Mga Pagbasa – Linggo, Nobyembre 19, 2017

by Roxanne Pena on November 19, 2017 · 0 comments

in Tagalog Mass Readings

Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)

Kawikaan 31, 10-13. 19-20. 30-31
Salmo 127, 1-2. 3. 4-5

Mapalad ang sumusunod na taong may takot sa D’yos.

1 Tesalonica 5, 1-6
Mateo 25, 14-30

UNANG PAGBASA
Kawikaan 31, 10-13. 19-20. 30-31

Pagbasa mula sa aklat ng Mga Kawikaan

Mahirap makakita ng mabuting asawa, higit sa mamahaling alahas ang kanyang halaga.
Lubos ang tiwala ng kanyang asawa, at saganang pakinabang ang makakamit niya.
Pinaglilingkuran niya ang kanyang asawa habang sila’y nabubuhay, pawang kabutihan ang ginagawa at di kasamaan.
Wala siyang tigil sa paggawa, hindi na halos nagpapahinga, humahabi ng kanyang lino at saka ng lana.
Siya’y gumagawa ng mga sinulid, at humahabi ng sariling damit.
Matulungin siya sa mahirap at sa nangangailangan ay bukas ang palad.
Magdaraya ang pang-akit at kumukupas ang ganda ngunit ang babaing may takot sa Panginoon ay pupurihin ng balana.
Ibunton sa kanya ang lahat ng parangal, karapat-dapat siya sa papuri ng bayan.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 127, 1-2. 3. 4-5

Tugon: Mapalad ang sumusunod na taong may takot sa D’yos.

Mapalad ang bawat tao na sa Diyos ay may takot,
ang maalab na adhika’y sumunod sa kanyang utos.
Hindi siya magkukulang sa anumang kailangan,
ang buhay ay maligaya’t uunlad ang kanyang buhay.

Tugon: Mapalad ang sumusunod na taong may takot sa D’yos.

Sa tahanan, ang asawa’y parang ubas na mabunga.
Bagong tanim na olibo sa may dulang ang anak n’ya.

Tugon: Mapalad ang sumusunod na taong may takot sa D’yos.

Ang sinuman kung ang Diyos buong pusong susundin,
buhay niya ay uunlad at laging pagpapalain.
Mula sa sion, pagpapala nawa ng Diyos ay tanggapin,
at makita habang buhay, pag-unlad ng Jerusalem.

Tugon: Mapalad ang sumusunod na taong may takot sa D’yos.

IKALAWANG PAGBASA
1 Tesalonica 5, 1-6

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Tesalonica

Mga kapatid, hindi na kailangang isulat ko pa sa inyo kung kailan magaganap ang mga bagay na ito, sapagkat alam na ninyong ang pagdating ng Araw ng Panginoon ay tulad sa pagdating ng magnanakaw. Kapag sinasabi ng mga tao, “Tiwasay at panatag ang lahat,” biglang darating ang kapahamakan. Hindi sila makaiiwas sapagkat ang pagdating nito’y tulad ng pagsumpong ng pagdaramdam ng babaing manganganak. Ngunit hindi kayo nabubuhay sa kadiliman, mga kapatid, kaya’t hindi kayo mabibigla sa Araw na yaon na darating na parang magnanakaw. Kayong lahat ay kabilang sa panig ng kaliwanagan — sa panig ng araw — hindi sa panig ng kadiliman o ng gabi. Kaya nga, kailangang tayo’y manatiling gising, laging handa, at malinaw ang isip — di tulad ng iba.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Juan 15, 4a. 5b

Aleluya! Aleluya!
Sa Poon ay manatili
siya’y sa atin lalagi
mamungang maluwalhati.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 25, 14-30

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad ang talinghagang ito: “Ang paghahari ng Diyos ay maitutulad dito: May isang taong maglalakbay, kaya tinawag niya ang kanyang mga alipin at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang ari-arian. Binigyan niya ng salapi ang bawat isa ayon sa kanya-kanyang kakayahan: binigyan niya ang isa ng limang libong piso, ang isa nama’y dalawang libong piso, at ang isa pa’y isang libong piso. Pagkatapos, siya’y umalis. Humayo agad ang tumanggap ng limang libong piso at ipinangalakal iyon. At nagtubo siya ng limang libong piso. Gayun din naman, ang tumanggap ng dalawang libong piso ay nagtubo ng dalawang libong piso. Ngunit ang tumanggap ng isang libong piso ay humukay sa lupa at itinago ang salapi ng kanyang panginoon.

Pagkaraan ng mahabang panahon, bumalik ang panginoon ng mga aliping iyon at pinapagsulit sila. Lumapit ang tumanggap ng limang libo. Wika niya, ‘Panginoon, heto po ang limang libo na bigay ninyo sa akin. Heto pa po ang limang libo na tinubo ko.’ Sinabi sa kanya ng panginoon, ‘Magaling! Tapat ay mabuting alipin! Yamang naging tapat ka sa kaunting halaga, pamamahalain kita sa malaking halaga. Makihati ka sa aking kagalakan!’ Lumapit din ang tumanggap ng dalawang libo, at ang sabi, ‘Panginoon, heto po ang ibinigay ninyong dalawang libo. Heto naman po ang dalawang libong piso na tinubo ko.’ Sinabi ng kanyang panginoon, ‘Magaling! Tapat at mabuting alipin! Naging tapat ka sa kaunting halaga, kaya pamamahalain kita sa malaking halaga. Makihati ka sa aking kagalakan.’ At lumapit naman ang tumanggap ng isang libong piso. ‘Alam ko pong kayo’y mahigpit,’ aniya. ‘Gumagapas kayo sa hindi ninyo tinamnan, at nag-aani sa hindi ninyo hinasikan. Natakot po ako, kaya’t ibinaon ko sa lupa ang inyong salapi. Heto na po ang isang libo ninyo.’ ‘Masama at tamad na alipin!’ tugon ng kanyang panginoon. ‘Alam mo palang gumagapas ako sa hindi ko tinamnan at nag-aani sa hindi ko hinasikan! Bakit hindi mo iyan inilagak sa bangko, di sana’y may nakuha akong tubo ngayon? Kunin ninyo sa kanya ang isang libong piso at ibigay sa may sampung libo. Sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, at mananagana; ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa. Itapon ninyo sa kadiliman sa labas ang aliping walang kabuluhan. Doo’y tatangis siya at magngangalit ang kanyang ipin.’”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Previous post:

Next post:

Leave a Comment



Previous post:

Next post: