Mga Pagbasa – Linggo, Hulyo 2, 2017

by Roxanne Pena on July 2, 2017 · 0 comments

in Tagalog Mass Readings

Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)

2 Hari 4, 8-11. 14-16a
Salmo 88, 2-3. 16-17. 18-19

Pag-ibig mong walang maliw ay lagi kong sasambitin.

Roma 6, 3-4. 8-11
Mateo 10, 37-42

UNANG PAGBASA
2 Hari 4, 8-11. 14-16a

Pagbasa mula sa ikalawang aklat ng mga Hari

Minsan, si Eliseo’y nagpunta sa Sunem. May isang mayamang babae roon at siya’y inanyayahang kumain sa kanila. Mula noon, doon siya kumakain sa kanila. Mula noon, doon siya kumakain tuwing pupunta sa lugar na yaon. Sinabi ng babaw sa kanyang asawa, “Natitiyak kong lingkod ng Diyos ang taong ito. Bakit di natin siya ipagpagawa ng isang silid para matuluyan niya tuwing pupunta rito? Bigyan natin siya ng higaan, mesa, upuan at ilaw.”

Nang magbalik si Eliseo, doon siya nagpahinga sa silid na inihanda sa kanya. Pagkaalis ng babae, tinanong ni Eliseo si Giezi, “Ano kaya ang maitutulong natin sa kanya?” Sumagot si Giezi, “Wala po siyang anak at matanda na ang asawa.” “Tawagin mo uli,” utos ni Eliseo. Nagbalik ang babae at tumayo sa may pintuan. Sinabi sa kanya ni Eliseo, “Isang taon mula ngayon ikaw ay magkakaanak.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 88, 2-3. 16-17. 18-19

Tugon: Pag-ibig mong walang maliw ay lagi kong sasambitin.

Pag-ibig mo, Poon, na di magmamaliw
ang sa tuwi-t’wina’y aking aawitin;
ang katapatan mo’y laging sasambitin,
yaong pag-ibig mo’y walang katapusan,
sintatag ng langit ang ‘yong katapatan.

Tugon: Pag-ibig mong walang maliw ay lagi kong sasambitin.

Mapalad ang taong sa ‘yo’y sumasamba,
sa pagsamba nila’y inaawitan ka
at sa pag-ibig mo’y namumuhay sila.
Sa buong maghapon, ika’y pinupuri,
ang katarungan mo’y siyang sinasabi.

Tugon: Pag-ibig mong walang maliw ay lagi kong sasambitin.

Ang tagumpay namin ay iyong kaloob,
dahilan sa iyong kagandahang-loob.
Pagkat pinili mo yaong hari namin,
kaloob mo ito, Banal ng Israel.

Tugon: Pag-ibig mong walang maliw ay lagi kong sasambitin.

IKALAWANG PAGBASA
Roma 6, 3-4. 8-11

Mga kapatid:
Hindi ba ninyo nalalaman na tayong lahat na nabinyagan kay Kristo Hesus ay nabinyagan sa kanyang kamatayan? Samakatwid, tayo’y namatay at nalibing na kasama niya sa pamamagitan ng binyag upang kung paanong binuhay na muli si Kristo sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan ng Ama, tayo nama’y mabuhay sa isang bagong pamumuhay. Ngunit tayo’y naniniwalang mabubuhay tayong kasama ni Kristo kung namatay tayong kasama niya. Alam nating si Kristo na muling binuhay ay hindi na muling mamamatay. Wala nang kapangyarihan sa kanya ang kamatayan. Nang siya’y mamatay, namatay siya nang minsanan para sa kasalanan, at ang buhay niya ngayo’y para sa Diyos. Kaya dapat ninyong ibilang ang inyong sarili na patay na sa kasalanan datapwa’t buhay naman para sa Diyos sa inyong pakikipag-isa kay Kristo Hesus.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
1 Pedro 2, 9

Aleluya! Aleluya!
Ikaw, Kristo, ang humirang
upang kami’y maging bayan
ng pari at haring banal.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 10, 37-42

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga apostol, “Huwag ninyong isiping naparito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa; naparito ako upang magdala ng tabak, hindi kapayapaan. Sapagkat naparito ako upang papaglabanin ang anak na lalaki at ang kanyang ama, ang anak na babae at ang kanyang ina, ang manugang na babae at ang kanyang biyenang babae. At ang kaaway ng isang tao’y ang kanya na ring kasambahay.

“Ang umiibig sa ama o sa ina nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. At ang umiibig sa anak na lalaki o babae nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang hindi nagpapasan ng kanyang krus at sumusunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang nag-iingat ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito, at ang nawawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay magkakamit nito.

“Ang tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. Ang tumatanggap sa isang propeta dahil sa siya’y propeta ay tatanggap ng gantimpala ukol sa propeta. At ang tumatanggap sa isang taong matuwid dahil sa siya’y matuwid ay tatanggap ng gantimpalang nauukol sa taong matuwid. At sinumang magbigay ng kahit isang basong tubig na malamig sa isa sa maliliit na ito dahil sa ito’y alagad ko – tinitiyak ko sa inyong tatanggap siya ng gantimpala.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Previous post:

Next post:

Leave a Comment



Previous post:

Next post: