Mga Pagbasa – Huwebes, Hulyo 7, 2016

by Roxanne Pena on July 1, 2016 · 1 comment

in Tagalog Mass Readings

Huwebes na Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

Oseas 11, 1-4. 8k-9
Salmo 79, 2ak at 3b. 15-16

Poon kami’y ‘yong iligtas at tanglawan ng ‘yong sinag.

Mateo 10, 7-15

UNANG PAGBASA
Oseas 11, 1-4. 8k-9

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Oseas

Ito ang sinasabi ng Panginoon
“Nang bata pa ang Israel, siya’y aking minahal na parang tunay na anak, at inilabas ko siya sa Egipto.
Ngunit habang siya’y tinatawag ko, lalo naman siyang lumalayo.
Lagi na lamang siyang naghahandog sa mga diyus-diyusan.
At nagsusunog ng kamanyang sa kanilang mga diyus-diyusan
Ako ang nagturo kay Efraim na lumakad, kinalong ko siya;
subalit hindi nila alam na ako ang nangangalaga sa kanila.
Pinatnubayan ko sila nang buong pagmamalasakit at pagmamahal;
ang katulad ko’y isang nag-aalis ng busal sa kanilang bibig,
at yumuko ako upang sila’y mapakain.
Nagtatalo ang loob ko at nanaig sa aking puso ang malasakit at awa.
Hindi ko ipadarama ang bigat ng aking poot.
Hindi ko na muling sisirain ang Efraim,
sapagkat ako’y Diyos at hindi tao, ang Banal na nasa kalagitnaan ninyo,
at hindi ako naparito upang magwasak.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 79, 2ak at 3b. 15-16

Tugon: Poon kami’y ‘yong iligtas at tanglawan ng ‘yong sinag.

Pastol ng Israel, kami ay pakinggan;
mula sa trono mong may mga kerubin, kami ay tulungan.
Sa taglay mong takas, kami ay iligtas, at tubusin sa hirap!

Tugon: Poon kami’y ‘yong iligtas at tanglawan ng ‘yong sinag.

Ika’y manumbalik,
O Diyos na Dakila! Pagmasdan mo kami mula sa itaas,
at ang punong ito’y muling pagyamanin, at iyong iligtas.
Lumapit ka sana,
ang puno ng ubas na itinanim mo ay iyong iligtas,
yaong punong iyon na pinalago mo’t iyong pinalakas!

Tugon: Poon kami’y ‘yong iligtas at tanglawan ng ‘yong sinag.

ALELUYA
Marcos 1, 15

Aleluya! Aleluya!
Ang D’yos ay maghahari na,
talikdan ang tanang sala,
manalig sa balita n’ya.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 10, 7-15

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga apostol, “Humayo kayo at ipangaral ninyo na malapit nang maghari ang Diyos. Pagalingin ninyo ang mga maysakit at buhayin ang mga patay. Pagalingin ninyo ang mga ketongin at palayasin ang mga demonyo. Yamang tumanggap kayo nang walang bayad, magbigay naman kayo nang walang bayad. Huwag kayong magdala ng salapi maging ginto, pilak, o tanso – sa inyong mga lukbutan. Huwag din kayong magdala ang supot sa inyong paglalakbay, ni bihisan, pampalit na panyapak, o tungkod; sapagkat ang manggagawa ay may karapatang sa kanyang ikabubuhay.

“At saanmang bayan o nayon kayo dumating, humanap kayo ng taong karapat-dapat pakituluyan, at manatili kayo roon habang kayo’y nasa lugar na iyon. Pagpasok ninyo sa bahay, sabihin ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!’ Kung karapat-dapat ang mga tao sa buhay na iyon, panatilihin ninyo sa kanila ang inyong bati. Ngunit kung hindi, bawiin ninyo ito. At kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang tahanan o bayan, umalis kayo roon at ipagpag ang alikabok ng inyong mga paa. Sinasabi ko sa inyo na sa Araw ng Paghuhukom ay higit na mabigat ang ipaparusa sa mga tao sa bayang yaon kaysa dinanas ng mga taga-Sodoma at taga-Gomorra.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Previous post:

Next post:

{ 1 comment… read it below or add one }

Jermaine July 7, 2016 at 4:51 am

Bkit po nawala na audio po ninyo? Salamat po

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: