGBASA
Isaias 58, 1-9a

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Ito ang sinasabi ng Panginoon:
“Ikaw ay sumigaw nang ubos-lakas,
ang sala ng bayan ko sa kanila’y ihayag.
Sinasamba ako,
kunwa’y hinahanap, sinusundan-sundan,
parang natutuwang ang kalooban ko’y kanilang malaman;
ibig palabasin na ang gawain nila ay matuwid,
at di lumilihis sa mga tuntuning aking ibinigay.
Wari’y natutuwang sa aki’y sumamba.
At ang hinihingi’y hatol na matuwid.”
Ang tanong ng mga tao, “Bakit ang pag aayuno nati’y
di pansin ng Panginoon?
Nagugutom lang tayo ngunit walang kabuluhan.”
ang sagot ng Panginoon,
“Pansariling kapakanan pa rin
ang pangunang layunin sa pag-aayuno,
habang ang nag-aayuno’y patuloy na inaapi ang mahihirap.
Ang pag-aayuno ninyo’y
humahantong lamang sa alitan
hanggang kayu-kayo’y nag-aaway-away.
Kung ang pag-aayunong ginagawa ninyo
ay gayun din lamang,
ang inyong pagtawag
ay tiyak na hindi pakikinggan.
Sa inyong pag-aayuno
pinahihirapan ninyo ang inyong sarili.
Yumuyuko kayong parang damong hinihipan ng hangin.
Nagdaramit kayo ng sako at nahihiga sa abo,
pag-aayuno na ba iyan?
Akala ba ninyo’y nasisiyahan ako riyan?
Ito ang gusto kong gawin ninyo:
tigilan na ninyo ang pang-aalipin;
sa halip ay pairalin ang katarungan;
ang mga api’y palayain ninyo at tulungan.
Ang mga nagugutom ay inyong pakanin,
patuluyin sa inyong tahanan ang walang tirahan.
Yaong mga tao
na halos hubad na ay inyong paramtan,
ang iyong pagtulong
sa mga kasama ay huwag tatalikdan.
At kung magkagayon,
matutulad kayo sa bukang-liwayway.
hindi maglalao’t
gagaling ang inyong dugat sa katawan,
ako’y laging sasainyo,
ililigtas kayo at iingatan kahit saang lugar.
Sa araw na iyon.
diringgin ng Panginoon ang dalangin ninyo,
pag kayo’y tumawag,
ako’y tutugon agad.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 50, 3-4. 5-6a. 18-19

Tugon: D’yos ko, iyong tinatanggap pakumbaba’t pusong tapat.

Ako’y kaawaan, O mahal kong Diyos,
sang-ayon sa iyong kagandahang-loob
mga kasalanan ko’y iyong pawiin,
ayon din sa iyong pag-ibig sa akin!
Linisin mo sana ang aking karumhan
at ipatawad mo yaring kasalanan!

Tugon: D’yos ko, iyong tinatanggap pakumbaba’t pusong tapat.

Ang pagsalansang ko ay kinikilala,
laging nasa isip ko at alaala.
Sa iyo lang ako nagkasalang tunay,
at ang nagawa ko’y di mo nagustuhan.

Tugon: D’yos ko, iyong tinatanggap pakumbaba’t pusong tapat.

Hindi mo na nais ang mga panghandog;
sa haing sinunog di ka nalulugod.
Ang handog ko, O Diyos, na karapat-dapat
ay ang pakumbaba’t pusong mapagtapat.

Tugon: D’yos ko, iyong tinatanggap pakumbaba’t pusong tapat.

AWIT PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Amos 5, 14

Matuwid ang dapat gawin,
Masama’y iwasan natin,
at tayo ay bubuhayin;
ang Diyos ay sasaatin,
atin s’yang makakapiling.

MABUTING BALITA
Mateo 9, 14-15

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong Panahong iyon, lumapit kay Hesus ang mga alagad ni Juan Bautista at ang wika, “Malimit kaming mag-aayuno, gayun din ang mga Pariseo. Bakit po hindi nag-aayuno ang inyong mga alagad?” Sumagot siya, “Maaari bang magdalamhati ang mga panauhin sa kasalan habang kasama nila ang lalaking ikinasal? Kapag wala na siya, saka pa lamang sila mag-aayuno.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Previous post:

Next post:

{ 7 comments… read them below or add one }

Lilian M.Saltore February 13, 2018 at 9:32 pm

Maraming salamat po, malaking tulong ito sa aming mga Lector.Pagpapalain kayo ng Diyos sa inyong mabuting gawa.Sana ipagpatuloy po itong awitatpapuri.com.

Reply

Francisco Azupardo February 15, 2018 at 8:57 pm

Salamat sa Diyos! Amen!

Reply

Ma. Luisa L. Belardo February 16, 2018 at 5:20 am

Salamat sa Diyos. Prepared ako na mag-lector ngayon umaga.

Reply

Shao February 16, 2018 at 11:03 am

Amen.

Reply

Angeline Morales February 16, 2018 at 7:22 pm

To God Be The Glory!

Reply

Rachel Dela Cruz February 16, 2018 at 11:48 pm

Pinupuri ka namin,Panginoong JesuKristo

Reply

Patrick Cu February 17, 2018 at 1:33 am

Salamat sa Diyos!AMEN!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: