Mga Pagbasa – Martes, Nobyembre 21, 2017

by Roxanne Pena on November 21, 2017 · 0 comments

in Tagalog Mass Readings

Paggunita sa Pagdadala sa Mahal na Birhen sa Templo
Martes ng Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

2 Macabeo 6, 18-31
Salmo 3, 2-3. 4-5. 6-7

Ako’y itinataguyod ng aking Panginoong D’yos.

Lucas 19, 1-10

UNANG PAGBASA
2 Macabeo 6, 18-31

Pagbasa mula sa Ikalawang aklat ng Macabeo

Noong mga araw na iyon, may isang matanda at iginagalang na guro ng Kautusan. Siya si Eleazar. Nakatuwaan nilang siya ay pakanin ng baboy, kaya’t pinilit siyang magbuka ng bibig. Sa pag-iwas niyang makapitan ng kasamaan, pinili na niya ang mamatay na marangal. Kaya’t ang pagkaing pilit na isinubo ay kanyang iniluwa. Pagkatapos, siya na ang kusang lumapit sa inihandang pagpaparusahan sa kanya. Ipinakita niya na dapat maglakas-loob ang sinuman na tumangging kumain ng pagkaing labag sa kautusan, kahit ito’y mangahulugan ng kanyang kamatayan.

Ang mga napag-utusang magbigay kay Eleazar ng pagkaing labag sa Kautusan ay dati na niyang mga kakilala. Kaya’t dahil sa pagmamalasakit nila kay Eleazar, kinausap nila siya nang lihim. Pinapaghanda nila siya ng karneng hindi ipinagbabawal, at ipinayo na magkunwari siyang ang karneng baboy na ibibigay sa kanya ang kakanin niya, ngunit ang totoo, ang dala niya ang kanyang kakanin. Sa paraang ito, maliligtas siya sa kamatayan.

Subalit ang kagandahang-loob na ito ay magalang niyang tinanggihan. Buo na ang kanyang pasiya. Matanda na siya at maputi na ang kanyang buhok. Naalaala niyang sapul pagkabata’y naging tapat siya sa Kautusan ng Diyos. Kaya’t sumagot siya, “Patayin na ninyo ako ngayon din. Sa gulang kong ito’y hindi na dapat magkunwari pa. Ano na lang ang sasabihin ng mga kabataan kung hindi ako mananatiling tapat? Hindi ba sasabihin nila na kung kailan ko inabot ang siyamnapung taon ay saka ko pa tinalikdan ang aking relihiyon! Kung ako’y magtaksil para lamang madugtungan ng kaunti ang aking buhay, para ko na ring iniligaw ang mga kabataan at binigyang-kahihiyan ang aking katandaan. Maaaring maiwasan ko ang parusa ng tao, ngunit sa mabuhay ako o mamatay, hindi ako makaiiwas sa parusa ng Makapangyarihan sa lahat. Kaya’t tatanggapin ko na ngayon ang marangalna kamatayan na siyang magiging putong ng aking katandaan. Sa gayun, mag-iiwan ako ng isang dakilang halimbawa sa mga kabataan – ang marangal at buong pusong paghahandog ng buhay alang-alang sa banal na utos ng Diyos.”
Matapos niyang sabihin ito, lumapit agad siya sa inihandang pagpapatayan sa kanya. Ang mga kaibigang nagmalasakit sa kanya ay nainis na rin; para sa kanila’y kaululan lamang ang mga sinabi niya. Kaya’t ginulpo nila siya hanggang sa mamatay. Ngunit bago nalagutan ng hininga, sinabi ni Eleazar, “Ang Panginoon ang nakababatid ng lahat. Alam niya ang katakut-takot na hirap na tiniis ko sa pagpaparusang ito, kahit ito’y maaaring maiwasan ko. Alam din niyang maligaya kong tiniis itong hirap dahil sa aking pagmamahal sa kanya.”

Namatay nga si Eleazar, ngunit siya’y nag-iwan ng isang halimbawa ng pagiging uliran sa tapang at si malilimutang katangian ng pag-uugali, hindi lamang para sa mga kabataan kundi para rin sa buong bansa.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 3, 2-3. 4-5. 6-7

Tugon: Ako’y itinataguyod ng aking Panginoong D’yos.

O Panginoon ko, kay raming kaaway,
sa abang lingkod mo ay kumakalaban;
ang palagi nilang pinag-uusapan,
ako raw, O Diyos, di mo tutulungan!

Tugon: Ako’y itinataguyod ng aking Panginoong D’yos.

Ngunit ang totoo, sa lahat ng oras,
iniingatan mo at inililigtas;
sa aki’y tagumpay ang iginagawad,
mahina kong loob ay pinalalakas.
Kaya ikaw, Poon, nang aking tawagan,
sinagot mo ako sa bundok na banal.

Tugon: Ako’y itinataguyod ng aking Panginoong D’yos.

Ako ay humimlay, agad nakatulog,
ligtas na nagising ang iyong kinupkop;
libo mang kaaway, wala akong takot,
humanay man sila, sa aking palibot.
Halika, O Diyos, iligtas mo ako,
lahat kong kaaway ay pasukin mo.

Tugon: Ako’y itinataguyod ng aking Panginoong D’yos.

ALELUYA
1 Juan 4, 10b

Aleluya! Aleluya!
Inibig tayo ng Ama,
isinugo ang Anak n’ya
bilang panubos sa sala.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 19, 1-10

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, pumasok si Hesus sa Jerico, at naglakad sa kabayanan. Doo’y may isang mayamang puno ng mga publikano na nagngangalang Zaqueo. At pinagsikapan niyang makita si Hesus upang makilala kung sino ito. Ngunit siya’y napakapandak, at dahil sa dami ng tao, hindi niya makita si Hesus. Kaya’t patakbo siyang nagpauna at umakyat sa isang puno ng sikomoro upang makita si Hesus na magdaraan doon. Pagdating ni Hesus sa dakong iyon, siya’y tumingala at sinabi sa kanya, “Zaqueo, bumaba ka agad, sapagkat kailangan kong tumuloy ngayon sa bahay mo.” Nagmamadali siyang bumaba, at tuwang-tuwang tinanggap si Hesus. Lahat ng nakakita nito ay nagbulung-bulungan. “Nakikituloy siya sa isang makasalanan,” wika nila. Tumayo si Zaqueo at sinabi, “Panginoon, ibibigay ko po sa mga dukha ang kalahati ng aking ari-arian. At kung ako’y may nadayang sinuman, apat na ibayo ang isasauli ko sa kanya.” At sinabi sa kanya ni Hesus, “Ang kaligtasa’y dumating ngayon sa sambahayang ito; lipi rin ni Abraham ang taong ito. Sapagkat naparito ang Anak ng Tao upang hanapin at iligtas ang naligaw.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Previous post:

Next post:

Leave a Comment



Previous post:

Next post: