Mga Pagbasa – Huwebes, Nobyembre 23, 2017

by Roxanne Pena on November 23, 2017 · 0 comments

in Tagalog Mass Readings

Huwebes ng Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

1 Macabeo 2, 15-29
Salmo 49. 1-2. 5-6. 14-15

Ang masunurin sa Diyos sa sasagipin n’yang lubos.

Lucas 19, 41-44

UNANG PAGBASA
1 Macabeo 2, 15-29

Pagbasa mula sa unang aklat ng Macabeo

Noong mga araw na iyon, ang mga kanang kamay ng hari na inatasang pilitin ang mga taong sumamba sa mga diyus-diyusan at nagtungo sa lungsod ng Modin upang utusan ang mga tagaroon na maghandog sa mga dambanang pagano. Maraming Israelita ang lumapit at nagtipun-tipon sa paligid nila. Naroon din si Matatias at ang lima niyang anak. Nilapitan si Matatias ng mga kinatawan ng hari at sinabi, “Ikaw ay pinunong iginagalang dito at sinusunod ng iyong mga kaanak. Manguna ka sa pagtupad sa utos ng hari, gaya nang ginawa ng mga Hentil at ibang mga taga-Judea at Jerusalem. Gawin mo lamang ito ay tiyak na mapapamahal ka sa hari, pati ng iyong mga anak, at gagantimpalaan ka niya ng pilak, ginto at iba pang kaloob.”

Ngunit malakas na sumagot si Matatias, “Kahit lahat ng Hentil ay sumunod sa hari at dahil dito’y nilabag nila ang relihiyong ipinamana ng kanilang mga ninuno, kami ng aking sambahayan at mga kamag-anakan ay tutupad pa rin sa tipang ibinigay sa aming mga ninuno. Huwag namang ipahintulot ng Diyos na sumuway kami sa kanyang mga utos. Hindi kami susunod sa gayong ipinagagawa ng hari at lalo namang hindi kami magtataksil sa aming relihiyon kailanman!”
Katatapos pa lamang na magsalita si Matatias nang isang kapwa Judio ang kitang-kitang lumapit sa dambanang nasa Modin at naghandog, bilang pagsunod sa utos ng hari. Nang makita ito ni Matatias, nag-alab siya sa poot; nilapitan niya ito at pinatay sa harap ng dambana. Pinatay rin niya ang sugo ng haring pumipilit sa mga tao na maghandog sa dambanang pagano. Pagkatapos, sinira niya ang dambana. Sa ganitong paraan ipinakita niya ang kanyang pagmamalasakit sa Kautusan, gaya ng ginawa ni Finees nang patayin nito si Zimri na anak ng Salu.

Matapos gawin ito, nilibot ni Matatias ang buong lungsod na ganito ang isinisigaw, “Sinumang tapat sa tipan ng Diyos at tumutupad sa kanyang mga utos ay sumunod sa akin!” Pagkatapos nito, siya at ang kanyang mga anak ay namundok. Iniwanan nila ang lahat ng kanilang ari-arian sa lungsod.

Ang marami, na naniniwalang dapat sundin ang utos ng Diyos at mga tuntunin ng kanilang relihiyon, ay lumabas din at sa ilang na nanirahan.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 49. 1-2. 5-6. 14-15
Tugon: Ang masunurin sa Diyos sa sasagipin n’yang lubos.

Ang dakilang Panginoon, ang Diyos na nagsasaysay,
ang lahat ay tinatawag sa silangan at kanluran,
magmula sa dakong Sion, ang lungsod ng kagandahan,
makikita siya roong nagniningning kung pagmasdan.

Tugon: Ang masunurin sa Diyos sa sasagipin n’yang lubos.

Ang lahat ng matatapat na lingkod ko ay tipunin,
silang tapat sa tipan ko’t naghahandog niyong hain.
Ang buong kalangita’y naghahayag na ang Diyos,
isang hukom na matuwid, kung humatol ay maayos.

Tugon: Ang masunurin sa Diyos sa sasagipin n’yang lubos.

Ang inihandog ninyo sa Diyos ay ang inyong pasalamat;
ang pangakong handog ninyo ay tuparin ninyong lahat.
Kung kayo ay may bagabag, ako lagi ang tawagin;
kayo’y aking ililigtas, ako’y inyong pupurihin.

Tugon: Ang masunurin sa Diyos sa sasagipin n’yang lubos.

ALELUYA
Salmo 94, 8ab

Aleluya! Aleluya!
Dinggin ninyong lahat ngayon
ang tinig ng Panginoon
sa loob na mahinahon.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 19, 41-44

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, nang malapit na si Hesus sa Jerusalem at matanaw niya ang lungsod, ito’y kanyang tinangisan. Sinabi niya, “Kung nalalaman mo lamang sa araw na ito kung ano ang makapagdudulot sa iyo ng kapayapaan! Ngunit lingid ito ngayon sa iyong paningin. Sapagkat darating ang mga araw na paliligiran ka ng kuta ng iyong mga kaaway, kukubkubin at gigipitin sa magkabi-kabila. Wawasakin ka nila, at lilipulin ang mga anak mo sa loob ng iyong muog. At ni isang bato’y wala silang iiwan sa ibabaw ng kapwa bato, sapagkat hindi mo pinansin ang pagdating ng Diyos upang iligtas ka.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Previous post:

Next post:

Leave a Comment



Previous post:

Next post: