Mga Pagbasa – Lunes, Enero 8, 2018

by Roxanne Pena on January 8, 2018 · 1 comment

in Tagalog Mass Readings

Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon (B)

Isaias 42, 1-4. 6-7
Salmo 28, 1a at 2. 3ak-4. 3b at 9b-10

Basbas ng kapayapaa’y sa bayan ng Poong mahal.

Mga Gawa 10, 34-38
Marcos 1, 7-11

UNANG PAGBASA
Isaias 42, 1-4. 6-7

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Sinabi ng Panginoon, “Ito ang lingkod ko na aking itataas,
na aking pinili at kinalulugdan;
ibubuhos ko sa kanya
ang aking Espiritu,
at sa mga bansa ay
siya ang magpapairal ng katarungan.
Mahinahon at banayad kung siya’y magsalita,
ni hindi magtataas ng kanyang tinig.
Ang marupok na tambo’y hindi babaliin,
ilaw na aandap-andap di n’ya papatayin,
at ang katarungan ang paiiralin.
Di siya mawawalan ng pag-asa
ni masisiraan ng loob,
paghahariin niya ang katarungan sa daigdig.
Ang mga bansa sa malayo ay buong pananabik
na maghihintay sa kanyang mga turo.
Akong Panginoon, tumawag sa iyo,
binigyan kita ng kapangyarihan
Upang pairalin ang katarungan sa daigdig.
Sa pamamagitan mo ay gagawa ako
ng pakikipagtipan sa lahat ng tao
at magdadala ng liwanag sa lahat ng bansa.
Ikaw ang magpapadilat sa mga bulag
at magpapalaya sa mga bilanggo ng kadiliman.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 28, 1a at 2. 2ak-4. 3b at 9b-10

Tugon: Basbas ng kapayapaa’y sa bayan ng Poong mahal.

Purihin ang Panginoon ninyong banal na nilalang,
pagkat siya ay dakila’t marangal ang kanyang ngalan;
ang Poon ay dakilain, purihin ang Diyos na Banal,
yumuko ang bawat isa kapag siya ay dumatal.

Tugon: Basbas ng kapayapaa’y sa bayan ng Poong mahal.

Sa gitna ng karagatan tinig niya’y naririnig.
Sa laot ng karagata’y hindi ito nalilingid.
Pag nangusap na ang Poon, tinig niya’y ubod-lakas,
ngunit tinig-kamahalan, kapag siya’y nangungusap.

Tugon: Basbas ng kapayapaa’y sa bayan ng Poong mahal.

Ang tinig ng dakilang Diyos, parang kulog na malakas,
kaya’t mga nasa templo’y sumisigaw, nagagalak,
“Panginoo’y papurihan!” ganito ang binibigkas
siya rin ang naghahari sa dagat na kalaliman,
namuno siya roon bilang hari, walang hanggan.

Tugon: Basbas ng kapayapaa’y sa bayan ng Poong mahal.

IKALAWANG PAGBASA
Mga Gawa 10, 34-38

Pagbasa mula sa mga Gawa ng mga Apostol

Noong mga araw na iyon, nagsalita si Pedro, “Ngayon ko lubusang natanto na walang itinatanggi ang Diyos. Nalulugod siya sa sinumang may takot sa kanya at gumagawa ng matuwid, kahit saang bansa. Ibinigay ng Diyos ang kanyang salita sa mga Israelita. Sa kanila niya ipinahayag ang Mabuting Balita tungkol sa pakikipagkasundo sa pamamagitan ni Hesukristo. Ngunit siya’y Panginoon ng lahat! Alam ninyo ang nangyari sa buong Judea na nagsimula sa Galilea nang mangaral si Juan tungkol sa binyag. Ang sinasabi ko’y tungkol kay Hesus na taga-Nazaret. Ipinagkaloob sa kanya ng Diyos ang Espiritu Santo at ang kapangyarihan bilang katunayan na siya nga ang Hinirang. Sapagkat sumasakanya ang Diyos, saanman siya pumaroon ay gumagawa siya ng kabutihan at nagpapagaling sa lahat ng pinahihirapan ng diyablo.”

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Marcos 9, 6

Aleluya! Aleluya!
Nagsalita ang D’yos Ama:
“Ang Anak kong sinisita
ay narito, dinggin n’yo s’ya!”
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 1, 7-11

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, sinasabi ni Juan Bautista sa kanyang pangangaral: “Darating na kasunod ko ang isang makapangyarihan kaysa sa akin: ni hindi ako karapat-dapat magkalag ng tali ng kanyang mga panyapak. Binibinyagan ko kayo sa tubig, ngunit bibinyagan niya kayo sa Espiritu Santo.”

Hindi nagluwat, dumating si Hesus mula sa Nazaret, Galilea, at siya’y bininyagan ni Juan sa Ilog-Jordan. Pagkaahung-pagkaahon ni Hesus sa tubig ay nakita niyang nabuksan ang kalangitan, at bumababa sa kanya ang Espiritu na gaya ng isang kalapati. At isang tinig ang nagmula sa langit: “Ikaw ang minamahal kong Anak, lubos kitang kinalulugdan.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Previous post:

Next post:

{ 1 comment… read it below or add one }

Patrick Cu January 8, 2018 at 11:46 pm

Salamat sa Diyos! AMEN!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: