Mga Pagbasa – Sabado, Hulyo 9, 2016

by Roxanne Pena on July 1, 2016 · 2 comments

in Tagalog Mass Readings

Sabado ng Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

Isaias 6, 1-8
Salmo 92, 1ab. 1k-2. 5

Panginoo’y naghari na! Ang damit n’ya’y maharlika.

Mateo 10, 24-33

UNANG PAGBASA
Isaias 6, 1-8

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Nang taong mamatay si Haring Uzias, nakita ko ang Panginoon. Nakaupo siya sa isang napakataas na luklukan. Ang laylayan ng kanyang damit ay nakalatag sa buong templo. May mga serapin sa kanyang ulunan, at bawat isa’y may anim na pakpak. Wala silang tigil nang kasasabi sa isa’t isa ng ganito:

“Banal, banal, banal ang Panginoong Diyos ng mga hukbo;
ang kanyang kaningninga’y laganap sa sanlibutan.”
Sa lakas ng kanilang tinig ay nayanig ang pundasyon ng templo at ang loob nito’y napuno ng usok. Sinabi ko, “Kawawa ako. Marumi ang aking labi at naninirahan sa piling ng mga taong marurumi rin ang labi. Mapapahamak ako pagkat ako’y isang makasalanang nakakita sa Panginoon, ang Makapangyarihang Hari.”

Pagkatapos, may isang seraping sumipit ng baga sa dambana, at lumipad na patungo sa akin. Ang baga ay idiniit sa aking mga labi, at sinabi, “Wala ka nang sala. Napawi na ang mga kasalanan mo.” Narinig ko ang tinig ng Panginoon, “Sino ang aking ipadadala? Sino ang aming susuguin?” Sumagot ako, “Narito po ako. Ako ang isugo n’yo.”

SALMONG TUGUNAN
Salmo 92, 1ab. 1k-2. 5

Tugon: Panginoo’y naghari na! Ang damit n’ya’y maharlika.

Panginoo’y naghahari, na ang suot sa katawan
ay damit na maharlika at batbat ng kalakasan.

Tugon: Panginoo’y naghari na! Ang damit n’ya’y maharlika.

Ang sandigan ng daigdig, matatag ang pinatungan
kahit ano ang gawin pa’y hindi ito magagalaw.
Ang trono mo ay matatag simula pa noong una.
Bago pa ang ano pa man, likas ika’y naroon na.

Tugon: Panginoo’y naghari na! Ang damit n’ya’y maharlika.

Walang hanggan, Panginoon, ang lahat ng tuntunin mo,
sadyang banal at matatag ang sambahang iyong templo.

Tugon: Panginoo’y naghari na! Ang damit n’ya’y maharlika.

ALELUYA
1 Pedro 4, 14

Aleluya! Aleluya!
Hirap kaisa ni Kristo
ay kapalarang totoo,
kaloob ng Espiritu.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 10, 24-33

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga apostol, “Walang alagad na higit kaysa kanyang guro, at walang aliping hingit sa kanyang panginoon. Masiyahan ang alagad na matulad sa kanyang guro, at ang alipin na matulad sa kanyang panginoon. Kung ang puno ng sambahayan ay tinawag nilang Beelzebul, lalo na nilang aalimurahin ang kanyang mga kasambahay!

“Kaya huwag kayong matakot sa kanila. Walang natatago na di malalantad o nalilihim na di mabubunyag. Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim, ulitin ninyo sa liwanag; at ang ibinulong sa inyo ay inyong ipagsigawan. Huwag ninyong katakutan ang pumapatay ng katawan ngunit hindi nakapapatay ng kaluluwa. Sa halip, ang katakutan ninyo’y ang nakapapatay ng kaluluwa at katawan sa impiyerno. Hindi ba ipinagbibili ang maya nang dalawa isang pera? Gayunman, kahit isa sa kanila’y hindi nahuhulog sa lupa kung hindi kalooban ng inyong Ama. Maging ang buhok ninyo’y bilang na lahat. Kaya, huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa libu-libong maya.

“Ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilanlin ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit. Ngunit ang magtatwa sa kain sa harapan ng mga tao ay itatatwa ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Previous post:

Next post:

{ 2 comments… read them below or add one }

Jermaine July 9, 2016 at 6:13 am

Pinipuri ka namin Panginoong Hesukristo

Reply

rose July 10, 2016 at 10:17 am

Pinupuri ka namin panginoong Hesus.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: