Mga Pagbasa – Linggo, Agosto 13, 2017

by Roxanne Pena on August 13, 2017 · 3 comments

in Tagalog Mass Readings

Ika-19 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)

1 Hari 19, 9a. 11-13a
Salmo 84, 9ab-10. 11-12. 13-14

Pag-ibig mo’y ipakita, iligtas kami sa dusa.

Roma 9, 1-5
Mateo 14, 22-33

UNANG PAGBASA
1 Hari 19, 9a. 11-13a

Pagbasa mula sa unang aklat ng mga Hari

Noong mga araw na iyon, si Elias ay sumapit sa Horeb na bundok ng Diyos. Pumasok siya sa isang yungib at doon nagpalipas ng gabi. Walang anu-ano’y nagsalita sa kanya ang Panginoon: “Lumabas ka at tumayo sa ibabaw ng bundok sa harapan ko.” Pagkasabi nito’y dumaan ang Panginoon at umihip ang napakalakas na hangin. Sumabog ang bundok at nagkadurug-durog ang mga bato sa lakas ng hangin ngunit wala sa hangin ang Panginoon. Nang tumigil ang hangin ay lumindol, ngunit wala sa lindol ang Panginoon. Pagkalipas ng lindol ay kumidlat, ngunit wala rin sa kidlat ang Panginoon. Pagkalipas ng kidlat, narinig niya ang isang banayad na tinig.

Lumabas si Elias, tinakpan ng balabal ang kanyang mukha at naghintay sa bunganga ng yungib.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 84, 9ab-10. 11-12. 13-14

Tugon: Pag-ibig mo’y ipakita, iligtas kami sa dusa.

Aking naririnig magmula sa Poon ang sinasalita;
sinasabi niyang ang mga lingkod n’ya’y magiging payapa,
kung mangagsisisi at di na babalik sa gawang masama.
Ang nagpaparangal sa pangalan niya’y kanyang ililigtas,
sa ating lupain ay mananatili ang kanyang paglingap.

Tugon: Pag-ibig mo’y ipakita, iligtas kami sa dusa.

Ang pagtatapatan at pag-iibiga’y magdadaup-palad,
ang kapayapaan at ang katwira’y magsasamang ganap.
Sa balat ng lupa’y pawang maghahari yaong pagtatapat,
at ang katarungan nama’y maghahari mula sa itaas.

Tugon: Pag-ibig mo’y ipakita, iligtas kami sa dusa.

Gagawing maunlad ng Panginoong Diyos itong ating buhay,
ang mga halaman sa ating lupai’y bubungang mainam;
sa harapan niya yaong maghahari’y pawang katarungan,
magiging payapa’t susunod ang madla sa kanyang daan.

Tugon: Pag-ibig mo’y ipakita, iligtas kami sa dusa.

IKALAWANG PAGBASA
Roma 9, 1-5

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma

Mga kapatid, saksi ko si Kristo na katotohanan ang sinasabi ko; hindi ako nagsisinungaling. Saksi ko rin ang Espiritu Santo na malinis ang aking budhi sa sasabihin kong ito sa inyo: matindi ang aking kalungkutan at di mapawi ang pagdaramdam ng aking puso tungkol sa aking mga kalahi at mga kababayan, anupat mamatamisin kong ako’y sumpain at mawalay kay Kristo, alang-alang sa kanila. Sila’y mga Israelita at itinuring ng Diyos na mga anak niya. Nakita nila ang maliwanag na tanda na nagpapakilalang siya’y kasama nila. Sa kanila nakipagtipan ang Diyos; sa kanila rin ibinigay ang Kautusan, ang tunay na pagsamba, at ang mga pangako. Sila’y nagmula sa mga patriyarka, at sa kanilang lahi nagmula ang Kristo nang siya’y maging tao, Diyos na Kataas-taasan, na pinapupurihan magpakailanman! Amen.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Salmo 129, 5

Aleluya! Aleluya!
Poon, ikaw ang pag-asa,
ang Salita mo’y ligaya,
pag-asa ko sa tuwina.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 14, 22-33

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, matapos pakainin ang mga tao, agad pinakasakay ni Hesus sa bangka ang kanyang mga alagad at pinauna sa kabilang ibayo samantalang pinauuwi niya ang mga tao. Pagkaalis ng mga ito, umahon siya sa burol upang manalangin. Nag-iisa siyang inabot doon ng gabi. Samantala, nasa laot na noon ang bangka at sinasalpol ng mga alon sapagkat pasalungat sa hangin. At nang madaling araw na’y sumunod sa kanilla si Hesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Kinilabutan sa takot ang mga alagad nang makita nilang may lumalakad sa ibabaw ng tubig. “Multo!” sigaw nila. Ngunit agad siyang nagsalita at sinabi sa kanila, “Huwag kayong matakot; si Hesus ito!” At nagsalita si Pedro, “Panginoon, kung talagang kayo iyan, papariyanin ninyo ako sa ibabaw ng tubig.” Sumagot siya, “Halika.” Kaya’t lumunsad si Pedro sa bangka at lumakad sa ibabaw ng tubig, palapit kay Hesus. Ngunit nang mapansin niya ang hangin, siya’y natakot at nagsimulang lumubog. “Sagipin ninyo ako, Panginoon!” sigaw niya. Agad siyang inabot ni Hesus. “Napakaliit ng iyong pananalig!” sabi niya kay Pedro. “Bakit ka nag-alinlangan?” Pagkasakay nila sa bangka, tumigil ang hangin. At sinamba siya ng mga nasa bangka. “Tunay na kayo ang Anak ng Diyos!” sabi nila.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Previous post:

Next post:

{ 3 comments… read them below or add one }

Fr.Sundeep August 11, 2017 at 12:28 pm

Maraming salamat po!

Reply

Patrick Cu August 13, 2017 at 11:13 pm

Salamat Panginoon, aming taga pagligtas, pagasa ng madla, mapagmahal na Diyos, Diyos ng mga Diyos, iligtas mo po kami at liwanagan ang aming isip puso at kaluluwa, Salamat po sa kabutihan niyo at kami ay namumuhay nang masaya sa kabila nang mga problema ay matiwasay padin kaming nabubuhay AMEN

Reply

Angelica**** August 15, 2017 at 4:40 am

pinupuri ka namin panginoon

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: