Mga Pagbasa – Biyernes, Disyembre 15, 2017

by Roxanne Pena on December 15, 2017 · 2 comments

in Tagalog Mass Readings

Biyernes sa Ika-2 Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon

Isaias 48, 17-19
Salmo 1, 1-2. 3. 4 at 6

Ang sumusunod sa Poon ay sa liwanag hahantong.

Mateo 11, 16-19

UNANG PAGBASA
Isaias 48, 17-19

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Ganito ang sabi ng Banal ng Israel,
ng Panginoong mong sa iyo’y tumubos:
“Ako ang Panginoong iyong Diyos.
Tuturuan kita paya ka umunlad,
papatnubayan kita saan ka man pumunta,
Kung sinusunod mo lang ang mga utos ko,
pagpapala sana’y dadaloy sa iyo,
parang ilog na di natutuyo ang agos.
Tagumpay mo sana ay sunud-sunod,
parang dating ng alon sa dalampasigan.
Ang lahi mo sana’y
magiging sinadami ng buhangin sa dagat,
at tinitiyak kong
hindi sila mapapahamak.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 1, 1-2. 3. 4 at 6

Tugon: Ang sumusunod sa Poon ay sa liwanag hahantong.

Mapalad ang taong hindi naaakit niyong masasama,
upang sundan niya ang kanilang payo’t maling halimbawa;
hindi sumasama sa sinumang taong ang laging adhika’y
pagtawanan lamang at hamak-hamakin ang Diyos na dakila.
Nagagalak siyang laging magsasaliksik ng banal na aral,
ang utos ng Poon siyang binubuhay sa gabi at araw.

Tugon: Ang sumusunod sa Poon ay sa liwanag hahantong.

Ang katulad niya’y isang punongkahoy sa tabing batisan,
sariwa ang daho’t laging namumunga sa kapanahunan,
at anumang gawin ay nakatitityak na magtatagumpay.

Tugon: Ang sumusunod sa Poon ay sa liwanag hahantong.

Ngunit ibang-iba ang masamang tao; ipa ang kawangis,
siya’y natatangay at naipapadpad kung hangi’y umihip.
Sa taong matuwid ay Panginoon ang s’yang mag-iingat,
ngunit kailanman ang mga masama ay mapapahamak.

Tugon: Ang sumusunod sa Poon ay sa liwanag hahantong.

ALELUYA

Aleluya! Aleluya!
Ang Panginoo’y darating
siya’y ating salubungin
s’ya’y kapayapaan natin.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 11, 16-19

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao, “Sa ano ko nga ihahambing ang tao ngayon? Katulad sila ng mga batang nakaupo sa plasa at sumisigaw sa kanilang mga kalarom ‘Tinugtugan namin kayo ng plauta, ngunit hindi kayo sumayaw! Nanambitan kami, ngunit hindi kayo tumangis!’ Sapagkat naparito si Juan na nag-aayuno at di umiinom ng alak, at sinasabi nila, ‘Inaalihan siya ng demonyo!’ Naparito rin ang Anak ng Tao, na kumakain at umiinom, at sinasabi naman nila, ‘Masdan ninyo ang taong ito! Matakaw at maglalasing, kaibigan ng mga publikano at mga makasalanan!’ Gayunman, ang karunungan ng Diyos ay napatutunayang tama sa pamamagitan ng kanyang mga gawa.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Previous post:

Next post:

{ 2 comments… read them below or add one }

Edil Lenon December 8, 2017 at 2:42 am

Great!

Reply

gloria vicencio December 9, 2017 at 11:50 pm

salamat sa Diyos , at nakakapakinig , at laking tulong po sa akin angpagpapahayag ng mabuting balita ng Panginoon sa AWIt at papuri .com. nakakapagpractise ako bago ako magserve..maraming salamat po…

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: