Mga Pagbasa – Sabado, Enero 7, 2017

by Roxanne Pena on January 7, 2017 · 1 comment

in Tagalog Mass Readings

Ika-7 ng Enero

1 Juan 5, 14-21
Salmo 149, 1-2. 3-4. 5 at 6a at 9b

Panginoo’y nagagalak sa hirang n’yang mga anak.

Juan 2, 1-11

UNANG PAGBASA
1 Juan 5, 14-21

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Juan

Minamahal kong mga kapatid, hindi tayo nag-aatubiling lumapit sa Anak ng Diyos, sapagkat alam nating ibibigay niya ang anumang hingin natin na naaayon sa kanyang kalooban. Yamang alam nating dinirinig nga niya tayo, alam din nating ibinibigay niya ang hinihiling natin sa kanya.
Kung makita ninuman na ang kanyang kapatid ay gumagawa ng kasalanang di hahantong sa kamatayang espirituwal, ipanalangin niya ang kapatid na iyon, at ito’y bibigyan ng bagong buhay. Ito’y para sa mga kapatid na ang kasalanan ay hindi hahantong sa kamatayang espirituwal, at hindi ko sinasabing idalangin ninyo ang sinumang gumagawa nito. Ang lahat ng gawaing di matuwid ay kasalanan, ngunit may kasalanang hindi hahantong sa kamatayang espirituwal.

Alam nating ang mga anak ng Diyos ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala, sapagkat iniingatan sila ni Hesukristo, at hindi sila maaaring anhin ng diyablo. Alam nating tayo’y mga anak ng Diyos, at ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng diyablo.

At nalalaman nating naparito ang Anak ng Diyos at binigyan niya tayo ng pang-unawa upang makilala natin ang tunay na Diyos, at tayo’y nasa tunay na Diyos, sa kanyang Anak na si Hesukristo. Ito ang tunay na Diyos at buhay na walang hanggan.

Mga anak, lumayo kayo sa mga diyus-diyusan.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 149, 1-2. 3-4. 5 at 6a at 9b

Tugon: Panginoo’y nagagalak sa hirang n’yang mga anak.

Ang Panginoo’y purihin, awitan ng bagong awit,
paruhin sa pagtitipon ng tapat sa pananalig.
Magalak ka, O Israel, dahilan sa Manlilikha;
dahilan sa iyong hari, ikaw Sion ay matuwa.

Tugon: Panginoo’y nagagalak sa hirang n’yang mga anak.

Purihin sa pagsasayaw, purihin ang kanyang ngalan;
alpat’ tambol ay tugtugin at siya ay papurihan.
Panginoo’y nagagalak sa kanyang mga hirang.
Sa nangagpapakumbaba’y tagumpay ang ibibigay.

Tugon: Panginoo’y nagagalak sa hirang n’yang mga anak.

Sa tagumpay na natamo, magalak ang mga hirang.
Sa kanilang pagpipista ay magsaya’t mag-awitan.
Sa pagpuri sa Panginoon, ay bayaang magsigawan.
Ang tatanggap ng tagumpay, ay ang kanyang mga hirang.

Tugon: Panginoo’y nagagalak sa hirang n’yang mga anak.

ALELUYA
Lucas 7, 16

Aleluya! Aleluya!
Narito at dumating na
isang dakilang propeta
sugo ng Diyos sa bayan n’ya.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 2, 1-11

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, may kasalan sa Cana, Galilea, at naroon ang ina ni Hesus. Si Hesus at ang kanyang mga alagad ay naroon din. Kinapos ng alak kaya’t sinabi ng ina ni Hesus sa kanya, “Naubusan sila ng alak.” Sinabi ni Hesus, “Huwag ninyo akong pangunahan, Ginang! Hindi pa ito ang panahon ko.” Sinabi ng kanyang ina sa mga naglilingkod, “Gawin ninyo ang anumang sabihin niya sa inyo.”

Doo’y may anim na tapayan, ang bawat isa’y naglalaman ng dalawampu hanggang tatlumpung galon. Nakalaan ang mga ito para sa paglilinis ayon sa tuntuning panrelihiyon ng mga Judio. Sinabi ni Hesus sa mga katulong, “Punuin ninyo ng tubig ang mga tapayan.” At pinuno nga nila hanggang sa labi. Pagkatapos sinabi niya, “Sumalok kayo ngayon at dalhin ninyo sa namamahala ng handaan.” Dinalhan nga nila ang namamamahala ng handaan. Tinikman naman nito ang tubig na naging alak. Hindi niya alam kung saan nanggaling iyon, bagamat alam ng mga katulong na sumalok ng tubig, kaya’t tinawag niya ang lalaking ikinasal. Sinabi niya rito, “Ang una pong inihahain ay ang masarap na alak. Kapag marami nang nainom ang mga tao, saka inihahain ang mababang uri. Ngunit pipinagpahuli ninyo ang masarap na alak.”

Ang nangyari ito sa Cana, Galilea, ay siyang unag kababalaghang ginawa ni Hesus. Sa pamamagitan nito’y inihayag niya ang kanyang kadakilaan, at nanalig sa kanya ang mga alagad.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Previous post:

Next post:

{ 1 comment… read it below or add one }

guada shella s. flores January 7, 2017 at 8:32 am

Lord thankyou po sa kabila ng sakit na meron ako now ndi nio pa rin akoh
Pinabanayan .. wag nio po akong bibitiwan hawakam nio po akong
Mabuti .. nahihirapan na po akoh .. amen

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: